Thursday, July 14, 2016

Ang Masang Katipunan at ang French Revolution

















Ginugunita ang kahalagahan ng ika-14 ng Hulyo ng bansang Pransya bilang "Fall of the Bastille." Ang "Bastille Saint-Antoine" ay isang "medieval fortress" at bilanguan na dito kinukulong ang mga kriminal, may-sira ang ulo at ang mga burgesyang tulad nila: Voltaire, Marquis de Sade, atbp... na laban sa pamamalakad ng monarkya, dito'y na kulong din. Sinalakay ng magkasamang lakas ng masa at burgesya ang napakahirap pasukin at pasukuin na Bastille, subalit ito'y matagumpay na napasok at napasuko noong ika-14 ng Hulyo, 1789.

Umabot ng 107 taon pagkatapos ng French Revolution nasa distrito ng San Nicolas, arrabales ng Intramuros nagmamasid, pinagaaralan at nagpaplano sa binabalak din ng Supremo Andres Bonifacio na pasukin at pasukuin ang "medieval fortress" ng mga peninsulares sa Intramuros (Maynila). Inaalam kung kailan ipapadala sa Mindanao na kung saan ay may pagaalsa ang mga Muslim ang malakas na pwersa ng mga Kastila na nasa Intramuros, kung ano ang mabisang paraan upang pasukin at patayin ang kuryente na nagbibigay ng kuryente sa Intramuros ng La Electricista de Manila sa Quiapo na magbibigay din ng hudyat sa mga Caviteno na lumusob at paligiran ang Intramuros at kasabay din nito ang pagsalakay ng pangkat ng Supremo Bonifacio sa El Deposito sa San Juan del Monte upang makuha ang mga sandata ng mga Kastila na doon nakalagak.


Ang pinangalingang konsepto at idelohiya ng Masang Katipunan ng Supremo Bonifacio ay ang French Revolution na kaniyang pinagaralan at nagbigay diwa sa kaniya. Ang pinangalingan din ng konsepto, idelohiya at dyalektika ng Proletaryong Komonismo ni Karl Marx ay French Revolution at Industrial Revolution. Ang kabuoang layunin ng Masang Katipunan ay tulad din sa mithing layunin at sinigaw na "mantra" ng French Revolution "Liberte, Egalite, Fraternite" ("Kalayaan, Kapantayan, Kapatiran"). Ang orihinal na pinangalingan ng "Liberte, Egalite, Fraternite" ay mula kay Antoine-François Momoro isang manlilimbag ng mga aklat at ginamit naman ito ni Olympe de Gouges na pinahalagahan ang "Fraternite" para sa buong kababaihan sa Pransya upang makapantay ang mga kalalakihan sa pakikibakang himagsikan. Ganito rin kahalaga sa Supremo Bonifacio ang "Kapatiran" upang makapagbigay diwang pagkakaisa sa pakikibaka, kaya't ipinairal na tawagan sa kapwa Katipunero, ang "Kapatid" o "Ka" bago bangitin ang pangalan.


Nagsanhing inspirasyon naman sa French Revolution ay ang na unang himagsikang ginawa ng hilagang Amerika na dito napatunayan na ang makapangyarihan na sandatahang lakas ng kolonyalistang Britania ay maaaring pabagsakin ng kulang sa armas subalit nagkakaisang diwa sa layuning kalayaan ng mga taong bayan. Kaya't ng sabihin ni Rizal na kinakailangan ng maraming sandata at lubos na pagsasanay upang simulan ang himagsikan, ang sagot ng Supremo Bonifacio ay... "saan ito nabasa ni Rizal at anong himagsikan sa mundo na pumutok at ang mga nakikibaka'y handa na at marami nang sandata?"


...ang layunin sa paglunsad ng Masang Katipunan ng Supremo Bonifacio ay para sa:

a) ...kabuoang kalayaan ng Haring Bayang Katagalugan sa kolonyalistang Espania sa pamamagitan ng armadong himagsikan.
b) ...kunin, ibalik at ipaghati-hati ang mga lupa, kayamanan at ari-ariang kinamkam, inagaw, inilit at ninakaw ng mga prayle at Kastilang cortes mula sa mga mahihirap at mga magsasakang Katagalugan.
c) ...ibagsak ang eletistang lipunan na pinairal ng mga Kastila at itaguyod ang pantay na lipunan.

"...Andres Bonifacio, an employee of a foreign business house in Manila, was the leading spirit of the Katipunan; gathering his ideas of modern reform from reading Spanish treatises on the French revolution, he had imbibed also a notion that the methods of the mob in Paris where those best adapted to secure amelioration for the Filipinos. His ideas where those of a socialist and of a socialist of the French revolution type and he thought them applicable to an undeveloped tropical country, where the pressure of industrial competition is almost unknown and where with the slightest reasonable exertion, starvation may be dismissed from thought." 

- James LeRoy (adviser of Governor-General William Howard Taft)

"...The Katipunan came out from the cover of secret designs, threw off the cloak of any other purpose and stood openly for the independence of the Philippines. Bonifacio turned his lodges into battalions, his grandmasters into captains and the supreme council of the Katipunan into the insurgent government of the Philippines." 

