Saturday, September 27, 2008

Pasong Tirad Lugar ng Kagitingan o Katangahan?


Gregorio



Si Che Guevara ay nagsabi "mountain warfare, specially battles on a mountain pass, is a big advantage for the defender in which victory is expected, than the invaders." Tulad din nang nangyari sa pagdedepensa ng "300 Spartans" sa panguguna ng kanilang haring si Leonides sa Thermopylae, laban sa kalahating milyong sundalong taga Persia sa panguguna naman ni haring Xerxes, kay tagal na labanan bago napatay ang 299 na mga Spartans. Nang ang mga Hapon ay natatalo na noong WW ll, ipinasya ni Heneral Yamashita ang mamundok at isinagawa ang "Guerrilla Warfare" sa ginawang “strategy” matagal bago sila napasuko. Katunayan maraming mga WW ll na sundalong Hapon, tulad ni Hiroo Onoda na nanatili at matiwasay na namuhay ng matagal sa isinagawang pamumundok sa Pilipinas at noong dekada 60s lang sumuko. Si Heneral Antonio Luna ay nagpasya at isagawa na ang "Guerrilla Warfare" sa bundok laban sa mga Gringo, ngunit sa kasawiang palad siya ay inasasina sa Bayambang, Cabanatuan.

Ang kamalian ni Don Emilio Aquinaldo y Famy ay tumakas na walang direksiyon 'di malaman kung saan tutungo, walang ginawang pagpaplano kung ano ang mainam na gagawin, tuloy umabot sa karagatan ng Palanan, na wala nang mapagtakbuhan. Kaya nga't sila ay napadaan sa Pasong Tirad na kasama ang kaniyang paborito at pinagkakatiwalaang Heneral Gregorio del Pilar. Ang Heneral, kasama ang 53 rebolusiyonaryo ay nagbuwis ng kanilang buhay, nang sa ganoon'y makatakas si "El Presidente". Ang ngayo'y itinuturing natin Pasong Tirad na simbolo ng kagitingan at hindi katangahan.

Si Gregorio del Pilar ay ipinaganak sa San Jose, Bulacan noong Nobiyembre 14, 1875. Ika-5 sa anim na anak, ang kaniyang Tiyo ay ang bayaning Marcelo del Pilar. Ang mga magulang ni Gregorio ay maralita, kaya't napilitan siyang nagtitinda ng kakanin noong siya ay bata pa upang makatulong sa kabuhayan nilang magpamilya. Siya naman ay nakapagaral sa Ateneo at may kahusayan sa Latin, Greco, Kastila, pilosopiya at algebra. Nakatira at pinagaral ng kaniyang tiya na maybahay ni Deodato Arellano na isang manunulat ng propaganda para sa KKK. Ang kaniyang naging gawain sa amain ay magpasa ng propaganda na mga sinulat at inimprenta ni Arellano.

Dahil sa kahirapan si Goyo (kung siya ay tawagin) ay 'di makayanang makapagaral sa unibersidad, kaya't siya ay nagaral na lang sa "school of arts & trades," upang maging "maestro de obras." Ang KKK sa Bulacan ay hindi naging matagumpay kaya ito’y hindi ipinagpatuloy. Kumalat ang balita ang lakas at matagumpay na paghihimagsik sa Cavite at dahil dito ang mga Bulakenyo'y nagsipagalsang muli. Ang barrio Kakaron de Sili, na nasa kalagitnaan ng San Rafael at Santa Maria ay may isang "mistikong lider" na nangagalang Maestrong Sebio na 'di umano daw ay hindi tinatablan ng bala, tuloy marami sa kaniyang  sumasampalataya at hinirang mamuno sa himagsikan, kasama na rito ay si Goyo.

Bagong taon ng 1897 -Si Goyo kasama ang kapatid na si Julian at kanilang bayaw, puspusang nakipaglabanan sa mga kastila, siya ay nagpamulat nang katapangan at nakaagaw ng 14 baril na "Mauser" mula sa napatay niyang "casadores". Dahil dito'y kaagad siyang ginawang kapitan ni Maestro Sebio. Bukod sa nangyaring ito, marami pang beses siyang nakaagaw na mga baril sa iba't ibang labanan. Ang balitang ito ay parang apoy na umabot ang balita kay Aquinaldo na agad-agad na itinaas ang kaniyang katungkulan muli na maging Koronel.

