Monday, June 8, 2009

"Ang Maigsing Buhay ni Emilio Jacinto"




















(Disyembre 15, 1875 - Abril 16, 1899)
...tagapagpayo, kalihim, tagapangasiwa, tagapagpaganap, tagapagtala, tagapaglimbag, manunulat, makata, heneral at ang utak ng himagsikan.


Ang sityo ng Tondo at San Nicolas/Binondo ay maaaring tawaging “kuna ng himagsikan,” dito ay nagtaas ng kamao at tabak laban sa mga kolonyalistang Kastila. Makaraan ang 20 taon ng pinakaunang himagsikan ni "Dayahi" ng Mactan (Dayami Revolt of 1567), laban sa kolonyalismo, taong 1587 ay ika-apat na paghihimagsik laban sa mga Kastila ang tinawag na “Tondo Conspiracy of 1587" o "Maharlika Conspiracy." Hindi tulad ng ibang himagsikan na nauna, ang Tondo Conspiracy ay pinanggunahan ng mga Rajah, Lakan at Datu; Agustin de Legazpi, ang tiyo niyang si Lakan Dula at mga Tondeno na sina; Magat Salamat, Martin Pangan, Juan Bernal, Geronimo Basi, Gabriel Tuambakar, Calao, Luis Amanicaloa, Gustin Manuguit at Pitongatan. Ito’y kumalat, umabot sa Taquig, Navotas, Bulacan at Pampanga, ito’y nabuo sa pamamagitan ng “unang lansangan” ng mga “taga-ilog” (Tagalog), Ilog Pasig. Umabot patugong Hilaga na karugtong ng ilog Pasig na mga kapangpang - “Kapampangan” (ka-pampang), nagbigay din ng tulong sa nasabing pagaalsa ay ang bansang Hapon at ang Sultan ng Brunei.

Tulad ng nakararaming pagaalsa, isang Hudas na pinagkakatiwalaan ni Magat Salamat, na si Antonio Surabao ang nagsumbong sa lihim na binabalak na himagsikan laban sa mga Kastila ng mga Maharlikang Tondeno. Si Surabao ay nagtungo kay Gobernador Santiago de Vera at sinumbong ang lihim na pagaalsa. Ang mga pinuno ng “Tondo Conspiracy” ay binitay at ang iba naman ay piniit at kinumpiska ang kanilang ari-arian. Sina Calao, Luis Amanicaloa, Gustin Manuguit at Pitongatan, ay ipinatapon sa Nueva Espana (Mexico). Sila ang pinakaunang mga Pilipino na nanirahan ng permanente sa bayang ito.

Nakaraan ang 309 taon sa sityo muli ng San Nicolas/Binondo, sumulpot ang pinunla ni Agustin de Legaspi, dalawang hugot ng masang Tondeno na magsisimula at ipagpapatuloy ang nasawing “Tondo Conspiracy,” Andres Bonifacio at Emilio Jacinto.

Bago isinilang at nagkaroon ng Argentinong Che Guevara, utak ng himagsikan ng Cuba, ang Pilipinas ay na unang nagkaroon ng Emilio Jacinto. Siya ay nabuhay nang napakaigsi, subalit malalagpasan ang nagawang kontribusyon ni "Che" sa larangan ng himagsikan. Ang henyo at matapang na Emilio Jacinto ay pumanaw ng napakabata - 24 taong gulang, napakaigsi, walang drama at hindi makulay. Pumanaw sa sakit at hindi sa larangan ng digmaan. Subalit maigsi man ang kaniyang naging buhay, napakarami at napakamahalaga ang kaniyang iniwang nagawa para sa Katipunan at himagsikan. Kung hindi kay Jacinto ang 300 Katipunero ay hindi dumami at umabot hangang 30,000. Binigyan niya nang nararapat na direksyon, disiplina, at asal upang marating ang tumpak na layunin ng lihim na samahang Katipunan.

Siya ay anak nila Mariano Jacinto, isang “tenedor de libro” sa isang malaking kalakalan sa Binondo at Josefa Dizon, isang “comadrona” na mula sa kilalang mayaman angkan ng mga Dizon. Anim na taon gulang pa lamang si Jacinto ay marunong na siyang magsalita nang Kastila (“lengua de tienda” o mababang uri ng kastila). Nang sumakabilang buhay ang kanyang ama, naghirap ang buhay ng magina, sila ay lumipat sa Trozo, Tondo ang pook ng masang prolitaryo. Nagiisang naghahanap-buhay ang kaniyang ina na namamasukan sa pabrika ng sigarilyo "La Insular Cigar" sa Plaza Calderon de la Barca sa Binondo, kaya’t hindi kayang balikatin ang kanilang dating maluhong pamumuhay. Ang gamit na damit ni Jacinto ay mga lumang baro na nabili mula sa bahay-sanglaan, tinatabas na muli at nililiitan ng kaniyang ina upang maisuot ng batang Jacinto. Nang magsimulang pumasok si Jacinto sa paaralan ni Pascual Ferrer, naging tuksuhan siya ng kaniyang mga kamag-aral na tila basahan at napakalaki para sa kaniya ang suot na mga damit. Ang sinturon ay gawa mula sa lumang saya ng ina, ang sintas ng kaniyang sapatos ay mula sa itim na basahan.