- John R.M. Taylor (custodian of the Philippine Insurgent Records)

Napakalaking inspirasyon ang dinulot ng French Revolution sa Industrial Revolution. Dito'y napatunayan na ang makalumang paniniwala at kapangyarihan ng daynastiyang kapitalistang kamaganakan, simbahan, elit na lipunan at naghaharing uring monarkya ay maaaring masugpo at ihiwalay sa pamamagitan ng nagkakaisang kamay ng mangagawang industriyal sa ikabubuti ng sambayanan. Ito ang nagdulot ng diwa sa isipan ni Karl Marx sa kaniyang Communist Manifesto, para sa kapakanan ng "anak pawis" na proletaryong manggagawa, magsasaka at kahalagahan ng "surplus value" para sa kanila. Hinalintulad din sa French Revolution na sa pamamagitan lamang ng armadong proletaryong himagsikan laban sa pwedalismo, kapitalismo, kolonyalismo at imperyalismo, ang natatanging paraan upang makapagpundar ng pantay na lipunang Sosyalismo. Ang ginamit na paraan ng French Revolution ay walang hangang terorismo o "reign of terror" laban sa monarkya at aristokrat, maging ang paghatol ng malagim na kamatayang "guillotine" sa mga may sala na pinamalas ng mga naghimagsik sa publiko upang magsilbing aral, mapatunayan at maipatupad ang mithing layunin.


Ang Masang Katipunan ng Supremo Bonifacio ay kauna-unahang nasyonalismong himagsikan sa buong Asia, samantalang ang proletaryong manggagawa at magsasakang Komunistang himagsikan na nilunsad ni Lenin sa Rusya ay kauna-unahan sa sangkatauhan. Kaya't kung ipaguugnay ang dalawang himagsikan na nilunsad ng Supremo Bonifacio at ng bansang Rusya, ito ay binuo sa sinilang na nasyonalismo at proletaryong armadong himagsikan ng Communist Party of the Philippines na nagsimula nang magtipon ang mga magsasaka, masang manggagawa ng "Templo del Trabajo" at "Obrero Democratica de Filipinas" sa Plaza Morriones, Tondo noong ika-1 ng Mayo, 1903. Sila ay nagmartsa patungong Malacanan na kung saan nandoon ang American Governor-General William Howard Taft. Tila bandila ang taglay na mga larawan ng Supremo Andres Bonifacio ng mga nagsipagaklas na nagmamartsa. Ang pagaklas na ito'y nauwi sa kaguluhan tuloy ito ay pinaratangan na isang sidisyon, ginawang labag sa batas ang paggamit sa bandilang Pilipinas at pati larawan ng Supremo, na naging sagisag ng himaksikan, tuloy lalong nagpababa sa imahen ng Supremo bilang pangunahing pambansang bayani ng Pilipinas sa mata ng pamahalaang kolonyal.


Ang kataksilang pagpatay sa burgesyang Supremo Bonifacio, ay sa kamay din ng kapwa nilang burgesyang ambisyosong politiko ang kinawakasan ng buhay ng burgesyang Georges Danton at Maximilien Robespierre na nagpasimuno ng French Revolution. Ang French Revolution ay nagdulot ng magandang halimbawa sa buong mundo, sa idelohiya, pamahalaan, industriya at patakarang panglipunan at ang bansang Pransya ay nagkaroon ng matibay na diwang makabayan, inalis ang kapangyarihan ng monarkya, lipunang elit at simbahan, nagwakas ang pwedalismo at nakapagtatag ng hukbong lakas para sa sambayanan.


Sa isang banda, ang himagsikan ng Masang Katipunan ng Supremo Bonifacio ay inagaw ng mga taksil na ilustrado, ipinagbili sa kaaway sa Biak na Bato at sa bandang huli'y nakipagsabwatan sa bagong gringong kolonyalista upang mabigyan ang mga ito ng maliit na kapangyarihan sa kolonyal na pamahalaan. Ang gringong kolonyalista ay 'di tulad ng mga kolonyalistang Kastila na kung maaari'y huwag tangapin tayong mga indio sa kanilang itinaguyod na paaralan sa ating bansa na napakamahal ang twisyon, tuloy mga mayayamang ilustrado lamang ang may kayang makapagaral samantalang ang dukhang masa'y nanatiling mangmang. Ang kolonyalistang gringo'y sapilitan tayong pinagaral sa itinayo nilang "public school" o libreng paaralan at nilimbag na mga teksbuks, upang ituro at matutunan ang kanilang wika, kasaysayan at kultura na kasama sa kanilang "pacification program" na magsisilbing "brain washing program" upang ang ating puso at isipan manatili ang patuloy na proseso sa pagiral ng ating "colonial mentality." Siniraan at ginawang krimen ang idelohyang Sosyalismo at Komunismo upang madali nilang takutin ang lipunang may "amerkanong kaisipan" at maipagpatuloy ang kanilang imperyalistang militarismo at kapitalistang ekonomiya. Ginamit din ang paraang pananakot na ito sa mga mamamayan ng mga papet na pangulo lalo noong dekada 70 ng diktador marcos, hindi lamang upang takutin ang taong bayan, upang takutin din si Tiyo Samuel sa kunwa'y mabilis na paglaganap ng Komunismo at mga kaguluhang terorismo, ng sagayo'y ipagpatuloy ang pagsusuporta sa kaniyang diktadorya.


Subalit papaano nating mahihiwalay at maiiba ang diwa at kaluluwa sa iisang konsepto na pinangalingan ng masang pakikibaka ng Katipunan at Sosyalismo na ang pinagmulan ay ang French Revolution na ginawang basehan ng Supremo Bonifacio? Marami ng idineklarang kalayaan subalit wala pang naisagawa, naitatag, nakamit o natamong tunay na kabuoang kalayaan, sapagkat kinahihiya at natatakot ang sambayanan na matawag na Sosyalista o Komunista upang ipagpatuloy ang naputol na Sosyalistang Masang Himagsikan ng Katipunan, upang maipagpatuloy din ang naputol na uliran, banal at napakalinis na walang bahid ng korapsyon at kolonyalismo... Ang Pamahalaan ng Haring Bayang Katagalugan na tinatag ng Unang Pangulong Supremo Andres Bonifacio!

- ka tony
Bastille Day, ika-14 ng Hulyo, 2015