Maging isang pagsusuri sa sarili ang ibig sabihin ng "Pilipino Identity" Upang pasimulan papandayin ang bansang ganap na malaya, maunlad, mapayapa at makatarungan para sa lahat, sa ating mga anak at sa susunod na salin-lahi!
Wednesday, March 21, 2012
Ang Kombensyon sa Tejeros, ika 22 ng Marso, 1897
... ang KATIPUNAN ay nagsanga ng dalawang grupo sa Cavite; ang Magdiwang at Magdalo, ang dalawang ito'y hindi magkasundo. Ang pinuno ng Magdiwang na si Hen. Mariano Alvarez (ama ni Hen. Santiago Alvarez), ay tiyo ni Gregoria de Jesus. Sa hindi pagkakasundong nangyayari, inimbita ni Hen. Mariano Alvarez ang Supremo Andres Bonifacio sa Cavite upang ayusin at pagkasunduin ang sigalot ng dalawa grupong ito. Nang mabatid ito ni Emilio Aquinaldo na pinuno ng Magdalo, pinagkalat sa kaniyang mga kapangkat na ang Supremo ang "pinuno ng Magdiwang at si Hen. Alvarez ay ang kaniyang kanang-kamay. Pinaniwalaan naman agad ito, sapagkat ang Supremo at si Alvarez ay magkamaganak sa kasal. Dagdag pa sa paninira ni Aquinaldo, na pinalalabas ng Pangulong-Supremo na siya ay "Hari ng Bayan" at hindi ang nagsasaad sa mga papeles ng Katipunan na "Pangulo ng Haring Bayan" ("President of the Sovereign Nation"). Tuloy umiral ang galit ng mga Magdalo sa Supremo, na siya'y isa rin sa kung kanilang tawagin ay "ALSA BALUTAN" na ang ibig sabihin, mga Katipunerong taga ka-maynilaan na walang pinalunang digmaan at upang iligtas ang kanilang sarili, ang mga ito'y nagtungo na bitbit ang kanilang "balutan" sa Cavite upang mapabilang sa kanilang pagtatagumpay sa mga digmaan.
Noong Disyembre ng 1896 ang unang asemblya ng Magdiwang at Magdalo na ginawa sa Imus, Cavite. Ika-22 ng Marso, 1897 ang panggalawang pagpupulong ay isinagawa sa Casa Hacienda sa Tejeros, isang barrio ng San Francisco de Malabaon, Cavite, teritoryo ng Magdiwang, para sa pagkakasundo at pagkakaisa ng Magdiwang at Magdalo. Dito minungkahi ni Severino de las Alas na kalimutan na ang lihim na kapatirang Katipunan at magtatag ng pambansang pamahalaang himagsikan. Si Jacinto Lumbreras naman ay sumagot at tumutol na hindi na ito kinakailangan, sapagkat wala namang pagkakaiba sa Katipunan na may pangulo at pamahalaan nang naitaguyod. Ito naman ay pinatugunan ng Supremo Bonifacio at nagpasimulang pinaliwanag ang sinasagisag ng bandilang Katipunan. Halos hindi pa natatapos ang pagpapaliwanag ng Supremo'y sumabat ng wala man lamang paumanhin si Severino de las Alas at nagsabing... "Walang kinalaman sa usapang ito ang bandila. Ang pinaguusapan dito'y bagong pamahalaan!" Sabay na kaniya rin tinanong... "Anong uri ba ng pamahalaan mayroon tayo kasalukuyan, ito ba'y Republika o isang Monarkyal, na pinangugunahan ng isang hari?" sabay sa katanungang ito'y sumulyap ito sa Supremo.
Si Antonio Montenegro ay nagsabi naman na kahit anong tawag sa pamahalaan na mapagkakasunduan, ang mahalaga rito'y pagkakaisa ng himagsikan. Nagpatuloy si Montenegro... "sana ay kahit na Insurectos ang itawag o 'di kaya'y ang masaklap na Tulisanes!" Napatayo sa galit si Hen. Santiago Alvarez at sumigaw na... "Tayong rebolusyonaryong taga Cavite, lalong-lalo na ang grupong Magdiwang ay kinikilala at sumusunod sa pinasimulan ng Katipunan. Kung nais ninyo namang magtatag ng bagong pamahalaan na nararapat para sa inyo'y mangagsiuwi na lang kayo sa iyong probinsya at bawiin sa mga Kastila ang kanilang inagaw na mga teritoryo, tulad ng ating ginawa dito. Doon'y makapagtatatag kayo nang nais na pamahalaan at wala sa inyong makikialam. Kaming mga Cavitenos ay hindi nangangagailangan ng nangangaral sa amin!" Pagkatapos sabihin ito ni Alvarez, ang kaniya namang mga tauhan ay naghanda at hinawakan na ang kanilang mga baril at mga gulok. Sa pangyayari ito, tuloy si Lumbreras ay humiling ng isang oras na pagpapahinga sa nangyayaring mainitang pagpapalitan ng masakit na salita at ang paksa ay ipagpapatuloy ng Supremo matapos makapagpahinga ang lahat, ayon kay Lumbreras.
