Maging isang pagsusuri sa sarili ang ibig sabihin ng "Pilipino Identity" Upang pasimulan papandayin ang bansang ganap na malaya, maunlad, mapayapa at makatarungan para sa lahat, sa ating mga anak at sa susunod na salin-lahi!
Tuesday, January 29, 2013
Thomasites ang mga Puting Guro at Philippine Heroes
Sadyang
nilapastangan ng mga kolonyalistang mananakop kasama ng kanilang
sponsor na ilustrado/sajonista, ang tunay na kasaysayan ng ating lahi,
upang sa ganoon ay mapagtakpan ang kanilang ginawang mga krimen,
pagnanakaw nang likas ng ating bayan, pagangkin ng ating tagumpay at
pagbura sa ating isipan nang katutubong kultura. Ang itinaguyod nilang
paaralan ay nagsilbing "brain-washing school system" upang tuloy-tuloy
ang paghulma sa ating puso at pagiisip, ang "colonial mentality" na
magsisilbing tanikala sa paa ng salin lahing Pilipino sa kolonyalismo.
Lulan ng barkong USAT Thomas na galing sa kampo ng Presidio sa San
Francisco, California, ipinadala ng Estados Unidos ang may bilang na 530
(365 lalake at 165 babae) Thomasites Teachers sa bagong koloniya niyang
Pilipinas noong Agosto 21, 1901. Nanatiling tinawag ang mga "puting
guro" na "Thomasites," dahil sa patuloy na pagpapadala ng mga gurong ito
sa Pilipinas na laging lulan ay ang barkong USAT Thomas, hangang umabot
sa bilang na 1,074 isang taon pa lang ang nakakalipas. Ang kanilang
magiging sweldo ay $125.00 - kada buwan at ang kanilang tungkuling
gagampanan ay magturo ng elementarya sa itinatag na paaralang
pangpubliko ng Estados Unidos at turuan/sanayin ang mga lokal na may
potensyal na maging guro sa pagtuturo, pagsasalita, pagbabasa sa wikang
Ingles.
Bukod sa pagtuturo ng wikang Ingles, ituturo rin nila
ang US history, reading, grammar, geography, mathematics, general
courses, trade courses, housekeeping, sewing, crocheting, mechanical
drawing at freehand drawing. Sa larangan naman ng palakasan ay baseball,
track & field, tennis, baseball at basketball. Ang mga aklat na
nasa wikang Ingles ang gamit sa paaralan na sinulat ng mga puting autor
at sa bandang huli'y mga sinulat ng ilustrado/sajonista na pensyonadong
pinagaral sa Amerika.
Tuluyang nalimutan nating mga Pilipino
ang katutubo talino, pati na ang pagsulat ng baybaying alibata, na
ginamit din sa aklat na "Doctrina Christiana" na una pa sa ano mang
nailimbag na aklat ng Amerika. Binasura ang pagaaral at aklat nating
Katon, tuluyang nalimot ang mga matanda nating paaralan; Colegio de
Santa Potenciana (1589), Universidad de San Ignacio (1590), Universidad
de San Carlos (1595), Universidad de Santo Tomas (1611), Colegio de San
Juan de Letran (1630) at Colegio de Santa Isabel (1632), ang mga
paaralan na hindi lang elementarya o mataas na paaralan, subalit mga
universidad na mas nauna pa sa pinakamatandang paaralan ng Estados
Unidos - Harvard University (1636). Ano't tayo pang mga Pilipino na
naunang maglimbag ng mga aklat at nagkapaaralan ang siyang tinuturuan ng
mga puting guro na ito na idinestino sa buong kapuluan, mula Aparri
hangang Jolo?
Sa ginawang ito, ang Pilipinas ngayon ang
binansagang na "third largest English-speaking nation in the world"
sapagkat ang wikang Ingles ay patuloy na ginawang opisyal na wika sa
lahat ng ating paaralan at naging batayan din sa uring elite na hagdanan
ng lipunan. Malaki ang naging kapinsalang nagawa nito sa sambayanan,
nawalan ng halaga ang nais na sabihin at pagunawa ng mga Pilipino,
sapagkat isasalin muna ang wika natin sa isip, upang masabi sa wikang
Ingles. Lalo na ang mga nagpapa-elite na mga Pilipino na tila ayaw
gumamit ng kolokyal na Ingles, upang lalong makapagyabang ay gumagamit
ng malalalim na pangungusap na kahit na ordinaryong Amerikano'y gagamit
pa ng diksyonaryo upang maintindihan ang sinasabi. Ang mga ito'y lalo
lang nagpababa sa sistema ng edukasyon, nagpapainutil sa sintido komon
at talino ng sambayanang Pilipino.
