Sunday, August 26, 2012

Agosto 27 - "Araw ng mga Bayani"















Ang nagbigay ng tunay na diwa upang ipagdiwang ang Araw ng mga Bayani ay bigyan ng kahalagahan ang naganap na "Battle of Pinaglabanan" ang pagsalakay ng mga Katipunero sa "El Deposito" o "Polvorin" (artillery) sa sityo ng San Juan del Monte, upang agawin ang mga sandata ng mga guardia civil na kung saan dito'y nakalagak. Ang pagsalakay na ito ay isa sa pinakaunang madugong sagupaan ng mga Pilipino laban sa mga kolonyalista. Ang di inaasahang pagkakabunyag ng lihim na samahang Katipunan noong 19 ng Agosto, matapos din na makalusot ang mga Katipunero sa mahigpit na pagbabantay ng mga guardia civil, na ginamit na dahilan ang kapistahan ni San Bartolome de Malabon upang makapagdala ng mga patalim na sandata at makapagpulong sa Balintawak noong 24 ng Agosto, hangang maisagawa ang sinasabing "Unang Sigaw," pagpunit ng sedula na itinakda sa araw ng 26 ng Agosto, ang kainitan ng buwan ng Agosto at diwa ng pakikibaka ay natuloy sa "Battle of Pinaglabanan!"

Ang kakulangan sa sandata ng mga Katipunero at ang napakalapit na kinatatayuan ng El Deposito, San Juan del Monte, sa Maynila (Intramuros), ang naging sanhi sa mabilis na pagdating ng "Jolo" ang hukbo ng mga Pilipinong Casadores sa ilalim ni Heneral Bernardo Echaluce at dali-daling tumulong sa mga guardia civil laban sa nagaganap na himagsikan sa San Juan del Monte. Sa pagkakabunyag ng lihim na samahang Katipunan at ang ginawang pagsalakay na ito sa El Deposito, ang Kastilang Cortes na Gobernador-Heneral Ramon Blanco ay ibinaba ang batas militar sa Ka-Maynilaan at sa mga lalawigan ng Morong, Laguna, Cavite, Batangas, Bulacan, Nueva Ecija at Tarlac. Subalit lalo lang lumaganap ang pakikibaka ng mga mga mamamayan sa nangyaring ito, sa hilaga at timog ng Luzon.

Upang ipakita ang bakal na kamay ng batas militar at makapagbigay ito ng malagim na aral, ang mga nadakip na mga Katipunero sa San Juan del Monte ay piniit, pinahirapan at binitay. Dahilan sa matinding tensyon na nagaganap, ang Gobernador-Heneral Ramon Blanco ay nagbigay pagpapatawad sa mga Katipunero at mamamayang nakikibaka, na kung susuko pati ang pagsusuko ng kanilang sandata sa mga otoridad, sila ay patatawarin at makakalaya. Isa sa mga nagsisuko ay si Dr. Pío Valenzuela na isa sa nagtatag ng Katipunan. Na linlang si Pio Valenzuela ng mga Kastila, siya ay hindi pinatawad, siya'y kinulong at pinatapon sa Madrid, Espana at pagkatapos ay piniit sa timog ng Aprika.


Ang Ka-Maynilaan, kasama ng pitong mga lalawigan; Morong, Laguna, Cavite, Batangas, Bulacan, Nueva Ecija at Tarlac na sinakatuparan ang batas militar ni Gobernador-Heneral Ramon Blanco, ay ginawang sagisag ng walong sinag ng araw sa ating kasalukuyang bandila. Ang mga lalawigang ito ang siyang nagpasimuno ng pakikibaka laban sa mga Kastilang kolonyalista.


Ang sinimulang pamahalaan ng Supremo Bonifacio ay isang makasosyalistang idelohiya na ang layunin ay...

1. Kunin, ibalik at ipaghati-hati ang mga lupa, kayamanan at ari-ariang kinamkam, inagaw, inilit at ninakaw ng mga Prayle at mga dayuhang Kastila sa mga mahihirap at mga magsasakang Pilipino.
2. Kalayaan ng Pilipinas mula sa mga Kastilang kolonyalista.
3. Ibagsak ang eletistang lipunan na pinasimulan ng mga Kastila at itaguyod ang pantay-pantay na lipunan.

...subalit ang nakalulungkot sa orihinal na makamasang pamahalaan, diwa at idelohiyang tinaguyod ng Supremo Bonifacio ay naiba ang pagkakaunawa at pagsasagawa ng nakaraan at kasalukuyan nating pamahalaan. Ang diwa at idelohiya ng Supremo ay patuloy pa rin na ipinaglalaban lalo na sa pook ng "pinaglabanan." Ang masakit pang nangyari ay ang kasalukuyang kalaban ay hindi mga kolonyalista, subalit ang mga kapuwa na kabalat, bagong ilustradong tuta ng kolonyalista na nagpatuloy sa diwa ng mga taksil na ilustrado/sajonistang na pumaslang sa Supremo, umagaw sa himagsikan at pamahalaan na itinaguyod ng Katipunan.