Dahilan sa kanilang kahirapan sa buhay, napilitan ang ina na ipaapon si Jacinto sa kanyang kapatid na si Jose Dizon na bandang huli ay isa sa mga martir na binaril sa Bagumbayan, dahil isa siya sa liderato ng Katipunan. Sa pamamagitan nang tulong ng kaniyang tiyo, nakapagtapos si Jacinto ng “Bachelor of Arts, sa San Juan de Letran. Tapos ay nagpatala naman siya sa Universidad de Santo Tomas’ upang mag-aral ng abogasya. Marahil sa sinapit na panunukso, paghamak na tinanggap mula sa pagkabata at mga nababasang propaganda nila Rizal at M.H. del Pilar tungkol sa kalupitan ng mga Kastila, ang mapusok at aktibistang 17 taong gulang ay naakit nang tuluyan sa himagsikan at tuloy nakibaka.

Buwan ng Hulyo ika-7, 1892, dinakip si Rizal at ipinatapon ng mga Kastila sa Dapitan, Mindanao. Sumapit ang gabi ng araw na iyon, sinimulan ni Andres Bonifacio ang balak na himagsikan sa tinitirhan ni Deodato Arellano na nasa kanto ng Azcarraga at calle Elcano, San Nicolas/Binondo. Nandoon rin sina Ladislao Diwa, Valentin Diaz at Teodoro Plata, itinatag ang “Kataastaasan Kagalanggalangan Katipunan ng mga Anak ng Bayan.” Sila ay nanumpa at nangako na sisimulan ang himagsikan at magaakit nang iba pang mga sasapi.

Sumunod na taon, si Deodato Arellano ay pinalitan ni Roman Basa bilang supremo ng Katipunan. Subalit tulad ni Arellano, hindi rin natupad ni Basa ang tungkulin bilang supremo, hinirang at pinapilitan ni Andres Bonifacio si Basa. Habang nanunungkulan si Bonifacio sa isang kalakalan, Fressel Company dito’y nakilala si Jacinto. Palibhasa’y magkatugma ang kanilang layuning pakikibaka, idelohya at kalayaang inaasam, buwan ng Mayo 1893, sumapi sa Katipunan ang dalawang istudyanteng Emilio Jacinto at Pio Valenzuela na nagaaral ng medisina.

Napahanga ni Jacinto sa taglay niyang talino, sipag at katapatan ang may 12 taon mas bata sa Supremo Bonifacio. Siya ay pinagkatiwalaan at hinirang na tagapagpayo, kalihim, Heneral ng Morong, Ministro at Piscal ng Katipunan. Minsan’y pinain ni Bonifacio ang sarili sa panganib upang iligtas ang buhay, niyapos at inilag ni Bonifacio ang batang Jacinto sa punlo na sana’y tatama at ikakamatay nito na tumama sa kohelyo ng Supremo Bonifacio.