Patuloy ang pagpapalaganap
ng "colonial mentality" sa pamamagitan ng paaralan, pagpagawa ng mga
lansangan, gusali at patuloy din ang pagbigay ng mga donasyon, nang
mapatunayan na ang hangarin ng Estados Unidos ay makatulong sa ating
kamangmangan, kahirapan at turuang makatayo na magisa hangang matuto na
makapagtaguyod ng sariling pamahalaan. Sa likod ng lahat ng pangyayaring
ito, ang mga kolonyalista naman ay sinasamantala ang pagnanakaw ng
ating likas na yaman, pagkontrol ng ating soberenya, pagtatayo ng mga
base militar upang lumawak ang kanilang sakop pang ekonomiya at
sandatahang lakas sa Asia.
Pati na ang ating mga magigiting na
bayani na ang adhikain ay kabuuang soberenya at kalayaan ng ating bayan
ay binaliktad, ang tunay na mga bayani ay kanilang ginawang tulisan,
bandoleros at ang iba naman ay pinababa ang imahen at pagkatao, upang
huwag tularan. Ang mga taksil sa Katipunan, mga ilustrado/sajonista na
naging "pensyonados" na naghahangad lang ng reporma at ang mga opisyal
ng ilustradong himagsikan ni Aquinaldo na sumuko, ang kinilalang bayani
ng mga Amerikano para sa Pilipino.
Upang masugpo ang kumakalat
na damdaming makabayan, maka-Bonifacio at idelohyang komunista sa
katatapos na pakikibakang naganap noon unang "Araw ng Mangagawa" o
"Labor Day" sa Moriones, Tondo, ika-1 ng Mayo,1903 na nauwi sa isang
rayot, pinagbawal ang larawan ng Supremo at ang bandilang Pilipinas na
ilantad sa publiko. Inutusan ng US Insular Government in the Philippines
ang kanilang Pilipinong pensyonados na historyador na umisip at bigyan
ng nararapat na mga bansag o titolo para sa ating mga bayani na babagay
sa kasalukuyang "benevolent assimilation" at "pacification program" na
kanilang ginagawa sa buong kapuluan...
# ANDRES BONIFACIO -
"The Great Plebeian" at "President of the Tagalog Republic." Ginamit ang
"plebeian" upang ibaba ang imahen ng Supremo sa antas ng masa, upang
laitin ng "colonial mentality" nating lipunan. Ang "plebeian" ay
pinakamababang uri ng lipunan sa Roma noong araw, hindi naman tayo
Romano at lalong-lalo naman ang Supremo, bakit plebeian? Ang triangulong
antas sa hagdanan ng lipunan noong kapanahunan ng Supremo ay;
Peninsulares, Insulares/Creole/Filipino, Mestizo, Indio/Tagalog at
Sangley.
...bakit hindi ginamit ang tunay na kahulugan ng
"Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan" na kung isasalin sa wikang Ingles
ay "President of the Sovereign Nation of Katagalugan"? Mahigpit na
pinagbabawal ng Supremo Bonifacio ang paggamit ng "Filipinas" sapagkat
ito'y kolonyal na pangalan. Ang "Filipino" naman ay natataging tawag
lamang sa mga Insulares/Creole (Kastilang ipinanganak sa Filipinas).
Indio o Tagalog ang tawag sa mga lokal na mamayan, kaya ginamit ng
Supremo ang "Katagalugan" para sa ating bayan.
...kung ang
Supremo Bonifacio ang "Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan" bakit si
Aquinaldo ang binansagan at tinuturing na "The First President of the
Philippine Republic." Hindi ba't naitatag na ang Katipunan at ang
pamahalaan ng Supremo Bonifacio bago pa sumapi sa Katipunan si
Aquinaldo?
...bakit Pilipinas lang sa buong mundo, ang
nagsimula ng himagsikan hindi National Hero? Hindi ba't nararapat na si
Gat Bonifacio ang tanghaling taging National Hero ng Pilipinas, tulad ng
national hero ng mga iba't ibang bansa sa mundo? Bukod dito ang
Katipunan ang pinakaunang armadong himagsikan laban sa konloyalismo at
imperyalismo sa buong Asia. Nabangit sa aklat na "Between Two Empires"
ni Theodore Friend... "William Howard Taft with other American colonial
officials and some conservative Filipinos chose him (Rizal) a model hero
over other contestants - Aguinaldo too militant, Bonifacio too radical,
Mabini unregenerate."
