Friday, February 3, 2012

"VIVORA" Epiko ni Hen. Artemio Ricarte





















Kauna-unahang nahirang na puno
ng hukbo ng bansa ang rebeldeng guro
na kaisa-isang hindi napasuko
ng Amerikano sa dahas ma't suyo - -



HINANAKIT SA PAGBALIK
Ang hindi yumukod hangang kamatayan
sa Amerikano'y lumaki't sumilang
sa Ilokos Norte, sa Batac na bayan;
Artemio Ricarte ang kaniyang pangalan.


May kamalayan na sa sariling lupa
at sa katarungan nang munti pang bata;
pagtuturo yaong kinuha sa nasa
na masa'y mulatin sa dangal ng laya.


Ngunit tinalikdan ang gawang pagtuturo
at sa himagsikan siya ay humalo;
pagkat ayaw niyang sa Gringo'y sumuko,
siya'y itinapon sa lupang malayo.


Ngayong bumalik na sa lupang iniwan
mula nang ampunin ng Hapong umagaw
sa Amerikano sa nilisang bayan,
hinanakit niya sa puso'y umapaw:


Noon ako'y tabak ng mga timawa,
ngayon ang kalahi'y wala nang tiwala;
ako'y himagsikan, ako ang paglaya,
bakit ako ngayon ay salot na yata?


Magkaanib tayong sa Gringo'y lumaban,
bakit ako ngayon ay iisa lamang?
Dugo, pawis, luha'y hinandog sa bayan,
bakit ako ngayon ay biglang iiwan?


Ngayon ang paglaya'y inalay sa atin,
bakit tatalikdan at ayaw yakapin?
Matapos magtigis ng dugo't dalangin,
ano't magbabalik sa pagkaalipin?


Bakit, Pilipino, puso mo'y malaki,
tila basang papel, kaytagal magsindi,
ngunit pag nag-alab ay kugon sa liksi
kung matupok yaong poot mong matindi?


Kapag may nanguna sa paghihimagsik,
ikaw ay uupo muna't magmamasid,
kung sino'ng mananalo, doon ka sisiksik
at magmamalaking ikaw ay tumindig.


Pagkat ang ibig mo'y ikaw ang mamuno,
yaong nangunguna'y pilit igugupo,
agad hihiwalay kapag nasiphayo - -
bakit mithing laya'y di maisapuso?


Kasaysayan natin ay paulit-ulit:
kung may Lapulapu'y may Zulang pumanig
sa dayong Kastila; kay Sulaymang tagis
ay may Lakandulang kalis ng pagtalik.


Kahinaan natin ang magwatak-watak:
kilusan ng masang Tundo ang naglunsad
windang sa Cavite at nagpangkat-pangkat - -
halos amba pa lang, himagsika'y wasak!


Bakit tayo-tayo itong naglalaban,
bakit di maglaho iyong kasibaan,
bakit di mawala ang pag-uulutan,
ang onor ng iba bakit inaagaw?


SA TUNDO LUNSAD, SA CAVITE WASAK!
Ang batang Maestrong Artemio Ricarte
ay payapang tao't ang buhay ay simple;
ang pisara't yesong kapiling na dati
ngayo'y nahalinhan ng baril at sable.


Tejeros, Cavite: lumutang nga rito
ang dupok ng kanyang kapwa Pilipino;
gayong Katipunan ang dalawang grupo
Magdiwang ay galit, yamot sa Magdalo.


Ang puno't supremo nitong Katipunan,
Andres Bonifacio, dito'y namagitan;
upang magkaisa, ang "lutong" halalan
ng bagong pangulo ay di tinutulan.


At siyempre naman, isang Caviteno
ang napiling puno - Miyong Aquinaldo - -
ng taga-Cavite na siyang bumoto,
at hindi si Andres na isang Tondeno.


Nahalal din naman si gurong Ricarte
ng hepe ng hukbo ng mga rebelde,
at katawa-tawa ang siyang nangyari
nang si Bonifacio'y muling isinali.


Siya ay nahalal na maging kalihim
ng gawang panloob, mababang tungkulin;
ngunit abogado ang dapat hirangin,
ayon kay Tirona, at hindi pagpagin.


Nagsiklab si Andres, nagbunot ng baril,
humamak sa kanya ay nasang patayin;
awat si Ricarte sa supremong gigil
na dugong Cavite ay papulanditin.


Sa galit ni Andres, halalang Tejeros
ay di kinilala at kanyang inutos
magpulong sa Naic ang Katipuneros,
maglunsad ng lakas, siglang manunubos.


Ang di niya batid, ito na ang mitsa
ng sariling buhay at siyang umpisa
niyong pagkalansag ng binuong sigla
sa makasaysayang kalye Azcarraga.


Pagkatalo nila'y naging sunud-sunod
hangang napilitan silang magpatuos
sa Biak-na-Bato; sandata'y hinandog
kapalit ng perang sa Hongkong panustos.


Hindi ko mawari, sabi ni Jacinto,
si Bonifacio ba ay henyo o bobo?
Bakit sa Cavite siya'y nagpaloko,
di niya ginamit ang lakas-supremo?


Ilustrado'y dapat sa iyo sumunod,
proletarya ka man ay ikaw ang tuktok
ng paghihimagsik na siyang tutubos
sa paglaya nating sa ati'y hinablot.