-- ka tony

ika-26 ng Agosto, 2012
many thanks to Mr Glenn Martinez (Traveler on Foot) for the photo.

Wednesday, August 22, 2012

Si San Bartolome at ang Unang Sigaw!











Si San Bartolome ay isa sa labingdalawang apostoles ni Hesus Cristo, na nagtungo sa India at Armenia upang ikalat ang ebanghelyo. Matagumpay na naakit na maging Kristiyano ni San Bartolome ang Haring Polymius ng Armenia, na ito naman ay ikinagalit ng kapatid nitong si Astyages. Tuloy si San Bartolome ay ipinahuli, ipiniit, pinahirapan, binalatan at pagkatapos ay pinugutan ng ulo. Sa kisame ng Sistine Chapel sa Roma, na kung saan makikita ang obra ni Michelangelo, mapapansin ang larawan ni San Bartolome sa "Last Judgement" na bitbit ang kaniyang balat at may hawak na itak o bolo. Dahil sa kamartiran na ganap kay San Bartolome, siya ay ginawang patron santo ng mga bolo, itak, tabak, gulok, balaraw, punyal at balisong. Kadalasan makikita ang imahen ni San Bartolome na may hawak na bolo, nakapulang damit at sa kaniyang paanan ay nakaapak sa demonyo.

Ang lumang pangalan ng munisipyo ng Malabon noon ay "Tambobong" ito'y pinalitan at tinawag na Malabon, sapagkat ang malawak na sinasakop na lupain nito ay makawayan, kaya't dito ay maraming umuusbong na mga batang kawayan - "ma-labong." Ganoon din ang ibig sabihin ng dati nitong pangalang "Tambobong" na nagmula sa "bumbong" ng kawayan. Naganap ang isang mahalagang kasunduan ng mga panggunahing tao sa sityo ng Malabon; Nicolas Acerda Manapat (tagapagmana ni Agustin Sigua na nagmamayari ng lupang tinitirikan ng simbahan sa Malabon), ang Kastilang Capitan Heneral at ang Arsobispo, pinagkasunduan na pagnatapos ang itinatayong simbahang paroko ng Malabon at ang magiging patron santo nito ay kinakailangang ka-pangalan ng "compadre" ni Nicolas Acerda Manapat na si Bartolome Mangay Mansano.

Naging patron santo ng Malabon si San Bartolome, na may hawak na bolo at naka-pulang "balintawak" na kasuotan. Ang tinakdang araw ng kapistahan ng simbahan at patron santo ay ika-24 ng Agosto, upang gunitain ang araw na ito sa pagkakatatag ng unang kura paroko ng katatayong simbahan, si Padre Luis Gonzales - taong 1614. Tuwing darating ang tinakdang araw ng kapistahan at pagnonobena kay San Bartolome, napakaraming nakahilerang nagtitinda ng mga sari-saring patalim sa sityo ng Malabon. Karamihan ng nagnonobena at bumibisita sa araw ng piesta ni San Bartolome ay kinaugaliang magsuot ng "balintawak" - puting kamisa-chino, pulang pantalon, pulang panyo na nakalagay sa leeg at may dalang itak o bolo. Ang mga patalim o bolo ng mga bumibisita at nagnonobena ay binibindisyonan ng kura paroko, tuloy ang nabendisyonan na mga bolo o tabak ay tinawag na "sangbartolome."

Ang lihim na samahang Katipunan ng Supremo Andres Bonifacio ay nabunyag noong ika-19 ng Agosto,1896, sa kumpisalan ni Parde Mariano Gil, sa parokya ng simbahang Tondo. Nang mabatid ito ng kura paroco, dali-dali si Padre Gil na nagtungo sa Kastilang Cortes upang ito'y isumbong sa Gobernador Heneral. Pinagutos na maghigpit ang mga guardia civil at isa-isang sinisita at sinisiyasat ang mga taong naglalakbay sa kamaynilaan at karatig-pook. Dahil sa maagang pagkakabunyag sa lihim na kilusang Katipunan, ang Supremo'y nagtawag ng isang malaking pagpupulong upang pagusapan kung ano ang nararapat na kanilang gawin.