# JOSE RIZAL - "The National Hero of the
Philippines" at tinawag din na "The Pride of the Malay Race." Ang
Amerikanong Governor General Howard Taft ay nagpanukala sa Philippine
Commission, noon taon 1901 na gawin "national hero" si Jose Rizal at
naglabas ng batas: Act No. 346 - which set the anniversary of Rizal’s
death as a “day of observance.” Ang dati namang US Governor General W.
Cameron Forbes ay nagsasabi... "It is eminently proper that Rizal should
have become the acknowledged national hero of the Philippine people.
Rizal never advocated independence, nor did he advocate armed resistance
to the government. He urged reform from within by publicity, by public
education and appeal to the public conscience"
...bakit dapat
na tawagin si Rizal na "The Pride of the Malay Race" hindi naman siya
taga Malaysia, malakas nga ang dugong Malayo sa ating mga Pilipino,
subalit upang lahatin ang buong lahing Malayo ay isang kamalian.
...bakit si Rizal ang pinilit ng mga kolonyalistang tanghalin natin na
national hero? Upang siya ay tularan at gawing idolo, sapagkat ang
kaniyang hangarin ay reporma, upang ang tulad nilang uring ilustrado ay
makapantay ang uring elite sa lipunan. Kinundima't tinalikuran ang
himagsikan at wala siyang adhikaing kabuuang kalayaan para sa bayan,
nakiusap na gawing probinsya ng Espana ang Pilipinas.
# EMILIO
JACINTO - "The Brains of the Katipunan." Tama ang sabi ni Gregoria de
Jesus, si Gat Emilio Jacinto ang dapat tanghalin na "Brains of the
Revolution" sila ng Supremo ang nagsimula ng himagsikan. Ang walang
humpay na kasipagan ni Gat Jacinto sa paggawa ng dokumento, paghakot ng
sasapi sa Katipunan, ang pagalaga sa arsenal, propaganda, pagpaplano,
pagsusulat ng mga artikulo at paglimbag ng pahayagang "Ang Kalayaan,"
ilan lamang sa marami pang gawain ng batang aktibista at dahil sa
kasipagang ito humina ang katawan, tuloy madaling kapitan ng sakit na
kaniyang ikinamatay ng maaga.
...ginamit ang bansag na ito
upang maliitin ang nagawang kadakilaan at kabayanihan ng henyong Gat
Emilio Jacinto. Hindi binigyan ng mga ilustrado/sajonista ng halaga ang
mapusok na makasosyalistang masang himagsikang Katipunan, upang itaguyod
ang taksil na umagaw sa himagsikan at liderato, ng ilustradong
pamahalaan ni Aquinaldo.
# APOLINARIO MABINI - "The Brains of
the Revolution" at "The Sublime Paralytic." ginawa ng naghaharing uring
ilustrado/sajonita na ang utak ng "himagsikan" ay si Mabini na kalihim
at tagapagpayo ni Aquinaldo at hindi si Emilio Jacinto. Sa ginawang ito,
pinalalabas nila na ang tunay na himagsikan ay ang "Ilustradong
Rebolusyonaryong Pamahalaan" ni Aquinaldo at hindi ang Katipunan.
...bakit kinakailangan pang ipagdiinan bangitin ang kapansanan at
sundan ng "Sublime," ang paralitiko ba'y hindi maaaring makapagisip ng
matino? Maraming na ingit nang ibigay ni Aquinaldo kay Mabini ang
tungkulin bilang Punong Ministro, bakit daw binigay pa ang tungkulin na
ito sa isang paralitiko. Galit na sumagot si Mabini... "Bakit ang
tungkulin ba ng Punong Ministro ay higit na kinakailangan ng mahabang
paglalakad at pagtakbo?"
# Emilio Aquinaldo - "The First
President of the Philippine Republic" ang titolong ito'y nararapat sa
Supremo Bonifacio. Matapos maitatag ng Supremo ang himasikang Katipunan,
itinatag din niya ang "Pamahalaan ng Haring Bayang Katagalugan" at sa
ilalim nito'y siya ang pangulo at may mga ministro. Maliwanag na
pinatatangkilik ng mga ilustrado/sajonista ang pamahalaang huwad ni
Aquinaldo at hindi ang himagsikan ng masang Katipunan at liderato ng
pamahalaan ng Supremo Bonifacio.
...mula sa bibig ni Aquinaldo sa
isang pakikipanayam sa kaniya... "The patriotism I speak of today will
be unchangeable. We took to the field, not because we wished for
separation from the mother country [Spain]. But because we are tired of
bearing the material and moral burden of that arch, the keystone of
which in our country is the friars.