Kaya si Ricarte'y wala ng idolo,
ginagayang niyang tapang Bonifacio
ay naglahong ganap, subalit paano?
kung wala mang giting, makibaka tayo!


AHAS NA MAKAMANDAG
Hindi siya taksil subalit maharas,
hindi malisyoso ngunit makamandag
tulad ng Vivora na sa kanya'y bansag,
ahas na maliksi, mabilis umutas.


Sa ayos ng bagong hukbong sandatahan,
ranggo ni Vivora'y kapitan heneral;
suweldo'y sisenta pesos kada buwan,
mataas sa kanya'y si Aquinaldo lang.


Cavite ang kaniyang responsabilidad,
mula sa Carmona hanggang sa Caridad;
dito ang Kastila ay unang lumasap
ng pagkaduhagi - - kay Vivorang pangkat.


Daming paghahamok na napanalunan,
Kastila sa kanya'y takot nang lumaban;
palibhasa'y tulak ng pag-ibig-bayan,
kahit anong dami ay di inurungan.


Lingid sa Kastila, isang Pilipino,
Mariano Ponce, ay minsang nagtungo
sa mga Hapones na kapwa Asyano
para magpatulong, itaguyod tayo.


Marami ang taong ayaw maniwala
na mga Hapones sa digma'y bihasa,
sa pananandata, planong pagsalasa - -
may pasuntok-suntok pa't pasipa-sipa.


"Sishi," pakilala nilang mga Hapon,
pawang aktibistang Meiji ang naroon;
kung ang mga Insik kanilang kinangkong,
di lalo na silang Castellanong cabron!


Dami ng kanilang hakot na sandata,
di na kailangan ang mga lantaka
na ipinatambak ni Heneral Pawa
sa Binundok, pati sumpak nga'y kasama.


Ligaya sa puso ni Ricarte'y apaw,
inip sa pagsapit ng kinabukasan;
at di niya batid na sa kanyang bayan
ay may dumarating na bagong kaaway.


NAUNA SA PANAHON
Sa kaniyang nakita si Vivora'y gulat:
mga barkong bakal na ano't kay bigat,
ngunit lumulutang, sa dagat ay angat - -
sa look Maynila kanyon ay nagsiklab.


Ang Reina Cristina, barkong Castellano,
taob sa Olympia na barko ng Gringo;
sayang Admiralte Patricio Montojo,
kay Dewey lang pala, wala kang panalo!


Ang puti mong panyo, Montojong talunan,
akala ko'y upang ang uhog mo'y pahiran,
para iwasiwas pala sa kaaway,
tanda ng pagsuko, pag-atras sa laban.


Mga Pilipino ay nakikiramdam,
mga bagong salta ay minamatyagan;
sila ba'y kakampi o magsisitambang
sa paglaya natin pagtawid sa tulay?


Sa tulay ng San Juan, alas syete'y medya,
isang Pilipinong tatawid lang sana
ang nakatuwaan ng Gringo't tinira,
patay, at sumabog na muli ang gera!


Naku, Private Grayson, kay bobo mo naman,
sukat bang kakampi ang iyong pinatay?
Dahil sa krimen mong isang katangahan,
pati apo namin pawang masasaktan.


Kutob mo, Ricarte, ay nagkatotoo,
kaya't di matapos ang pagkagalit mo;
ang panahon mandin ay huli sa iyo,
himagsikan sana'y ngayon lang sumubo.


WALA NANG MAMUNO
Ngayon ay wala na, walang maasahang
tapat na pinuno ang lupig kong bayan;
walang Rizal itong sukat masulingan,
walang Bonifaciong manguna sa laban.


Nasupil na sana ang mga Kastila,
ngunit may dumating bagong banyaga,
Gringo kung tawagin, at tayo'y dinaya,
inagaw sa atin ang minithing laya.


Dahil sa tumutol naman si Magdalo,
sinalakay tayo ng ganid na Gringo,
at sa Pasong Tirad, totoy na Gregorio
ay napatay tuloy sa paghamok rito.


Nag-aalsa sana si Macario Sakay,
ngunit nagpaloko nang pinangakuan
ng pagsasarili at ng kalayaan;
siya ay sumuko at siya'y binitay.


Ang isa pang dapat asahang pupulok
ay yaong Montalan, matapang mapusok;
ngunit sa Iwahig ito'y nabubulok,
mga bato doo'y kaniyang pinupukpok.


At maging si Malvar, si Noriel, si Ola
ay pagod nang tunay sa pakikibaka,
nais nila namang magpahinga sana
kahit na paglaya'y hindi na makita.


HINDI AKO TUTUGOT
Ngunit kung wala mang pinunong sumulpot,
rebolusyon natin ay hindi pa tapos,
di ko lulubayan itong pagtutuos
kahit katawan ko'y humina't maupos.


Akong si Vivora'y nanunumpang tapat:
ang mga punetang Gringo'y ibabagsak,
di ako titigil sa pakikitalad,
huli mang hininga sa aki'y umalpas.


Umaalab pa rin ang diwang marikit
nina Maypag-asa't Pingkiang matinik;
pluma'y walang silbi sa paghihimagsik,
Dimasalang, ito'y di maikakait.


Baril yaong dapat na gamitin natin,
dahas kontra dahas, ngipin sa ngipin;
Gringo kay Vivora ay pasusukuin,
balat mong puti'y aking iihawin.