Disyembre, taong 1897 lalong naging malapit ang kalooban ni Aquinaldo kay del Pilar, lubos na humahanga at pigkakatiwalaan, tuloy isinama siya sa Hongkong sa isinagawang "self exile" ni Aquinaldo sa Pakto ng Biak na Bato. Ang buwan ng Disyembre ay napakahalaga sa buhay ni Del Pilar, Disyembre ng siya ay sumanib sa KKK, Disyembre naman nang isinama siya sa ginawang "Self Exile" sa Hongkong ni Aquinaldo, Disyembre rin ng namatay siya sa Pasong Tirad. Nang tanghalin ni Aquinaldo ang kaniyang sarili na Diktador ng Pilipinas, sinabi ni Aquinaldo kay Tomas Mascardo..."Isinama ko si Goyo sa Hongkong, Singapore at Saigon, sapagkat siya ang aking tagapagpayo, pinagkakatiwala ko sa kaniya ang lahat, hangang sa aking kamatayan. Dahil dito, si Goyo ang aking na piling Diktador ng Bulacan at Nueva Ecija."

Nang sumuko ang mga Kastila sa Bulacan noong Hunyo 24, 1898, tunog ng mga kampana sa simbahan ay walang humpay, sabay sa pagkanta ng korong mula sa naggagandahang mga dilag na umaawit sa nilikhang tugtugin alay kay Goyo ni maestro Pedro Santos. Ang ala "Prinsipe Amante" na del Pilar ng Bulacan, ay nakasakay sa kaniyang kabayong puti, nakabagong unipormeng khaki na ipinasadya pa sa Hongkong, bagong bota na mula sa Inglatiera na may pilak na "spur" at ang mga diamanteng singsing nasa kaniyang mga daliri'y nagkikislapan. Kababaihan sa kaniya'y kay laki nang paghanga, kahit batid ng mga ito na napakadami niyang mga "querrida" sa iba't-ibang lugar. Isang 'di magandang pangyayari noong inagurasyon ng Kongreso sa Malolos nang si Heneral Isidoro Torres ay napiling mamuno sa mga rebulusyonariong sundalo, humahagibis na nagtugo si del Pilar sa gitna ng plaza na nakasakay sa kabayo, sa harap ng lahat, kasama na si Aquinaldo at mga kongresista, si del Pilar ay ubod lakas na sumigaw "Heneral Torres...kung saan ang teritoriyo ni Heneral del Pilar, ikaw ay hindi maaaring mamuno!!!" Si del Pilar ay walang sinasaluduhan o sinusunod na inuutos mula sa mga nakakataas sa kaniyang opisyales, bukod tagi lang si Aquinaldo at mga inuutos nito ang kaniyang sinusunod.

Hunyo 4, 1899 nang anyayahan ni Aquinaldo si del Pilar na makipagkita sa kaniya sa San Isidro, Nueva Ecija upang ipaalam at ibigay ang isang napakahalaga at sikretong misyon. Si Antonio Luna na kung tanghalin ng mga Gringo "the Filipino military geinus," ay isang creole na ilustrado, kinakaingitan, mainitin ang ulo, walang respeto at pitagan kay Aquinaldo, isang Ilocano na hindi makasundo ni Aquinaldo pati na nang mga Cavitenong kababayan. Dahilan sa kawalan ng pitagan at paglabag ni Luna sa mga kautusan ni El Presidente, sinakdal si Heneral Luna sa salang sidisyon na nararapat na patayin.