Nabigo sa natangap na balita ang Supremo Bonifacio mula kay Pio Valenzuela na kararating lang mula Dapitan, inatasan niya ito upang hikayating pamunuan ni Rizal ang himagsikan. Hindi pa rin nasiraan ng loob ang Supremo, inutusan naman si Jacinto upang sagipin sa kamay ng mga Kastila at tuloy na hikayatin na muli si Rizal na sumapi sa Katipunan. Ika-6 ng Agosto, 1896 ang barkong "Espana" mula Dapitan na sinasakyan ni Rizal ay nakadaong sa Manila Bay, upang mula dito'y lumulan naman si Rizal sa barkong "Isla de Panay" patungong Cuba, dahilan sa kahilingan ni Rizal na nagboluntaryong bilang mangagamot sa ilalim nang bandila ng Espanya. Ang Cuba na kolonya rin ng Espanya tulad ng Pilipinas, ay kasalukuyan noon naghimagsik laban sa mga Kastila. Ang mga kolonyalistang Kastila ay nangagailangan ng mga mangagamot, upang mabigyan nang pangunang lunas ang mga sugatan nilang cazadores doon. Si Jacinto ay nagpangap na isang kargador na Insik upang makasakay sa barkong lulan ni Rizal. Natagpuan ni Jacinto si Rizal sa isang silid ng barko at doon sila ay nagusap at ipinaalam ni Jacinto ang sanhi ng kaniyang pagbabalatkayo, balak na pagligtas at alok na pamunuan ni Rizal ang Katipunan. Nasawi ang ninanasa nila Bonifacio at Jacinto, sapagkat si Rizal ay buo sa kaniyang kalooban ang balak na gawain sa Cuba, bukod dito siya ay hindi sangayon sa armadong himagsikan ng masang Katipunan, tinangihan ang alok at binabalak pagsagip nila Bonifacio at Jacinto para sa kaniya. Si Rizal, tulad ng hinihiling reporma mga Insulares at mga Ilustrado upang sila ay makapantay ng mga Penisulares sa elite na lipunan ng kolonyang Pilipinas. Sa hinihingi ng tadhana, ng dumating si Rizal sa Maynila, ang barkong "Isla de Luzon" na kaniya sana'y sasakyan ay nakaalis na patungong Cuba, kaya nga't dumaong ng matagal ang barkong "Espana" sa Manila Bay at nakapagusap ng matagal ang batang Jacinto at Rizal, bago ito sumakay sa barkong "Isla de Panay" na susunod naman na papuntang Cuba.

Sa tindi ng kapusukan na maihahambing si Jacinto sa mga batang lider na aktibista noong panahon ng diktador na si marcos. Labag sa utos ng ina, tumigil si Jacinto sa pagaaral upang ibuhos ang kaniyang panahon at talino sa ikabubuti, pagpapalawak at tagumpay ng himagsikan. Sumulat siya ng “Panatang Panunumpa” para sa mga sumasapi sa Katipunan. Siya rin ang sumulat nang “Kartilya ng Katipunan” aral at batas na dapat sundin ng mga Katipunero. Sumulat din siya nang pilosopyang/politikal na aklat na hindi nalibag, “Liwanag at Dilim.” Sinulat din niya ang; “Pahayag,” “Sa mga Kababayan,” “Ang Kasalanan ni Cain,” “Pagkatatag ng Pamahalaan sa Hukuman ng Silangan” at “Samahan ng Bayan sa Pangangalakal.” Sina Bonifacio, Valenzuela at Jacinto ay nagtulong-tulong sa pagsulat, paglimbag at pagkakalat nang pahayagan ng himagsikan, “Ang Kalayaan” na ang lihim na imprenta ay nasa calle Lavezares San Nicolas, malapit lang sa bahay ni Valenzuela. Si Jacinto rin ang nangasiwa sa paggawa ng pulburang gamit sa bala ng baril, siya rin ang pinuno, tagapagisip at pagpaplano ng pagespiya para sa Katipunan.

Nakatangap ng balita mula sa kanilang espiya ang Supremo Bonifacio na nabunyag ang lihim na samahang Katipunan at sila’y hinahanap upang dakpin ng mga Kastila, sila’y tumakas at nanawagan sa lahat ng mga Katipunero na magtungo sa Balintawak. Ika-21 ng Agosto, 1896, nagpulong sila Bonifacio at Jacinto sa bahay ni Apolonio Samson sa pook ng Kangkong upang pagusapan ang nararapat gawin. Ang Kangkong ay bahagi ng Caloocan (ka-luko-lukukan), ito’y bukirin, magubat ang paligid ng kamaynilaan at ligtas sa mata ng mga kaaway. Dito ay muling silang nagtipon pagkaraan nang 2 araw sa bakuran naman ni Juan Ramos anak ni "Tandang Sora" - Melchora Aquino. Napagkaisahan nilang simulan na ang himagsikan, buwan ng Agosto 1896, isinabay sa kapistahan ng patron ng mga patalim, San Bartolome ng Malabon. Pinunit nila ang kanilang mga “cedula” at sumigaw na hindi na sila magpapailalim sa Espanya kailanman.

Kinabukasan sila ay lumipat sa bahay ni Tandang Sora upang hindi mapansin ng mga taga Balintawak ang nangyayari. Sumunod na araw sumalakay ang pangkat ng Kastila, dahilan sa kapos sa sandata maliban sa mga itak, napilitang tumakas ang mga Katipunero sa Balara na inabot nang hating gabi, at patuloy na tumakas hangang sa bundok ng Marikina.