Kung lupaypay ka na sa iyong pagtakbo,
o El Presidente Colon de Magdalo,
sa tagong Palanan maghitay kayo,
walang alinlangang magbabalik ako.


Katoto kong Sakay, sandaling naghari
pagkat nagpalinlang sa Kanong urali,
lakas nati'y dapat sanang nagkasapi,
ngunit watawat ta'y hindi magkauri.


Sayang iyang laki ng iyong katawan,
napakatapang kong amigong Montalan,
kung di ka sumuko, ang ulo ng hunghang,
di bato, ang sana'y pinupukpok naman.


Ang di ko maisip sa kasama baga:
ang tabak ba ninyo'y napulpol talaga
at walang na kayong sukat maibuga
laban sa maputing tsonggo kung umasta?


Totoong may bagong tayong asembliya
ngunit lahat dito'y gustong maging bida,
dito'y mas marami yaong Sajonista,
isip nila't kilos sa Gringo ginaya.


Sajonista, masdan iyang balat ninyo,
di kayo putlain, kayumanggi kayo,
tsarat iyong ilong, kay lapad ng takbo,
di tulad ng Kano, matangkad, barbaro.


Laking ipinagbago ng ating panahon,
parang kailan lang ang nagdaang noon,
kung mahihiling kong muling mapalulon
sa nagdaan, ako'y kusang susulong.


NASUKOL ANG AHAS
Nang maipagdiwang na ang kaarawan
nitong si Magdalo sa Palanang ilang,
may walumpo't limang sundalong bayaran
ang biglang dumakip sa aking heneral.


Kawal Macabebe na nagkunwang preso
upang buong linis matupad ang plano
ni Koronel Funston yaong pinatungo
upang sa Palanan dakpin si Magdalo.


Macabebe, bakit bayang Pilipinas
ay ipinagpalit sa sweldong sardinas?
Sabagay, marami sa inyo'y tumakas
sa Mexico't dito naisip lumikas.


Kawawang heneral, kawawang pangulo,
inulol na ganap ng Kastila't Gringo;
bansa'y ibinenta sa Amerikano
ng mga Kastila na ating tinalo.


Siya ay pinilit magsabi sa bayan:
Sumuko na kayo, mga kababayan,
itigil na itong ating himagsikan
at ipanumbalik ang kapayapaan.


Natuwa ang ilang mga Ilustrado
lalo na nga yaong gutom sa pwesto;
sila ang hahawak ng bagong gobyerno
na patatakbuhin ng gahamang Gringo.


Ang mga sumuko'y napakarami rin,
sumumpang ang Gringong bandila'y mamahalin;
umagaw sa laya ay sukat yapusin,
tangis ni Ricarte na napapailing.


Di ako susuko! sigaw ni Vivora,
habang akong ito ay may hininga!
Habang buhay ako'y anti-Amerika,
ako ay lalaban kahit na mag-isa.


Lalo pang lumubha ang kaniyang kamandag,
nakikipaghamok maghapon, magdamag,
ang apat na libong Gringong nakatalad
sa Laguna de Bay ay nagaping lahat.


Ngunit isang araw, sa buwan ng Hulyo,
nasok si Ricarte't ang kaniyang komando
sa Maynila ngunit natutop ng Gringo,
bayani'y nahuli't ikinalaboso.


Sa anim na buwang pagkakabilibid
ay pinasusumpa si Vivorang pilit,
ngunit ang pagtanggi niya'y labis-labis:
di siya yuyukod sa dayuhang ganid.


GUAM - ANG BASURAHAN
Enero syete, mil nwebe syentos uno,
isang barkong lula'y mga Pilipino,
pawang kontra't galit sa Amerikano,
ang tumulak noong kung saan ang tungo.


Naroroong lahat: si Maximo Hizon,
si Pule Mabini na ayaw pasilong,
at Pablo Ocampo dito'y itinapon
upang sa Agana sa Guam ay itapon.


Ito'y isang pulo, lupaing tapunan
ng mga ketongin at mga kriminal,
ang mga bayani'y dito itininggal
nang di makalason sa isip ng tanan.


Marami ring buwan ang doo'y lumipas,
ngunit si Ricarte'y hindi makatakas,
pagkainip niya sa diwa'y pahirap,
sa nasang itaboy ang Gringong nandugas.


Ngunit isa-isang sumuko't gumalang
sa bandilang Gringo yaong kababayan,
nang huli ay sila ni Mabini lamang
ang siyang natira't sa pulo'y naiwan.


Dahil sa ayaw ring magsisuko sila,
nagluto ang Gringo ng isang ideya;
dahil kakampi kami, wika nila,
ay lalaya kayo, Mabini't Vivora!


Si Pangulong Roosevelt noon ay nagsabi
na patatawarin ang lumpong Mabini
kasama ang gurong Artemio Ricarte,
sila'y ibabalik sa lupang sarili.


Mil nwebe syentos tres, buwan ng Pebrero,
ang dalawa'y lulan ng barkong Gringo
pabalik sa bayan sa Silangang dulo;
ngunit may malalim na nangasa ulo.


ASAL TAYO-TAYO
Pagkabalik nitong bayaning dalawa
ay pinasusumpa na ang Amerika
ay ibabandila't laging isasamba - -
Katipunan muli! bulong ni Vivora.