Napagisipan ng Supremo na gawin ang malaking pagpupulong ng mga Katipunero sa mga araw na paghahanda para sa piyesta ni San Bartolome, ika-24 ng kasalukuyang buwan ng Agosto sa Balintawak. Isa sa maraming alamat na pinanggalingan ng pangalang "Balintawak" ay "baling tabak." Ang tila baling landas ng Balintawak ay daanan ang mga bumibisita at nagnonobena patungo sa piyesta ni San Bartolome ng Malabon. Ang salitang "baling" o "bali" ay ang hugis ng kalahating-buwan na dito inihugis ang talim ng mga "tabak" kaya naging "Balintawak." Sinamantala ang bispiras ng kapistahang gaganaping ito ng Supremo at mga Katipunero upang mayroon silang katuwiran na makapagdala ng kanilang mga bolo, tabak, punyal at balisong, na hindi sisitahin at uusisain ng mga guardia civil sa inaakalang upang ipabasbas sa simbahan ni San Bartolome sa Malabon. Tuloy ang mga Katipunero ay nakasuot din ng pulang "balintawak" nakapulang pantalon, puting pangitaas, pulang panyo na nasa leeg at may dalang bolo, bilang parangal sa patron santo.

Mula sa Balintawak, ang Supremo kasama ang mga Katipunero ay nagtungo sa Pugad Lawin, pagkatapos ay nagbalik sa Balintawak na kung saan lantad sa madla at maaaring doon ginanap ang "Unang Sigaw" subalit kung saan tunay na ginanap at kailan ang ito nangyari, ang kasagutan ay hangang sa ngayon ay isang kontrobersyal na hiwaga sa ating kasaysayan. Ang "Cry of Balintawak" na pinagdiriwang na nangyari noong Agosto 26, 1896, ay ayon sa talaan ng mga Kastila na nagkaroon ito ng pakikipagdigmaan sa mga Katipunero sa Pasong Tamo, Balintawak, matapos isagawa ang "pagsigaw" sa bahay ni Tandang Sora.

Ayon naman sa isang tenyente ng guardia civil na si Olegario Diaz, ito ay naganap noong Agosto 25, 1896, sa Balitawak.
Ang isa namanng bersyon ng "Unang Sigaw" ay sa bakurang bahay ng anak ni Tandang Sora na si Juan A. Ramos noong Agosto 23, 1896, malapit sa Pugad Lawin, na kung saan din sinira ng mga Katipunero ang kanilang cedula at sumigaw ng "Mabuhay ang Pilipinas!" Si Santiago Alvarez naman ay nasabing ito ay naganap sa "Bahay Toro" (na ngayon ay Project 8, Quezon City), noong Agosto 24, 1896, subalit paano niya itong mapapatunayan, siya ay hindi kasama ng Supremo at siya ay nasa Cavite. Ayon naman kay Pio Valenzuela, ito'y nangyari noong Agosto 23, 1896, sa Pugad Lawin.

Napakadaming bersyon, araw at kung saan naganap; Balintawak, Pasong Tamo, Pugad Lawin, Caloocan, Kangkong, Bahay Toro at Banlat. Maaari kayang hindi lang isang beses nangyari ang "pagsigaw?" Maaari kayang tuwing mapupulong ang mga Katipunero sa mga na sabing lugar na ito at makapagakit sila ng mga bagong kasapi, ang "pagsigaw" ay muling nilang gagawin? Mahiwaga ang "Unang Sigaw" o "Grito de Balintawak" na hangang sa ngayo'y pinagtatalunan at kung ilan nga bang beses pinunit ng mga Katipunero ang kanilang sedula at sumigaw? Maaari kaya na ito'y ibinase na naganap sa Mexico ang kanilang "1810 Grito de Dolores?"

Bukod sa tamang araw at tamang lugar, ano nga ba talaga ang kanilang isinigaw? May nagsasabi na "Mabuhay ang Pilipinas!" mayroon naman "Mabuhay ang Katipunan" at ang iba naman ay "Mabuhay ang Republica ng Filipinas!" Alin sa mga ito ang totoo?
Pati na ang kalayaang hindi pa nakakamit ng ating bayan ay pinagtatalunan kung kailan ito naganap. Marami'y nagsasabi ang naganap na "kalayaan" ay ng nagtungo ang Supremo at mga kasama sa "Pamitinan Cave" sa sitio ng Wawa, Montalban, sa sinasabing yungib ni Bernardo Carpio na doon ay isinulat ng Supremo ang "Viva La Independencia de Filipinas!" Subalit, hindi ba't ito'y sumasalungat sa prinsipyo ng Supremo at ni Gat Emilio Jacinto na tawagin ang ating bayan na "PILIPINAS" na ipinangalan sa atin ng ating koloyalista? Hindi ba't kaya ang tawag nila sa ating bansa ay "HARING BAYANG KATAGALUGAN" ("Sovereign Nation of Katagalugan") at ang Supremo ay ang - "Pangulo ng Haring Bayan ng Katagalugan?" Tunay na marami pa tayong dapat na suriin at walang humpay na saliksikin ang katotohanan sa ating kasaysayan. Ganoon pa man'y maraming salamat sa patron santo ng Malabon - San Bartolome, nang dahil sa kaniya'y na bigyan ng pagkakataon ang Katipunan ng mga Anak ng Bayan na magtipun, sumigaw, punitin ang kanilang sedula at simulan ang armadong himagsikan!

- - ka tony
ika-22 ng Agosto, 2012