Pinadalhan ng telegrama si Luna nagmula kay Aquinaldo upang ang dalawa ay magkita sa Cabanatuan. Subalit ito'y pain na panlilinlang ng Presidente na hindi dadalo at kay Luna na haharap ay si del Pilar sa misyong ibinigay ni Aquinaldo upang patayin si Luna. Nang dumating si Heneral Antonio Luna sa Cabanatuan, nagmamadaling umaakyat sa hagdanan ay nasalubong ang isang tanod na hindi siya pinansin at sinaluduhan. Ang disiplinaryong Heneral ay sumigaw
"...Cimverguensa!!! ...wala bang nagturo sa iyo na sumaludo sa nakakataas sa iyo?!!!"
Ang tanod ay kaniyang nilapitan at ito'y sinampal. Sumunod naman niyang na kaharap ay ang matagal na kaaway niyang si Felipe Buencamino at Pedrong Kastila. Batid ng dalawa ang misyong utos na pagpaslang kay Heneral Luna. Naginit lalo ang ulo ni Luna ng mabatid nito na wala pala ang Presidente Aquinaldo sa Bayambang, tulay sumigaw na. "...Puneta, nanggaling pa ako sa malayo at wala palang mangyayari!!!"
Muling nagkaroon ng alitan ang dalawa, sanhi sa matagal na  galit ni Buencamino kay Luna sa pagsampal sa kaniya sa harapan ng madla, isa sa kanilang matagal ng alitan, 'di na ni Buencamino hinintay ang sekretong misyon ni del Pilar at siya na mismo ang nagsagawa sa pagpaslang sa magiting na Heneral Antonio Luna. Ang Heneral ay pinagbabaril, sinibak naman ni Pedrong Kastila ng bolo sa ulo at mukha, ang ibang mga tanod at kawal naman'y si Luna ay pinagsasaksak. Sugat-sugatan ang Heneral subalit ito'y nakalabas pa sa lansangan at naka pagpaputok ng kaniyang baril, habang sumisigaw ng "...Mga traydor, mga duwag!!!" at doon sa lansangan binawian ng buhay ang magiting na Heneral Luna. Sa kalayuan ng San Isidro sa Bayambang si Heneral Luna ay patay na, bago nakarating ang berdugong del Pilar. Mula noon lalong naging malapit ang Presidente sa kaniyang paboritong Heneral del Pilar, sila'y magkatalikod na nagmamasid, nangagamba lalo't lalo na sa mga Ilokanong rebulusyonaryo na baka ipaghiganti ang kanilang pinaslang na Heneral Luna.

Unang araw ng Disyembre nang mapasailalim ang Concepcion,  sa mga Gringo. Ang Kabundukan ng Concepcion ay Tirad, na kasalukuyan sina Aquinaldo kasama si del Pilar at kanilang rebolusyonaryong mga tauhan ay patuloy sa pagtakas sa paghabol sa kanila ng tropa ni Major Peyton March. Karamihan sa mga sundalong Gringo ay beterano ng "Indian Wars" at nakakarami dito'y mga "sharpshooters." Napabalita na mayroong napatay na 53 rebeldeng Pilipino at kabilang dito ay si Heneral Gregorio del Pilar sa kabundukan ng Pasong Tirad.

Mahirap paniwalaan ang Gringong pahayagan lalo na sa panahon na 'yon. Kauumpisa pa lamang ang binuksang pahayagan na pagaari ni William Hearst. Ito'y naghahanap nang mga pangyayari malaki man o maliit na balita, ito naman ay kanilang bibigyan ng "kulay," palalakihin at bibigyan ng kaguluhan nang maitala, upang mabili ang kanilang bagong pahayagan. Tulad din sa Cuba nang ipadala niya ang "war corespondent" na si Frederic Remington, may anim na buwan na ito sa Cuba at wala pa rin balita at nangyayaring gulo matapos ang pagsabog ng barkong "Maine." Bilang pagkainip tumelegrama si Remington "There will be no war, can I come home?" Ang naging kasagutan naman ni Hearst..."Please remain, you furnish the pictures and I'll furnish the war".

Kung mayroong bayani at kasaysayan na hinubog ng mediang Gringo, ito ay si del Pilar at ang pagyayari sa Pasong Tirad, kailangan nila ito nang sa ganoon ay magkaroon ng drama, kaunting imahinasiyon, nang gumanda ang tingin ng mundo sa America at mabili rin ang kanilang pahayagan. Dalawang reporter ng diyaryong "The Manila Freedom" ang kasama at nagsipagsulat ng maladramang labanan ng mga Gringo at del Pilar sa Pasong Tirad; John McCutcheon at si Richard Henry Little (ng Chicago Tribune)...

"Del Pilar was the last to fall, wearing well tailored khaki uniform, boots with silver spurs, three gorgeous golden medallions hanging around his neck. We heard his voice continually during the battle urging his men to greater effort, scolding them, praising them, cursing, appealing one moment to their love of their native land and the next instant threatening to kill them himself if they did not stand firm." 

Mala-Hollywood ang pagkakapinta sa naturang eksena at pamumuno ni del Pilar. Ang nakapagtataka kung paano napakalinaw at madetalya sa pandinig nila McCutcheon at Little ang mga sinasabi ni del Pilar, bukod sa nangyayaring komusyon, kaguluhan, putukan, tumutumbang mga sundalong tinamaan ng bala sa kapaligiran, napakalayo at napaka tarik na Pasong Tirad upang mabatid at madinig ang sinambit ni Del Pilar sa mga tauhan! Bukod dito'y, bakit naiintindihan ng dalawang Amerikanong diyarista na si McCutcheon at Little ang sinasabi ni del Pilar sa kaniyang mga tauhan sa wikang Tagalog? Napakalinaw ng kanilang mga mata naman at kitang-kita ang pananamit at suot na mga alahas ni Heneral del Pilar. Kung ang heneral ay kanilang tanaw na tanaw at nakalantad, nakasakay pa sa kabayong puti na nagsisigaw sa kaniyang mga sundalo, 'di ba dapat siya agad ang puntiryahin ng mga "sharpshooters?"