It is quite true that the
Katipunan instilled in us another desire — that of independence — but
that desire was unattainable, and moreover, it was in opposition to our
sentiments. It served as the banner of Andres Bonifacio, a cruel man
whom I ordered shot, and with his death the Katipunan disappeared…”
—Emilio Aguinaldo, Interview with El Imparcial, December 27, 1897.
...bayani bang maituturing si Aquinaldo na isinuko ang himagsikan sa
Biak na Bato, ang himagsikang sinimulan, pinaghirapan, pinagbuwisan ng
buhay ng Supremo Bonifacio, ibebenta lang pala sa maliit na halaga
matapos ang ilang buwang pagkakaagaw ng liderato! Ang "Pack of Biak na
Bato" ay ginawang pista-opisyal pa ng mga ilustrado/sajonista tuwing
sasapit ang pagkakalagda ng pagsuko at pagbenta ng himagsikan ang araw
na ito, na nahinto lang ang pagbibigay halaga ng kapistahang ito noong
dekada 60.
...si Aquinaldo ay 'di dapat tanghaling bayani at
ihanay sa kadakilaan nila Bonifacio, Jacinto, Sakay, Ricarte at Mabini.
Si Aquinaldo ay isang politiko, lahat na lang ng sumakop sa ating bayan,
siya ay sumumpa sa bandila ng mga ito; Espania, Amerikano, Hapon at
pagakatapos ay sa Amerikanong muli.
# Gregorio del Pilar -
"Hero of the battle of Tirad Pass" papaanong magiging bayani si Del
Pilar, kung ang tunay na kasaysayan ay walang naganap na labanan sa
Pasong Tirad. Dalawang reporter ng diyaryo ang kasama ng sundalong mga
Amerikano at nagsulat ng mala-Hollywood na "digmaan" daw ng mga Gringo
at Del Pilar sa Pasong Tirad; John McCutcheon ng "The Manila Freedom" at
si Richard Henry Little ng Chicago Tribune, upang mabili ang kanilang
pahayagan at maipakita sa mundo ang kagitingan ng mga sundalong mga
Amerikano na nasa Pilipinas.
...ang tunay na pangyayari tugon
sa ibinigay na testimoniya ni Vicente Enriquez, matapat na kaibigan,
kababata sa Bulacan at pinagkakatiwalaan ni Del Pilar... "we passed the
night in the cabin on the peak. Around dawn (Dec. 2) we heared shooting
from Concepcion. At daybreak the general ordered me to go down to the
trenches to see what was going on. From the hilltop I saw American
troops resting below, their arms stacked up. Our soldiers told me our
position was impregnable. We all agreed we are winning the battle. I
returned to the peak where I left General Del Pilar, but on the way up I
saw him with Lieutenant Telesforo Carrasco & Vicente Morales &
the bugler. I told him what I have seen. The general quicken his pace on
learning that the Americans could be seen from a certain high point. We
arrived on the top of the trenches. Then we went to the hilltop where I
was & the moment we got there we heard renewed firing and saw our
soldiers giving battle. Our soldiers pointing their hands, warned Del
Pilar that the enemy was almost on top of us but could not see nothing
save an irregular movement of the cogon grass. So the general ordered a
halt to the firing. And erect on the hilltop to see & distinguish
the enemy. While he was doing this he was hit by a bullet. The general
covered his face with both hands & falling backward & diying
instantly. Always handsome & elegant."
...di natin masyadong
maunawaan ang pagkakasalin sa wikang ingles nang testimoniyang ibinigay
ni Enriquez, na isinulat naman ng mga sundalong Amerikano.
#
Gabriela Silang & Teresa Magbanua - "Joan of Arc of the Philippines"
sino nga ba ang dapat na tanghalin? Umiral na muli ang maka-macho
kalalakihan na manunulat ng ating kasaysayan, napakadaming nagawa ng
dalawang magiting na Pilipina at wala man lamang na maibansag sa
kadakilaan nila, kung hindi'y ihambing sa puting balat na babaing si
Joan of Arc.
...si Gabriela Silang ang nagpatuloy ng
pakikibaka, muling pinagbuklod at namuno sa naiwang himagsikan ng
kabiyak niyang si Diego Silang. Pinangunahan niya ang may bilang na
2,000 tauhan na karamihan ay mga Ilokanong kalalakihan sa
pakikipagdigmaan laban sa mga Kastila. Siya ay nahuli at binitay.