Subalit kay saklap, ang lumpong dakila
ay nanumpa agad, walang paniwala
na ang himagsika'y magkakamit-pala,
at nasa'y mamatay sa sariling lupa.


Noong si Mabini ay hindi maawat
sa pagsumpa nito sa dayuhang watawat
parang bang ang lupa ay biglang nagawak
para kay Ricarteng iba ang balak.


Nilinaw ng lumpo ang kanyang pagsuko:
himagsikan natin kaya nasiphayo
ay dahil sa lisya't maling pamumuno;
sa inggit at imbot paglaya'y naglaho.


Asal tayo-tayo'y siyang nagpabagsak
sa pakikibakang ating inilunsad
laban sa Kastila't Gringong katalad;
hindi magkaisang sa mithi bumagtas.


Sana'y huwag nating malimutan naman
ang masama nating naging karanasan;
sa susunod sana'y di maglangkay-langkay
ang ating paglipad sa paglayang mahal.


May katwirang tunay itong si Mabini,
wika ni Vivora dahil sa nangyari;
sa pakikihamok di dapat isali
ang may adhikain na pawang pansarili.


KATIPUNAN MULI
Ngunit si Ricarte'y dadalawang araw
yaong itinigil sa sariling bayan,
pagkat sa pagsumpa'y tumangging tahasan,
muling itinapon ang gurong matapang.


Doon sa Hongkong ay kanyang nakita
ang ilang kaibigan at dating kasama,
isa rito'y si Don Jose Maria Basa - -
Katipunan! muli niyang naalala.


Propaganda laban sa Kastilang sama
ang gawa ni Basa bago magkadigma;
siya't si Prin Ruiz ay nagsipatala
nang ang Katipunan ay muling nilikha.


At pabagu-bago ang naging pangalan
ng kilusang ito, ngunit ang hinirang
na puno ng hunta ay iisa lamang:
ang ayaw sumuko, Vivorang matapang.


Bagay na kanilang ikinatutuwa
ay yaong pasabing nagmula sa bansa
na ang Pilipino'y muling naghahanda
ng paghihimagsik, pakikipagdigma.


Panay na umano ang pananalakay
sa Amerikano ni Macario Sakay;
Antonio Colache, bantad na pangalan,
doon sa Sorsogon umano'y lumaban.


At sa Albay naman ay si Simeon Ola
ang naghihimagsik, gayon din si Papa
Faustino ng Leyte ay nakikibaka,
yaong Pulajanes ang siyang kasama.


Apo Ipe, Noriel, Tomines, Montalan,
Felizardo't iba ay magtutulungan
upang palayasin sa 'ting kapuluan
ang agilang ganid na dito'y kumamkam.


Kaya nga't Disyembre ng taon ding yaon:
si Ricarte'y lihim na umalis noon,
sumakay sa Yuensang, tumulak sa Hongkong
patungo sa kanyang bagong rebulusyon!


KAIBIGANG BALIMBING
Pagkayapak niyang muli sa Maynila
siya'y nakasagap ng mga balita:
ikinakalat daw ng mga Gringong kuhila
na sila'y butihin, may layong dakila.


Sa buong daigdig sinasabi ng Gringo
na sila'y mahal na naming Pilipino,
na liban sa ilang mga bandolero,
ang kapayapaa'y naghahari rito.


Di maitatago yaong kasamaan,
pagtakip sa krimen ay may kahirapan;
si Vivora'y hindi tutugot munti man
at hahalukayin ang katotohanan.


Tulad ng nangyari nga sa Balangiga,
nilalos ng Gringo pati mga bata:
may tatlong palapag ang taas sa lupa
kung pagpapatungin ang taong sinila.


Sa apat na taon nila sa Batangas
ay limampung libong tao ang nalagas;
sa Surigao, ilan sa loob ng rehas
ang nabulok, patay naman pag tumakas?


Sa mga rebeldeng nakulong sa Albay,
ay libu-libo rin yaong nangamatay;
sila ay ginutom at di makagalaw
hanggang sa matuyot na mga kalansay.


Mas maraming hamak ang napatay rito
sa dalawang araw ng Amerikano
kaysa sa Kastila sa may tatlong siglo:
ang Gringo'y mabisang mamamatay-tao!


Kung tawagin tayo ay tsonggong itim:
bukod sa kamukha'y mapagtingkayad din - -
"The monkeys have no tail in Zamboanga," saring
ng kantang nilikha ng putlaing matsing.


Hindi lang ito ang sanhi ng poot
nitong si Vivora sa 'Merkanong supot;
laban sa Kastila nang sila'y sumipot,
ngayo'y laban sa 'tin itong mga buktot!


HANGGANG KAMATAYAN
Pasko nang ikalat yaong manipesto
ukol sa pagbalik ni Ricarte rito
at sa poot niya sa Amerikano
at sa Sajonistang tuta ng Gringo.


Pluma'y walang silbi sa isang digmaan,
dahas at sandata ang siyang kailangan:
laban si Vivora, tungong kalayaan,
sa Gringo at tuta hanggang kamatayan.


Kalaban ay ako't ang aking pamilya,
di ang naniwala't sa aki'y sumama;
ang bayan ko'y bigyan ng wastong hustisya
kundi'y todas kayo sa aking espada.