Sa dinamang pagurong at kakulangan sa sandata, sila ay nagbalak na salakayin at agawin ang mga armas sa El Deposito, ang pook na imbakan ng tubig para sa Maynila, San Juan del Monte (ngayon ay Pinaglabanan, San Juan). Ika 30 ng Agosto, 1896, pinamunuan nila Bonifacio, Jacinto at mayroong 800 Katipunero kanilang sinalakay ang El Deposito na doon ay mayroong 100 sundalong Kastila na nagsipagurong at kinulong. Bitbit ng mga Katipunero ang naagaw na mga sandata at balak salakayin ang Maynila (Intramuros) ngunit sa Caloocan pa lamang sila ay sinalubong ng hukbong sandatahang Kastila na patungo upang saklolohan ang El Deposito. Nagsiurong ang mga Katipunero na umabot sa kalayuan ng Mandaluyong. Mahigit na 150 na mga Katipunero ang napatay at 200 naman ang nadakip ng mga Kastila, karamihan dito ay binitay sa Bagumbayan upang huwag tularan ng kapuwa Katagalugan.

Matapos ang piyasko at pagkasawi sa El Deposito, hinirang ni Bonifacio si Jacinto na Pinunong Heneralisisimo ng mga Katipunan sa Maynila at paligid pook; Laguna, Bulacan at Nueva Ecija. Patuloy rin si Jacinto bilang pinunong tagapagpayo at kalihim ng Supremo Bonifacio.
Siya ang ingat-yaman ng mga abuloy na salapi at gamit, tagapamahala nang mga; baril, bala at iba pang sandata. Nilimbag din niya ang mga makabayang tula at mga kathang awit ni Julio Nakpil. Siya rin ang na mamahala ng mga propaganda at ang pahayagan ng Katipunan, “Kalayaan.”
Laging abala, kulang sa pagtulog, pagkain at hirap sa dami nang gawain, sunud-sunod na pagkatalo sa malakas, mas marami at maarmas na hukbong lakas ng Kastila, si Jacinto nagkaroon ng karamdaman. Labag si Jacinto sa pagtungo nila ni Bonifacio sa Tejeros, Cavite, upang mamagitan sa hindi magkaisang Magdalo at Magdiwang na mga Katipunero. Bukod sa may karamdaman siya’y pansamantalang inatasan ng Supremo na umuwi sa kamaynilaan at pamunuan ang hukbo. Naiwan si Bonifacio, ang maybahay niyang si Gregoria de Jesus at ang dalawa niyang kapatid, Procopio at Ciriaco. Sa Cavite naganap ang malagim na katapusan ng Supremo, kaniyang dalawang kapatid at panghahalay sa maybahay ng Supremo, sa kamay ng mga kawal at kautusan ni Emilio Aguinaldo, Mayo 1897.

Pinaslang ang minamahal niyang punong Supremo, ang salamin ng katotohanan, ang pinunong hugot sa masang Tondeno at ang liwanag ng Sosyalistang Silangan. Sa tindi nang lungkot at galit ni Jacinto ito’y tumanging kilalanin ang ilustradong pamahalaan at ang pamumuno ng himagsikan na inangkin at inagaw ni Aguinaldo. Sa kahilingan ng mga Katipunerong tapat sa pinaslang na Supremo, ipinagpatuloy ni Jacinto ang pamumuno ng masang Katipunan sa Laguna laban sa mga Kastila na tulad ng habilin sa kanya ni Bonifacio.

Ika-8 ng Octubre,1897, dala marahil ng matinding kalungkutan, sinulat ni Jacinto ang tulang, “A La Patria” (Para sa Bayan), habang siya ay nasa ilalim ng punong niyog sa Santa Cruz, Laguna. Binatay niya ito sa “Mi Ultimo Adios” (Huling Paalam) ni Rizal, ang tula ay nilagdaan ng isa sa dalawa niyang lihim na pangalan, “Dimasilaw” (Pingkian, ang isa naman), ang tulang ito ang nagsilbing huling paalam ni Jacinto.

Pebrero 1898, siya ay kasamang nakipagdigmaan sa mga masandatahang Kastila na “Cazadores” sa barrio Maimpis, Magdalena, Laguna. Natamaan siya ng punlo sa kaniyang hita at ito ang naging sanhi ng kaniyang pagkabihag. Kaladkad siya ng mga kaaway habang sugatan sa simbahan ng Magdalena, dito siya ay hindi binigyan ng pangunang lunas, hangang sumapit sila sa simbahan ng Santa Cruz na dito lang siya ginamot ng mga Cazadores nang mahubha niyang sugat. Pinarusahan at siniyasat siya ng mga kaaway, sa kabutihang palad nasa kaniyang pitaka ang “permiso” ng isang taksil na Pilipinong espiya ng Kastila. Nagpanggap siyang “Florentino Reyes,” ang Pilipinong espiya ng mga Kastila. Ipinakita niya ang “permiso” ni Reyes, at nagkunwa na siya nga ang nasabing espiya. Pinaniwalan ng mga kaaway at pinawalan si Jacinto. Ang buong katotohanan, nadakip ng mga Katipunero ni Jacinto ang tunay na Florentino Reyes, itinago ni Jacinto ang “permiso” upang kung sakaling madakip siya, tulad nang nangyaring ito'y kaniyang magagamit. Matapos siyang palayain sa Laguna, nagtago siya sa kamaynilaan.