Ang tunay na pangyayari tugon sa ibinigay na testimoniya ni Vicente Enriquez, matapat na kaibigan, kababata sa Bulacan at pinagkakatiwalaan ni Del Pilar, sa mga nagusig sa kaniya ng siya'y mahuli (actual testimony was in Pilipino but translated as is, for the U S army by a Pilipino interpreter)…

"we passed the night in the cabin on the peak. Around dawn (Dec. 2) we heared shooting from Concepcion. At daybreak the general ordered me to go down to the trenches to see what was going on. From the hilltop I saw American troops resting below, their arms stacked up. Our soldiers told me our position was impregnable. We all agreed we are winning the battle. I returned to the peak where I left General Del Pilar, but on the way up I saw him with Lieutenant Telesforo Carrasco & Vicente Morales & the bugler. I told him what I have seen. The general quicken his pace on learning that the Americans could be seen from a certain high point. We arrived on the top of the trenches. Then we went to the hilltop where I was & the moment we got there we heard renewed firing and saw our soldiers giving battle. Our soldiers pointing their hands, warned Del Pilar that the enemy was almost on top of us but could not see nothing save an irregular movement of the cogon grass. So the general ordered a halt to the firing. And erect on the hilltop to see & distinguish the enemy. While he was doing this he was hit by a bullet. The general covered his face with both hands & falling backward & diying instantly. Always handsome & elegant."

Hindi natin masyadong maunawaan ang pagkakasalin sa wikang ingles nang testimoniyang ibinigay ni Enriquez. Ang pagkakaiwan at pagnanakaw sa personal na gamit, sa bangkay ng heneral ay 'di ko na rin babangitin, sapagkat mala-hollywood na muli, ito nama'y nabasa na natin sa ating "history books" na nilimbag ng mga Gringo, ipinagamit sa paaralan at tuluyang lasunin ang kaisipan ng mga paslit na bata, nang mabura at maipairal sa murang kaisipan ng magaaral ang ninanais ng koloniyal nilang hangarin. Pati na ang paglalahad sa pahayagang “Chicago Tribune” kaugnay sa bangkay ni del Pilar nila McCutchen at Little, na isinama rin sa ating pangaklat paaralan ay pawang “makulay na eksena” sa Hollywood…

“We took his Memoirs, his letters, all his papers. And Sullivan look his pants, and Snider his shoes, and the sergeant one of his silver spurs, and a lieutenant the other other spur, and another soldier some of his buttons. I also took some buttons; his neck was still drenched with blood ….

And a soldier showed us a silk handkerchief. It was also Del Pilar’s …. Over the left was embroidered the name of his girl friend. I saw another soldier of ours, seated on a rock, examining in his hands a golden locket taken from the General, containing a strand of a woman’s hair. A crow perched atop his feet, another hovered over his head. And I thought we had stripped del Pilar of everything; but no, I was mistaken: his glory, his glory as a soldier remained.”

Ibig ko lamang mailathala ang katotohanan at tunay na nangyari. Ito'y hindi dapat itago sa pang pansariling kapakanan at pagtakpan ang kamalian, kung mayroon nga kamalian, ito'y pagaralan upang huwag nang maulit pa. Hindi ko binabahiran ang nagawang kadakilaan o kasalanan ni del Pilar, bilang isang sundalo, kaniyang sinunod lamang ang mga kautusan ng kaniyang tinigalang autoridad. Ang "pupet" ay madaling wasakin, subalit ang nagpapagalaw at nakakabit na mga pisi dito ay kay hirap putulin!

ka tony
revised - the 2nd of December, 2007

Sunday, September 21, 2008

Ang Pagkamatir ng GOMBURZA















Pebrero 17, 1872 - ang kolonyal na pamahalaan ng kastila sa Pilipinas ay sinakdal ang tatlong pari na kung ngayon'y tawagin natin ay GomBurZa. Ang tatlong sekular na Pilipinong pari ay pinagbintangan na nagpasimula ng munting rebelyon noong gabi ng 20, Enero, 1872. Ang tatlo ay inakusahan, nilitis at sinintensyahan na patayin sa pamamagitan ng garrote na wala man lamang na abogado o nagdipensa tugon sa ginawang paratang sa kanila.