Halika, halika, agilang mayabang,
at ako'y dagitin ng kukong gahaman,
nang makaranas ka ng tunay na laban:
ulo'y tatagpasin bilang katuwaan.


Ako ang ibenta, mga Sajonista,
upang magkalaman ang iyong pitaka;
mga kababayan, halina, halina,
tayo'y maghimagsik, tayo'y makibaka!


Nang si Aquinaldo'y kanyang pinuntahan,
kahit munting ambag ay kanyang hiningan;
di ako sasapi, tangis ng heneral,
ako'y pobre't walang tiwala ang tanan.


Maging si Aurelio Tolentino'y malas:
isang taon siya sa likod ng rehas
dahil sa sarswela na kanyang sinulat:
sa sama ng Gringo ang madla'y minulat.


Marami rin naman yaong nagsasabi
na ang himagsikan ay di mangyayari;
Dominador Gomez, isa sa marami,
Isabelo de los Reyes ay kasali.


Si Aglipay noon ay nagpayo naman:
ang sable't pistola sa Gringo'y ibigay;
ang pinsan ng pari'y nagalit, nasuklam;
hiningi ng pastor: awa sa Maykapal.


MANEOBRA DE VIVORA
Kaya't isang araw, buwan ng Pebrero,
sugo ni Ricarte'y kay Sakay tumungo
upang pag-usapan ang magandang plano
ukol sa pagbuklod ng kanilang grupo.


Wika ni Vivora: kung ikaw ay payag,
itapon mo, Sakay, ang iyong watawat;
ang Katipunan mong bandilang hawak
sa akin ay sadyang nakababagabag.


Hirang kong diktador si A. Tolentino:
bukod sa magiting siya'y matalino;
kung ikaw ay payag, magkaisa tayo,
magbuklod ng lakas, ibagsak ang Gringo!


Si Sakay, pangulo ng Katagalugan,
sa alok na ito'y walang katugunan;
kung ang bandila niya'y ayaw pairugan
ay sasarilinin na niya ang laban.


Ano't Maneobra de Vivora, tawag
ng planong sa Gringo't madla'y ikinalat:
diktador militar yaong nararapat
na siyang mamuno sa isang watawat.


Ang bansa'y sa labing dalawang estado
hahatiin, maging Guam kasama rito;
Maynila'y piniling maging kapitolyo;
Espanol ang wikang gamit sa gobyerno.


At aalisin na ang hatol na bitay,
pawawalan yaong nasa bilangguan;
sa negosyo, Intsik ay pagbabawalan
at sa pagbabangko'y di na papayagan.


Puspusan ang hanap sa gurong Ricarte,
ngunit parang ahas na nakakapase
sa lambat ng Gringo sa Ilokos Norte,
Calapan, Ecija, maging sa Cavite.


Daang libong piso ang kaniyang naipon:
pambili ng armas ng pwersang nalagom,
daang libong piso yaong ipinatong
sa ulo ng Ahas upang mahimaton.


SA SILID NA BAKAL
Subalit wala nang ibig pang sumama
sa kaniyang rebelyon dahil sa halina
ng Kanlurang luho't Gringong propaganda,
lalo't batang paslit, daling magayuma.


Kaya nga't paglaki ng batang naturan,
tatalikdan niya yaong himagsikang
hangad ni Ricarte't laong pinagyaman:
di pa nagsimula'y agad nang talunan!


Minsan isang araw sa buwan ng Marso,
nasukol ang Ahas ng pangkat ng Gringo,
pati manunulat na si Tolentino,
ngunit ang dalawa'y nakaalpas dito.


Mula noon, sila ay nagkahiwalay,
ang rebelyon nila'y nalansag, namatay;
Vivora'y nagtago sa lupang Bataan
at si Tolentino ay sa Bicol naman.


At sa Mariveles guro'y nagtrabaho,
alyas Jose Garcia, isang empleyado,
ngunit natunugan ng listong Gringo,
dinakip ang guro't ikinalaboso.


Sa silid na bakal siya ikinulong
upang pahirapan nang anim na taon,
walang dalaw, liham; pati ipis tuloy
pinagtiyagaang huntahing pabulong.


Habang nasa loob ng kaniyang kulungan,
laging nasa diwa'y bagong himagsikan
na magpapalaya sa irog niyang bayan - -
o ikaw Vivora'y walang sawang tunay!


PUNONG HUGOT SA MASA
Labingsiyam sampu, Hulyo beinte sais
nang palayain na sa pagkakapiit
si Ricarte - - anim na taong kay bilis,
parang maghapon lang sa bakal na silid.


Ngunit sa bilibid ay di nakalayo,
sa kalye Cervantes siya'y pinahito
ng mga kostable't dinakip ang guro
at sa Intramuros ay ibinilanggo.


At siya'y hinarap sa Gringong bandila
upang sumumpa na't sadyang makalaya;
may gapos ang bisig, ang guro'y nagwika:
No! puneta! di na ba kayo nagsasawa?


Di na nag-aksaya sila ng panahon,
si Vivora'y muling nilagak sa Hongkong
upang ang balakid sa kolonisasyon
ay mawalang pawa't ang bansa'y palulon.


Apatnapu't apat na taon ang gulang
ni Ricarte noon nang siya'y lumulan
sa barkong pa-Hongkong: muhi'y naglalantang
may mabagsik pa ring kamandag sa sihang.