Habang nagpapagaling at nakabawi ng lakas si Jacinto, Mayo 1, 1898 ang hukbong dagat ng Amerika sa pamumuno ni George Dewey, pinataob ang pang hukbong dagat ng Espanya, kasama na rito ang pangunahing barko ni Admirante Patricio Montojo na “Maria Cristina” sa Manila Bay. Ang mga Katipunero naman’y napasuko na ang lahat halos nang mga pook sa paligid ng Maynila (Intramuros), patuloy ang paglulunsad nang pagsalakay sa loob ng Maynila (Intramuros). Pinutol ng mga Katipunero ang rasyon nang tubig at pagkain sa Intramuros. Tuloy lahat ng mga naninirahan sa loob ng lunsod ay walang mainom at makain. Ang mga naninirahan dito ay umaasa na lang sa ulan at napakaduming tubig mula sa balon. Mga kabayo, aso, pusa pati na daga ang kinakain ng 250,000 taga Intramuros. Tambak ang mga basura sa lansangan, tuloy marami ay nagkasakit. Hindi nagtagal, dahilan sa tindi nang sinasapit sa loob ng Maynila, ang mga Kastila’y nakipagkasunduan sa mga Amerikano. Tunay na kahiya-hiya na sumuko sila sa mga “Indio” at kung maaari ay sa mga kapuwa “puting balat” na lamang sila susuko. Nagmakaawa na pigilan ng mga Amerikano ang pagpasok at pagsalakay ng mga Katipunero sa loob ng Intramuros. Ang mga kolonyalista namang Gringo ay pumayag at isinagawa ang “lutong macao” na pagsuko, Agosto 13, 1898, ng mga Kastila sa Intramuros. Dito’y ipinasa ng Espanya sa Estados Unidos ang kanilang mahigit na 300 taon pagsakop sa Pilipinas. Ang mga Gringo naman ay itinirik ang kanilang bandila sa Intramuros at inangkin ang tagumpay!

Lito at hindi malaman kung ano ang gagawin, si Jacinto ay sumulat kay Apolinario Mabini na naghahangad na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral nang batas sa binabalak at ilulunsad na pamantasan ng mga Pilipino sa Malolos, Bulacan. Kinagalak ito ni Mabini sa binabalak ng henyong Jacinto at pinagpayuhan ang binata na magpalista at magmatrikula bago mag-Disyembre 1, 1898.
Ang balak ay hindi natuloy at tila nagibang isip si Jacinto, nagbalik siya sa Laguna sa kahilingan ng mga tapat sa kaniyang mga Katipunero. Pinamunuan niya ang nagsisiklab na alitan ng mga Pilipino at mga Amerikanong mananakop sa Pilipinas. Sa inaasahang mangyayaring ay sumabog nga, ang digmaan ng Pilipino at Gringo noong ika-4 ng Pebrero, 1899. Nakipagpulong at pinagunahan ni Jacinto ang paghahandang pagkikipagdigmaan sa bundok ng Majayjay. Sa kasawiangpalad si Jacinto ay dinapuan ng malaria. Marahil sa pagod, kalungkutan, sa mga sugat na natamo sa digmaan, pagpupuyat, kulang sa pagkain, mahina ang katawan at napakadaling dapuan ng sakit. Sumakabilang buhay ang binatang may 24 taon gulang lamang, ika 16 ng Abril, 1899, ang utak ng Katipunan at himagsikan, ang tagapagpayo ng Supremo, ang mapagpaakit sa idolohiyang pangmasa para sa sambayanan na sana ay kauna-unahang bayan sa buong mundo… SOSYALISTANG REPUBLIKA ng KATAGALUGAN!!!

- - ka tony
ika-8 ng Hulyo, 2009
Ito’y alay ko sa aking ama na si Antonio Donato Sr. na ang kaarawan ay ika-8 ng Hulyo, 1906. Sa aking sumakabilang buhay na bayaw at manunulat, Jose Buhain na nagbigay inspirasyon ayon sa buhay ni Emilio Jacinto.