Maitutulad ang pangyayaring ito at maihahambing noong kapanahunan ng diktator marcos. Ang pamahalaang marcos ay hahanap ng butas upang ikaw ay mapagbintangan, maakusahan lalo na't kung ikaw ay salungat sa kaniyang pamamalakad. Si Padre Mariano Gomez ay isang mestisong Hapon at isang banal na pari, malaki ang naitulong niya sa pagreporma ng lupa para sa mga magsasaka. Ang mga mahihirap at magsasaka ay siya sana'y ipagtatangol, subalit kaniya itong pinigilan, ipinatabi at mahinahon siya ay nagpatali ng kaniyang mga kamay sa mga guardia civil. Kasama niyang hinuli ay ang kaniyang pamangkin na si Padre Feliciano Gomez sa kumbento ng kaniyang paroko sa Bacoor.

Si Padre Jacinto Zamora ay isang sekular na pari, maraming nagsasabi na ang tunay nahinahanap na dakpin ay isang nangangalang Jose Zamora at hindi Jacinto Zamora. Ito ay isang pagsosona ng mga maykapangyarihang Kastila, dahil sa pagsusulsol sa mga ito ng mga Kastilang prayle at pari na naiingit sa itinatag na sekular ng mga paring Pilipino. Ang pagsonang ginawa ay upang tumahimik ang mga laban sa kanila, magbigay aral, matakot ang nakakarami at upang huwag tularan. Mayroon rin na nagsasabi na si Padre Zamora ay isang marangal na pareng Pilipino, na kaya lamang dinakip ay dahilan sa pagkamalapit niya kay Parde Burgos.

Si Padre Jose Burgos ay isang Insulares/Creole, tunay na mapusok, aktibista at nagnanasang magkaroon ng reporma sa bayan at simbahan. Siya ay nanguna sa isang malaking pagaalsang ginawa ng mga istudyante sa San Juan de Letran, na ikinamatay ng isang magaaral. Bilang isang Insulares/Creole siya ay maaaring maging paring Dominicano, Recolletos, Agustino o Jesuit, subalit sa sanhi ng kaniyang pagkaaktibista, kaniyang pinili ay Pilipinong Sekular. Siya ay kinaiingitan ng mga prayle at paring kastila, sapagkat isa siyang Pilipinong sekular at napili pang maging Cura Parocco ng Katedral ng Maynila.

Isang nadakip at inakusahang kasapi sa na sabing "Cavite Mutiny" ay isang mestizo na nangangalang Francisco Saldua, na kung ating susuriin ang kaniyang angkan, siya ay apo ni Charlotte Corday - ang babaeng Fransesa na pumatay at inasasina si Jean-Paul Marat habang ito ay nasa "bathtub" na naliligo na may sakit sa balat, noong "French Revolution." Si Saldua ay bumaliktad na ala Judas at nagtestigo na laban kay Padre Burgos at kasama ng dalawang akusadong pari; Gomez at Zamora, na sila raw ang nagpasimula nang naturang pagaalsa sa Cavite. Dahilan sa ginawang "Cavite Mutiny" ito ay ikinamatay ng isang mataas na kastilang opisyal. Si Saldua ay nasintensyahan na gagarrotehin, kasama ng tatlong pare sa itinakdang araw. Ngunit si Saldua ay hindi nabahala, sapagkat tulad ng sa kaniya'y pinangako ng mga Kastila, na siya ay pawawalan nang sala sa huling sandali sa entablado ng garrote at hahandugan pa nang kabayarang salapi sa kaniyang pagtetistigong ginawa laban kina Burgos, Gomez at Zamora.

Ala 5 ng umaga nang nasabing araw, hiniling ni Gobernado Heneral Rafael Izquierdo, sa Arsobispo ng Maynila Gregorio Meliton Martinez, na bago magarrote ang talong pari, upang lalong sila ay mapahiya ay nararapat na ang mga ito'y hindi nakasuot ng kanilang Abito. Subalit ang Arsobispo ay hindi sinunod ang kautusan sa kaniyang naniniwala na ang tatlong pari at inosente sa kanila'y ibinintang na kasalanan. Ang Arsobispo ay nagpatunog nang mga kampana bilang isang huling pagsaludo sa tatlong pari habang ang mga ito'y patungo sa Bagumbayan.