Walang humpay naman yaong propaganda
na siyang pahatid ng Ahas sa masa
upang ang kadugo ay huwag pagayuma
sa Gringong pangako na tuwa't ginhawa.


Di alam ang dapat na gawin ng bayan:
isang Bonifacio ang punong kailangan,
hindi ilustradong kapag inalayan
ng poder ng Gringo, tayo'y lalayasan.


Ito ang nilinaw ng Ahas sa madla:
ang dapat manguna, mamuno sa bansa
ay hugot sa masa, pulubi ma't dukha
ay buti ng bayan ang siyang adhika.


WALANG BULAG, PIPI'T BINGI
At sumulat siya ng saligang batas,
bagong kalakaran nitong Pilipinas,
Rizaline ang ngalang kaniyang inilapat,
Rizalinos naman ang sa tao'y tawag.


Ngunit ang bandila'y di na babaguhin,
bagong disiplina ang kakailanganin:
sa dayuhang ganid huwag paalipin;
sinumang yumuko'y aking sisilain!


Ipinamahagi yaong manipesto,
hingi'y dies sentimos hanggang sampung piso
para sa kilusan, kapalit ay ranggo:
at tinyente hanggang koronel ang premyo.


Dahil kay Ricarte, ang masa'y nag-isip,
bulag ay namulat at pawang nagmasid,
pipi'y nagsalita't laya ang sinambit,
tanggal ang tutuli ng binging pandinig.


Kaya't ang Lapiang Sakdalista noon
ay biglang tumindig, mata'y itinuon
sa mithi ng Ahas na ang puso'y leon;
bandoleros, tawag ng Gringo sa kampon.


Ang manipesto raw ni Vivora'y pera
ang hangad at hindi paglaya ng masa,
mga mangmang lamang ang nabibiktima,
di nito malilinlang ang mga maykaya.


Ngunit nagkagalit ang kanyang ahente
magmula sa Morong hanggang Antique,
nag-away sa pera na parang buwitre,
at ang himagsikan ay muling napeste!


BALIK-PISARA'T-YESO
Ang unang digmaang pandaigdig mandin
ay nagpasidhi pa sa kanyang panimdim:
bakit Pilipinong dugo'y bubuwisin
sa digma ng Gringong ating kaaway rin?


Ang Ingles sa Hongkong ay pinagsabihan
ng mga Gringong kanilang kaibigan:
huwag nang kupkupin ang Ahas ng tapang
at ito'y itapon sa kung saang bayan.


Kaya nga't ang huling rebeldeng dakila
ay muling nasadlak sa kung saang lupa,
sa Hapon, ang bayang tumulong na kusa
sa ating pag-alpas tungo sa paglaya.


Sa Hapon sa tagal ng kaniyang pinirmi
ay natuto siyang maging mapagsilbi;
subalit sa Gringo, poot ay tumindi:
humanda ka't lintik lang ang walang ganti!


At muling nagturo ang gurong matapang,
Kastila ang kursong kanyang hinawakan,
at saka nagbukas ng isang karihan
para magkapera - - bagong himagsikan!


HETO NA AKO!
Kay gurong Ricarte'y kayraming natuto
ng Espanol, arte't buhay Pilipino,
di batid na ito'y bahagi ng plano
ng sundalong Hapong sasalakay rito.


Sa kanyang pagtulong, bilang pasalamat,
binansagang Shogun, karangalang dapat
sa isang Samurai, ang gurong masipag,
ginoong magiting mulang Pilipinas.


Taong labingsiyam apatnapu't isa
nang ang Pearl Harbor ay biglang binomba
ng mga Hapones, sumiklab ang gera
mundyal at nasangkot pati na ang Asya.


Tuwa ni Vivora ay gayon na lamang
nang kanyang narinig na ang kanyang baya'y
nasa ilalim na ng kapangyarihan
ng mga Hapones na kaniyang kaibigan.


Agad na kinuha ang kaniyang tampipi,
lumang rayadilyong nandoroon lagi
ay kaniyang sinukat, matikas pa wari - -
humanda ka Gringo't magkurus sa labi!


RAYADILYONG LUKOT
Si Ricarte'y lalo pa ngang nasiyahan
sa bagong balitang kanyang napakinggan:
Gringo'y sumuko na sa lupang Bataan
at ang Corregidor ay bagsak na rin daw!


Ang di niya mandin lubos na maisip:
bakit Pilipino'y sa Gringo pumanig,
kumampi sa lilong sa bansa'y lumupig,
at hindi sa Hapong mananagip, bakit?


At bakit sa Death March sila'y magkaakbay?
Para bang limot na ang kayraming bangkay:
Balangiga, Morong, Batangas, Albay - -
tamis pagsasama ng dating hiwalay!


Ngunit si Vivora ay naniniwala
na ang Pilipino'y nasa ang paglaya,
kaya't himagsikang naputol na dula
ay matutuloy na, kaniyang sapantaha.


Kaya't rayadilyong lukot at may nisnis
ay isinuot na ni Ricarteng sabik
kung ito'y butas man sa gawi ng dibdib,
kung ang pantalon ma'y may tagpi't numipis.


Ang mga medalyang sa digma ay gawad
ay ipinantakip sa nisnis at butas,
ang pantalon niyang lumuwag sa yayat
nang huwag mahubo'y sinturo'y hinatak.