...si Teresa Magbanua ay sumapi sa himagsikan ng Katipunan. Laban sa
kagustuhan ng kaniyang kabiyak, si Teresa na noon ay isang guro, ay
iniwan ang pagtuturo, muling nakibaka at pinamunuan ang digmaan sa
Barrio Yoting, Capiz, laban sa mga Kastila. Ang kadakilaang pakikibaka
na ginawa ni 'Nay Isa, na kung siya ay tawagin ay isa sa pinakamahabang
pakikibakang naganap sa ating kasaysayan. Lumaban siya sa mga
konyalistang Kastila, Amerikano at Hapon.
# Miguel Malvar -
"The Last General to Surrender" hindi ba't ang tunay na huling heneral
na sumuko sa kasaysayan ng ating himagsikan ay si Macario Sakay? Kung
tutuusin, si Sakay ay di sumuko, siya ay nilinlang ng ilustradong
Dominador Gomez. Si Malvar ay sumuko sa itinakdang araw ng mga Amerikano
ng pagsuko, nang huwag mapasama sa mga naghihimagsik na Pilipino na
tatanghaling "tulisan" ng batas na "Ley Bandolerismo." Kaya't sa mata ng
Amerikano at mga ilustrado/sajonistang sumulat ng ating kasaysayan, si
Malvar ay "The Last General to Surrender" at si Gat Macario Sakay ay
isang bandolero o tulisan.
...kinakailangan ba na ipagmamalaki,
ikagagalak at isasama sa "kadakilaan" ang isang bayani na bansag ay
"the last general to surrender?" Sumuko na nga'y sikat pa? Hindi ba ang
pagsuko ay kaduwagan at pagkatalo? Ginawa ito ng mga kolonyalista at ng
historyador na sajonista upang gawing "reversed psychology" ang
pagdadakila at ang tunay na bayani na pinalalabas ay ang mga gringo at
hindi si Malvar!
# Pedro Paterno - "The Peacemaker of the
Revolution" ang nararapat na itawag sa kaniya ay "Ang Ama ng mga
Balimbing sa Pilipinas!" Si Paterno ay nanilbihan sa Kastilang cortes,
ang autor na kasama si Aquinaldo sa pagbebenta ng himagsikan sa Pakto ng
Biak na Bato, naging Punong Ministro ni Aquinaldo. Nang naging kolonya
ng Amerika ang Pilipinas, si Paterno ay nanilbihan sa kolonyal na
pamahalaan. Ang "Peacemaker" ay ibinansag sa kaniya ng kapwa niyang mga
ilustrado/sajonista, upang ang kanilang uring "balimbing" ay huwag na
matawag na taksil.
...Ang naging kabuuan ay ang pamumuno at
pinanggalingan ng ating pamahalaan ay nagmula sa umagaw ng liderato na
mga ilustrado at mga balimbing na sajonista na nagbaluktot ng ating
kasaysayan. Ito'y kanilang ginagawa upang iligaw ang ating pagiisip at
tanging uri lamang nila ang mamuno, makinabang, makapantay sa lipunan
ang sinasamba nilang imperyalista at gawing teritoryo ang ating bayan ng
mga kolonyalista. Hindi ba't sa bandang huli ang tunay na nagwagi at
nangyari ay ang minimithing adhikain ng ilustradong Jose Rizal?
Tunay na naglaho ang itinaguyod na Katipunan at Pamahalaan ng Haring
Bayang Katagalugan ng Supremo Bonifacio nang siya ay patayin at agawin
ang liderato ng taksil na Aquinaldo. Pinalitan ito ng ilustradong
himagsikan at pamahalaan, ito'y binago at dinagdagan pa ng neo-kolonyal
na pamahalaang Amerikano ni Quezon hangang kasalukuyang pamahalaan
natin. Ano ngayon ang pinagsasabi ng ating mga pulitiko na ang ating
Sandatahang Lakas at Pamahalaang Pilipinas ay nagmula sa Katipunan at
Pamahalaan ng Haring Bayang Katagalugan ni Gat Bonifacio? Wala ni
kaunting bahid ng Katipunan at ng "Kartilya ng Katipunan" na sinusunod,
prinsiyo, aral at pamahalaan ng Unang Pangulong Bonifacio na maaaninag
man lang sa ating neo-kolonyal na pamahalaan ngayon! Nakapandidiring
kasinungalingan at pagangkin ng kadakilaan sa naglahong prinsiyo at
konsepto ng tunay na Katipunan at kasaysayan! Lalo lang nadagdagan ang
kabobohan ng mamang na sambayanan na tigang sa tunay na kasaysayan ng
ating bayan at lahi!
- - ka tony
ika-10 ng Disyembre '12
Subscribe to:
Posts (Atom)