Sunday, July 7, 2013

Ika 7 ng Hulyo, 1892 ay kapangganakan ng KATIPUNAN sa sityo ng Binondo/San Nicolas




















Ang "La Liga Filipina" ay isang samahan na itinatag ni Jose Rizal sa bahay ni Doroteo Ongjuco sa calle Ilaya, Tundo noong Hulyo 3, 1892. Binubuo ito ng mga ilustrado na nais na maputol ang pang-aapi ng mga Kastila sa pamamagitan ng reporma at sa mapayapang pamamaraan. Subalit tatlong araw pa lamang matatag ang La Liga Filipina, si Rizal ay hinuli noong hapon ng Hulyo 6 at sumunod na araw, Hulyo 7, siya ay ipinatapon sa Dapitan, Mindanao.

Si Andres Bonifacio ay masigasig na magpapatuloy sana ng La Liga Filipina ng ito'y nagsanga sa dalawang panig. Ang konserbatibong "Cuerpo de Compromisarios" na mahigpit na sinununod ang mapayapang reporma na tulad ng layunin ng propagandang pahayagang La Solidaridad at ang isa nama'y ang radikal at mapusok na "Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan." Ito'y tinatag nila:

# Deodato Arellano - ang naging unang Supremo
# Andres Bonifacio - tagapamahala
# Ladislao Diwa - tagausig
# Teodoro Plata - kalihim
# Valentin Diaz - taga-ingat-yaman

Ang bahay na bato na may pulang tisa ang bubong, kung saan sinilang ang Katipunan ay isang adobeng aksesorya na pagaari ng pamilyang Oligario. May karatulang # 72, sa kanto ng calle Azcarraga at calle Elcano, kung saan naninirahan si Deodato Arellano na bayaw ni Marcelo del Pilar at tiyuhin ni Gregorio del Pilar. Dito madaliang nagtipon sina Andres Bonifacio, Valentin Diaz, Teodoro Plata, Ladislao Diwa at Jose Dizon, gabi ng Hulyo 7, 1892 matapos mabalitaan nilang hinuli si Jose Rizal at ipinatapon sa Dapitan. Sa bahay din na ito pinagkasunduan na sa pamamagitan ng armadong himagsikan lamang ang natatanging paraan na makapagpapalaya sa bansa. Ang bahay ni Deodato Arellano ang naging opisyal na kuta ng Katipunan, sapagkat siya ang natanghal na Supremo.

Nang magkaroon ng halalan ang Katipunan noong Pebrero ng 1893, ang opisyal na kuta ay nalipat sa calle Oroquieta na kung saan naninirahan si Emilio Jacinto. Si Roman Basa ang natanghal na Supremo at si Andres Bonifacio ay naging tagausig at noong Enero ng 1895, muling naghalalan at ang Katipunan ay isinaayos bilang pamahalaan at ito'y itinatag na muli
bilang "Pamahalaang Himagsikan ng Haring Bayang Katagalugan" at may sagang mga kabinete:

# Andres Bonifacio - Supremo/Pangulo
# Emilio Jacinto - Kalihim Pambansa
# Teodoro Plata - Kalihim ng Digmaan
# Briccio Pantas - Kalihim ng Paghuhukom
# Aguedo del Rosario - Kalihim ng Interior
# Enrique Pacheco - Kalihim ng Ingat-yaman

Lumipat man ang opisyal na kuta, ang orihinal na bahay na bato na sinilangan ng Katipunan sa kanto ng Azcaraga at Elcano ay nakatayo pa rin hangang dekada 1920. Dito'y nakapaskel sa may bintana na nagpapaalala sa kahalagahan ng mala-Andalusia bahay na mansion, ang karatulang gawa sa tanso at nakasulat sa wikang Kastila...

"El pueblo Filipino mediante, la durabilidad del bronce consagra y perpetua el valor historico de esta casa cuna de las revindicaciones populares donde el 6 de Julio de 1892 nacio para lugar y triunfar de liderazgo por Andres Bonifacio la muy Alta y muy Respitable Asociacion de los Hijos del Pueblo, El Katipunan."

(salin sa wikang Ingles)...
"Enshrines the Filipino people, through the durability of the bronze and the historical value of this perpetual house cradle of the popular vindications where on July 6, 1892 was born of triumphant leadership of Andres Bonifacio and place of the Highest and most Respectable Association of the Sons of the Land, The Katipunan."

Ang pamilyang Oligario ay ipinagbili ang bahay na bato sa pamilyang Insik na Chua. Ang pamilyang Chua naman ay ipinagiba ang bahay na ito, bago dumating ang panggalawang digmaan. Kasalukuyan ang orihinal na kinatatayuan ng sinilangan na bahay ng Katipunan ay isang gusaling may limang palapag, na isang bloke ang sinasakop, mula calle Santo Cristo hangang sa calle Elcano at Azcaraga. Sa kabutihang palad ang pamilyang Chua gayo'y ipinagiba ang orihinal na bahay, subalit minahalagang itinago ang orihinal na bronseng paskel na nakasulat sa wikang Kastila na nagpapatunay sa kahalagahan na kung saan sinilang ang Katipunan. Ito'y inihandog ni Gg. Frederick Chua sa Bonifacio Centennial Commission.

Maraming historyador at mga aklat pangkasaysayan na nagkamali na ang sityo ng Tundo ang siyang kuna o pinangganakan ng Katipunan. Ito'y malaking kamaliaan, ang calle Elcano at Santo Cristo ay sakop ng Binondo/San Nicolas at ang naghahati sa sityo ng Tundo at Binondo/San Nicolas ay ang calle Azcaraga, kung saan ang "Divisoria" na ibig sabihin sa kastila "dividing." Kaya't ang Divisoria ang naghahati sa Binondo/San Nicolas sa Tondo at ang Santa Cruz sa Tondo. Ang bahay na kung saan isinilang ang Katipunan ay ang sityo ng Binondo/San Nicolas!
- ka tony
ika 7 ng Hulyo '13