Pistola at sableng ngayo'y makalawang
ay isinukbit na at saka lumisan
na uugud-ugod at eengkang-engkang
ang pitumpu't anim na taon ang gulang!


MAHABANG PAGTULOG
Taong labingsiyam apatnapu't dal'wa:
dumating ang Hapong si Ricarte'y dala;
kaylaking kaibhan ang nakita niya
sa lupang nilakhan, sa bayang sininta.


Tatlong araw pa lang si Vivora rito,
dami nang napansin ditong pagbabago:
nag-iba ang dating gawing Pilipino,
nilurakang ganap nilang maka-Gringo!


Sa isip at gawa, sa salita't sining,
bansa'y ginagagad yaong kanluranin;
nag-iiningles pa'y parang kinakain
naman ang salita - - hirap unawain!


Ang babaeng dati'y mahinhin, sa mukha'y
parang baylarinang mek-ap na kaysagwa;
ang batang magalang dati sa matanda
ngayo'y walang modo, bibig ay kaylaswa.


Ang barong tagalog na disenteng damit
aba'y sa Hawaiian Shirt ipinagpalit;
kundimang walang kaparis sa tamis
sa bugi-wugi lang ay biglang napalis.


Wala na sa teatro ang nga sarswela,
bodabil na ngayon ang hilig ng masa,
maging pamamasyal doon sa Luneta
ay nahalinhan na ng madyong, baraha.


Kapag namasyal ka sa ka-Maynilaan,
maliligaw pagkat ang mga lansangan
ay iba ang tawag, Gringo ang pangalan:
naparam na yaong kasaysayang bayan!


Kung si Ricarte man ay napapatawa
sa dyenyuwayng suot ng kabalat niya,
napapatawa rin sila kay Vivora:
nakarayadilyo'y wala nang pag-alsa.


Talagang iba na ang bayan n'yang giliw:
si Vivora'y parang isang Rip van Winkle,
isang salinlahing nahimlay, malalim
at waring ngayon lang pinukaw, ginising.


Itinuro niya sa pupilong Hapon
ukol sa ugali, gawi at tradisyon
ay hindi na pala ginagawa ngayon:
laking kahihiyan! - - wala na ang noon.


O kaytagal niyang nagdusa't lumaban
upang mapalaya ang irog na bayan;
ngunit ngayon, ito'y di mapatunayan
pagkat siya'y ampon ng Hapong kaaway!


HUWAD NA LAYA
Siya pa ang ngayo'y pinararatangang
nagtaksil sa bansang kanyang sinilangan,
siya na nagbalik upang manawagan
na ipagpatuloy yaong himagsikan.


Ang bintang sa kanya at kay Aquinaldo:
sila ang maylikha ng taksil na grupo,
yaong Makapili na siyang katrato
ng mga Hapones sa paghari rito.


Para kay Vivora ang balak ng Hapon
ay hirangin itong pangulo ng nasyon;
dahil sa ang tingin kay Vivora'y traydor,
ang pangakong ito'y hindi itinuloy.


Kaya't isang lider na katanggap-tangap
sa bayan ang siyang hinirang na kagyat;
si Jose P. Laurel, magaling at sikat,
lumuklok sa pwestong pinakamataas.


Masakit man ito para kay Vivora,
masayang tinaggap nito ang pasiya,
alang-alang na rin sa mithing maganda:
sisilang sa wakas itong Republika.


Taong labingsiyam apatnapu't tatlo,
Oktubre katorse: tumaas, kung lito,
ang sintang bandila - - para bang simbulo
ng huwad na laya na ating natamo.


Rebulusyonaryo kapwa ang nagtaas:
sina Aquinaldo't Ricarte'ng humaltak;
"Tindig, aking inang bayan," awit lahat
ng tao sa tanging araw na ginanap.


Di batid na sila'y kinakasangkapan
sa huwad na layang hinandog sa bayan,
saksi sina Laurel: sila'y walang malay
sa pakanang ito ng Hapong kaaway.


SINO ANG DAKILA
Ang pagmamalabis ng Hapon ay lantad:
ang panggagahasa't pagpatay ay kalat;
pag di ka yumukod sa kanilang harap,
pugot ang ulo mo o ngipin mo'y lagas.


Laganap ang gutom sa lahat ng banda,
natutong kumain ang tao ng tira:
sisid rice, kastanyog, kangkong at panutsa;
maraming minanas, namayat, tumumba.


Kawawang talaga itong Pilipinas,
walang katapusang dusa ang dinanas:
una'y sa Kastila't sa Gringo naghirap,
ngayon ay sa Hapon na nuno ng dahas.


Ito ay nalantad lahat kay Vivora,
nanatili at umiral sa isipan niya:
Hapon na nangakong tutulong sa kanya
ang siyang sumikil sa bayan n'yang sinta.


Nadurog ang puso sa mga nangyari,
sa lupit ng Hapon sa bayang sarili:
Gringo't Sajonista ay hindi na bale,
ngunit pati sanggol bakit isinali?


Inunawa niya ang kalahing mahal
sa kanyang lito't gulong kaisipan
at nagtanong: sino ang dakila't banal,
akong itinapon o silang sinaktan?


Ngayon ay naisip na rin ni Vivora:
maging ang Hapon na kayakap niya
ay di maasahan at taksil talaga;
ang hangarin nito'y pansarili pala!