Ang sinadya doon na pagawat at pagkakasunduing sigalot ng Magdiwang at Magdalo ng Supremo ay nauwi sa walang balak at pinagusapang halalan. Ang pagtatalong kung anong uri ng pamahalaan ang ipapalit sa Katipunan, ang usapan ay nalipat sa pinagpipilitang halalan ni Severino de las Alas at pinasimulan ito agad sa ganap na alas 2:00 ng hapon, Bagamat laban sa kaniyang kalooban ang halalan ng magiging mga pinuno, ang Supremo'y sumangayon na rin at nagwika... "Atin pagkasunduan na tayo ay susunod sa kagustuhan at ihahalal ng nakakarami, ano man ang katayuan sa lipunan ng isang kandidato," sa sinabing ito ni-isa ay walang tumutol.
Ang nahalal na maging "El Presidente" ay ang "absentia" na pinuno ng Magdalo, Emilio Aquinaldo na habang naghahalalan sa Tejeros ito ay kasalukuyan nakikipagdigmaan sa Pasong Santol sa araw din ng kaniyang ika-28 taong gulang na kapanganakan. Si Severino de las Alas naman ay muling nagmunkahi na, huwag ng magbotohan pa para sa Pangalawang Pangulo, gawin na lang ang Supremo sapagkat ito'y nakatangap ng pangalawang pinakamaraming balota sa katatapos na halalan para sa pagkapangulo. Ang mga taong nasa halalaan ay nagwalang kibo at wala man lang sumangayon, kaya't pinagpatuloy ang halalan para sa pagkapangalawang pangulo. Hindi sukat akalain na si Mariano Trias pa ang nahalal bilang pangalawang pangulo, na nakatangap lamang ito ng pangatlong pinakamaraming boto kaysa sa Supremo at Aquinaldo sa nakaraang halalan bilang pagkapangulo.
Kasalukuyang nagdidilim na ang gabi, kaya't ang hiniling naman ni Baldomero Aquinaldo ay itigil na ang pagsulat at pagkokolekta ng mga balota. Pinagkasunduan na paghahatiang tumindig na lamang sa magkatapat na bahagi ng bulwagan ang boboto sa kanilang nais na mahalal na kandidato, upang ito'y maging mabilis. Nagpatuloy ang halalan sa hihiranging Kapitan-Heneral ng Hukbong Sandatahan, dito ang Supremo ay hindi nabangit ang pangalan. Bilang pagka-Direktor ng Digmaan, ang Supremo ay hindi pa rin napabilang, hangang sa pagka-Direktor ng Pangloob, dito ay saka palamang nahalal ang Supremo Bonifacio, kaysa kina; Mariano at Pascual Alvarez. Subalit si Daniel Tirona ay nagprotesta sa pagkakahalal sa Supremo, ito'y nagtungo sa gitna ng bulwagan at nagwika... "Mga kapatid ang tungkuling Director del Interior ay totoong malaki at maselan at hindi maaaring hawakan ng hindi abogado. Mayroon dito sa atin bayan isang abogado siya'y si Jose del Rosario, kaya't ating tutulan ang katatapos lang na nahalal na walang anumang katibayan ng pinag-aralan!" Sabay sumigaw si Tirona ng... "Ihalal natin ang abogadong si Jose del Rosario!!!"
Sa ginawang paghamak sa Supremo ni Daniel Tirona, ang Supremo ay tumayo, nagbunot ng pistola at babarilin ang nagtatakbong duwag na si Tirona. Mabuti't napigilan ni Hen. Artemio Ricarte ang pagbaril ng nangigigil sa galit na Supremo, habang si Tirona ay tumakbong mabilis at parang bulang nawala't nagkubli sa likod ng nakakaraming mga tao. Ang mga tao naman ay tila nawalan na ng gana sa nakitang pangyayari at ang karamihan ay nagsialisan na. Ang Supremo tinapos ang pagtitipon at ginamit ang kaniyang kapangyarihan, na ang halalan naganap at ang mga pinunong nahalal rin ay pinawalang bisa, dahil sa kaguluhan at dayaang nangyari. Pagkasabi nito ng Supremo, kaniyang nilisan ang bulwagan at sumunood naman sa kaniya ang mga tapat niyang Katipunero.