Ang nangunang pumanhik sa entablado ng garrote ay ang nakangiti pang mestizong Francisco Saldua. Tulad niya'y isang walang takot sa kamatayang mabilis na lumapit sa opisyal na Kastila. Subalit ng utusan ang berdugo na si Saldua ay lagyan nang itim na saplot ang kaniyang mukha, tinali ang mga bisig at ipinaupo sa silya ng garrote, siya ay nagpupumiglas. Hindi niya akalain na aabot dito ang sa kaniya'y gagawin, siya ay nagsisigaw at naglalaban, sampung katao ang pumipigil sa kaniyang pagwawala at pagtitili sa pagkakaupo sa garrote, samantalang hinihigpitan naman ng berdugo ang panakal na garrote! ...at bigla na nga tumahimik at nalagutan siya ng hininga.


Ang sumunod na pumanhik sa entablado ay ang 85 na taong gulang na si Padre Gomez, sa kaniyang paglalakad na uukod-ukod sa katandaan at nahulog ang salamin niya sa mata. Huminto, pinulot at isinoot na muli at humarap sa mga tao, nagwika..."Tayo'y magtungo na kung saan, ang mga dahon ay hindi titinag kung hindi pagagalawin ng Maykapal!" Si Padre Gomez ay mahinahong umupo sa silya ng garrote, isinagawa sa kaniya ang pagpatay.

"JACINTO ZAMORA!!!"...nang marinig ni Padre Zamora tawagin ang kaniyang pangalan, ito'y umakyat sa entablado na wala man lang na sinabi, ...matahimik at mahinahong nagpalagay ng itim na tela sa kaniyang mukha at umupo sa silya ng garrote. Natulala na tila ang lahat ng nangyayari ay isang panaginip lamang. Nangginginig ang buong katawan at namamalipit, habang hinihigpitan ang panakal na garrote.

Matapos magarrote ang dalawang kasamang pari, si Padre Burgos ay pumanhik sa entablado nang kamatayan, doon siya ay tumigil at humarap sa kastilang Koronel Boscasa, taglay pa rin ang pagkamapusok, tapang aktibista at nagsabi... "Pinapatawad kita at sana'y ang Diyos ay patawarin ka rin, tulad ng pagpapatawad ko sa iyo" Si Padre Burgos ay mahinahon na umupo sa silya nang garrote, subalit biglang itong tumayo at sumigaw...

"AKO AY INOSENTE!!!" Sinagot naman siya ng Prayleng Benito Carominas na rector sa paaralang Universidad de Santo Tomas... "Si Kristo ay inosente rin!" Sa pagsagot na ginawa nito ng prayle, minasdan ito ng masamang tingin ni Padre Burgos at nagpatuloy... "Ano ang nagawa kong kasalanan? Ako ba ay mamamatay nang walang man lang saysay? Diyos Ko!!! ...walang katarungan sa mundong ito!!!" Pagkasigaw niyang ito, lumapit ang berdugong sa kaniya'y papatay. Ang berdugo ay nagwika..."Padre, ako'y iyong patawarin sa aking gagawin sa iyo." Ang pari ay malungkot na minasdan ang mata ng berdugo na dito lamang sa mga butas ang hindi natatakpan ng saplot sa mukha at mahinahong tumugon... 
"Pinatatawad kita anak... gawin mo na ang pinaguutos sa iyo." Pagkakasabi nito, si Padre Burgos, ay hinarap ang mga nakaluhod na mga tao at kaniyang itinaas ang kanang kamay upang ang lahat ay basbasan. Siya ay umupo na sa garrote at tinakpan naman ang kaniyang mukha. Habang hinihigpitan ng berdugo ang kahoy at bakal na panakal sa leeg ng pari, si Padre Burgos ay sumisigaw..."Aking Amang Panginoon, kupkupin po ninyo ang kaluluwa ng isang inosent..." hindi naituloy ang kaniyang huling habilin at siya ay nalagutan nang hininga.

Ang mga labing bangkay ng GOMBURZA ay ibinaon sa isang sulok sa Sementeryo ng Paco na wala man lang inilagay na krus o palatandaan. Kamakailang taon lamang napagkaalaman na isang "rest room" na pangbabae ang naitayo sa pinagbaunan ng labi ng dakilang GOMBURZA! Tunay na kahabag-habag ang hinantungan ng tatlong Pare na nagsilbing bilang pingki kay Rizal at naging mitsha ng himagsikang tinatag laban sa kolonyalistang mga Kastila.
ka tony
revised the 21st of September, '08