Tulad sa Pearl Harbor, lihim na salakay
ay daming pinuting inosenteng buhay;
at sa Pilipino'y lapit ng kaibigan,
paninikil pala ang linlang na pakay.


Itinuro niyang asal Pilipino
ay ginamit pala sa pagsakop dito;
pangako sa kanyang siya'y mangungulo
ay lansi rin pala ng mga demonyo!


At ngayong sa kanya'y wala nang tiwala
ang kanyang kabalat, maykaya't timawa,
sino pa ang kanyang kabalikat-diwa
sa landas-panganib tungo sa paglaya?


MANAPA'Y MAMATAY
Petsa kwatro noon, buwan ng Pebrero
ng mil nwebe syentos kuwarenta'y singko,
ang bansa'y nilusob ng Amerikano
upang sila muli ang maghari rito.


Hukbo ni MacArthur dumaong sa Leyte,
binugaw ang Hapon hanggang sa Malate,
ang sumukong sakang ay ubod ng dami,
yaong ilan naman ay nagharakiri.


Lunos si Ricarte sa nabalitaan,
dinurog ng Gringo ang irog n'yang bayan;
bakit hindi Tokyo, lunsod ng kalaban,
bakit ang Maynila ang nakainitan?


Arthur, wika niya sa ama ni Douglas,
di ka nasiyahang kami ay dinugas,
pati ba anak mo'y dapat na magwalat
ng ari't ligaya nitong Pilipinas?


Kung ang lupang Hapon ang iyong nilusob,
hindi sana kami nawasak, nadurog;
di sana nasira ang gusali't ayos
ng bayan kong mahal, ng lunsod kong irog.


At wala rin kaming kadugong napatay
sa iyong pagbombang wala manding humpay;
di ba kami yaong palaging kaakbay,
bakit tuwa ninyong gawin kaming bangkay?


Pagdating ng pusa, daga'y pupuslit na,
kaya't ang Hapones dito'y natranta;
may isang pumugang may matandang dala
na hirap na hirap at may disenterya.


Ito'y si Ricarte na ayaw pahuli
sa Gringo kahit pa ano ang mangyari:
kung yumao siya'y hindi na bale,
huwag lang sumumpa laban sa sarili.


PAKUNWANG ANDUKHA
Sa isang baybayin sa Pacific Ocean
ang matandang guro'y di makagulapay,
kaakbay ng Hapon na kanyang alalay:
Konochiro Ota, koronel sa pugay.


Kahit agaw-buhay ang gurong matanda,
ang poot sa Gringo ay lalong lumubha:
kung di sa inyong pakunwang andukha,
kami sana ngayon ay malayang bansa!


Kami'y may sariling uri ng gobyerno,
sariling kultura, sining, alpabeto,
sariling pagsamba sa aming anito,
bago pa dumating ang Kastila rito.


Subalit ang lahat ng ito'y sinira,
sinunog, pinawi ng imbing Kastila
nang mapilit kaming sumampalataya
sa relihyon nila, kultura at wika.


Kami ang naunang nagkapaaralan
kaysa Gringong pawang Indian ang kalangkay;
maging sa paglimbag kami ang may lamang - -
ano't librong Gringo ang aming panlibang!


Kahanga-hanga rin yaong panloloko
na ginawa nitong mapuputing tsonggo;
ano ba't nalinlang kaming Pilipino
na higit ang alam at mas matalino!


EPIKONG BANTAYOG
Darating ang araw, wika ni Vivora,
ako'y tatawaging taksil na talaga
ng aking kadugong nadimlan ang mata
sa sikap ng Gringong dangal ko'y magmantsa.


Sa haba ng digmang ipinaglaban ko,
isang natutunang bagay ang totoo:
di inihahandog ang laya sa iyo - -
dapat mong sunggabin nang ito'y matamo.


Bago ako pumanaw, ang hiling ko, Ota,
ay isang bantayog ang itayo sana
nang huwag malimot na rito'y kasama
ang di napaluhod ng Gringong kabaka.


Matapos sambitin ito ay yumao
ang pangko ni Ota na dakilang tao:
huling araw noon ng buwan ng Hulyo,
mil nuwebe syentos kuwarenta'y singko.


Sa singkit na mata'y namuo ang luha;
hiling mo'y tutupdin aniya't nagwika:
ikaw ay bayani, ikaw ay dakila,
nang isilang ka lang, inulap ang tala.


Bayani ka lamang kung ikaw'y panalo,
ngunit isang sukab pag ikaw ay talo;
kaya't kapalara'y nagdidikta rito
kung ikaw sa bansa'y bayani o lilo.


Siya'y inilibing sa lupang kung saan
sa may Pacifico at kubli sa tanan,
walang krus o tandang mapagkikilanlan
na gurong dakilang ang doo'y nahimlay.


Pati ang bantayog na hiniling niya
kay Ota'y nilimot, kaya't ipininta
ng aking panulat para sa balana
ang epikong ito ukol kay Vivora.
*Privacy: Copyright


Handog ko sa aking kinawawang bayan,
kay Marison na nabibigay inspirasyo,
sa aking mga anak, sa papa at mama.
Sa mga kapatid ko at kay Pepito na aking
bayaw na nagtulak na ako'y sumulat!
Maraming salamat.

- - ka tony

ika 4 ng Pebrero, 1973