Ayon kay Hen. Artemio Ricarte at Hen. Santiago Alvarez, bago magkaroon ng walang planong halalan sa Tejeros, si Daniel Tirona ay nagkakalat na nang mga balita laban sa Supremo Bonifacio. Na ang Supremo ay isang Mason, na hindi naniniwala sa Diyos, walang relihyon at galit sa cruz. Ang Supremo daw ay isang espiya ng mga Aleman at bukod doon'y mayroong kapatid na babae na "querrida" ng pare sa Tondo. Ang Supremo raw ay ginagamit at ninanakaw ang pondong pera ng Katipunan. Ayon pa rin sa mga "memoirs" nila Hen. Artemio Ricarte at Hen. Santiago Alvarez, nang ipasa na ang mga balota ni Daniel Tirona sa mga depotado, ang mga balotang iyon ay mayroon ng mga nakasulat na pangalan ng kandidato. Isang ginoo na nagmamalasakit, Diego Mojica ay binalaan na ang Supremo sa dayaan na mangyayari, subalit hindi ito binigyan ng pagpapahalaga.
Bago maghalalan sa Tejeros, ang Supremo ay nagsabi na... "Atin pagkasunduan na tayo ay susunod sa kagustuhan at ihahalal ng nakakarami, ano man ang katayuan sa lipunan ng isang kandidato" subalit ito ay sinuway ni Daniel Tirona nang mahalal at manalo ang dating Supremo. Hindi ba't tama lang ang pagwawalang bisa ng Supremo ang halalang naganap kung ito'y tunay na hindi malinis, hindi patas, nagdayaan at mayroong pinapanigang kamaganak at kababayan? Laban sa loob ni Emilio Jacinto ang pagpunta ng Supremo sa Cavite at ang pinangagamba niya para sa kaniya ay nagkatotoo. Ang buong akala ng Supremo, ang samahang Magdiwang ay tapat sa kaniya at siya ay ipagtatangol. Hindi man lamang pinaglaban ang katayuan ng Supremo bilang nagtaguyod ng himagsikan at ng pamahalaang Katipunan, ang kaniyang pagkapinuno at sa nangyaring halalan ay iilan lamang ang bomoto sa kaniya mula sa grupong Magdiwang. Saan naroon ang napakadaming Magdiwang ng gawin ng Supremo ang "Acta de Tejeros," kasulatan na nagpapawalang bisa sa nangyaring dayaan at kaguluhan sa halalan, tuloy marami ang hindi nakapaglagda ng kanilang pirmadong pagpoprotesta. Nang hulihin ang Supremo, ang kapatid niyang si Procopio at dito rin pinatay ang kapatid nilang si Ciriaco, nasaan ang mga Magdiwang? Maging sa paglilitis na sidisyon laban sa Supremo, Procopio at Gregoria de Jesus, wala man lamang na tumistigo para sa kanila, samantalang ang tiyo ni Aling Oriang ay pinuno ng Magdiwang na si Hen. Mariano Alvarez. Wala man lamang nagtangkang pawalan sa pagkakapiit ang Supremo at Procopio at lalo naman walang nagtangkang Magdiwang na sagipin sa kamatayan doon sa bundok ng Maragondon sa magkapatid na Supremo at Procopio.
Ang mga nagwagi sa nahintong halalan, na di malaman kung paano at kung kailan ipinagpatuloy ay...
El Presidente - Emilio Aquinaldo
Vice Presidente - Mariano Trias
Capitan-General - Artemio Ricarte
Director de la Guerra - Emiliano Riegor de Dios
Director del Interior - Pascual Alvarez
Director del Estado - Jacinto Lumbreras
Director de las Finanzas - Baldomero Aquinaldo
Director del Commercio - Mariano Alvarez
Director del Justicia - Severino de las Alas
...lahat nang nahalal ay mga Caviteno, bukod kay Ricarte na Ilokano subalit naninirahan na nang matagal sa Cavite. Lahat halos ng nahalal ay mula sa grupo ng Magdiwang, sila Emilio Aquinaldo at Baldomero Aquinaldo lang ang nagwagi sa grupong Magdalo. Ang "dugo" pala ng Supremo ang nagsilbing "kalis ng pagtalik" o "blood compact" upang magkasundo at magkaisa ang Ilustradong Magdiwang at Magdalo. Mas matimbang pala at mas makapal ang Ilustradong dugo ng "CAVITISMO" kaysa sa dugo ng Supremo at ng masang Katipunan!!!
...sa isang banda, isang magandang aral ang mapupulot sa pangyayaring ito. Ang rebolusyonaryong Supremo ay pinagkanulo at iniwan ng mga kasama, pinagbintangan ng krimen at pinatay. Ganito rin ang nangyari sa isang rebolusyonaryong pinagkanulo rin ng mga kasama, pinagbintangan ng krimen at ipinako sa krus, mahigit na 2,000 nang taon. Ang pagkakamali sa ginawang pagkakapatay sa kanila, ay lalo lang nabuhay ang diwa ng idelohyang kanilang iniwan!
- - ka tony
ika 22 ng Marso 2012
Hi Ka Tony!
ReplyDeleteDo you have an email?
Hi Eric!!!
ReplyDeleteSo great to hear from you! Here's my email...
tonydonato11@gmail.com
This comment has been removed by the author.
ReplyDelete