Monday, July 9, 2012

Happy "Filipino-American Friendship Day... daw"











Ang unang "Araw ng mga Manggagawa" o Labor Day ay naganap noong ika-1 ng Mayo, 1903. Ang mga manggawang kasapi ng Union Obrero Democratica de Filipinas at magsasaka ay nagsipagaklas, nagtipon sa Plaza Moriones, Tundo at nagmartsa, patungo sa Malacanan na kung saan nandoroon ang American Governor-General William Howard Taft. Ang ginawang pagaaklas ay ang paghiling upang maipabuti ang mga kalagayan sa mga pagawaan at ang kalayaan ng Pilipinas sa kolonyalistang Amerikano. Tila bandila ang mga larawan ng Supremo Andres Bonifacio na taglay ng mga nagsisipagaklas at kung ihahambing sa ngayo'y mga demonstrasyon ay larawan ni Che Guevara.

Ang ginawang pagaklas ay nauwi sa "riot," tuloy ito'y pinaratangan na sidisyon at ginawang labag sa batas. Ang larawan ng Supremo na naging sagisag ng himaksikan ay lalong nagpababa sa imahen ng Supremo bilang pangunahing pambansang bayani ng Pilipinas sa mata ng mga kolonyalista. Ang mabilis na pangyayari ito'y simula nang pagkakatatag sa Partido Komunista ng Pilipinas.


Nang sakupin ng mga Hapones ang Maynila, si Gen. Douglas MacArthur, Manuel Quezon at kasama ang kanilang mga pamilya ay tumakas patungong Australia, sa takot ng mga itong mabihag ng mga Hapones. Iniwan bigla ni MacArthur ang kaniyang responsabilidad at kapanyarihan sa dating Brigadier General na si Jonathan M. Weinwright, kasabay na itinaas ang katungkulan nito pansamantala upang maging Allied Supreme Commander bilang "scape goat" sa kasiguraduhang pagsuko at pagkabihag ng mga opisyal at pwersang Amerikano sa mga Hapon.


Ano at ito nga ay nangyari; naging "Open City" ang Maynila, isinuko ang Bataan, Corregidor at ang kolonyang Pilipinas, nabihag si General (temporary, until the return of MacArthur) Jonathan Weinwright, kasama ng kaniyang mga opisyal, at USAFFE (United States Armed Forces in the Far East). Sa pagsukong ginawa ng Amerika at ang pagkatalo ng sandatahang lakas ng Amerika sa Pilipinas, ang nagpatuloy ng digmaan at lumaban ng puspusan sa mga Hapon ay ang sosyalistang HUKBALAHAP (HUKbong BAyan LAban sa HAPon), sa pamumuno ni Ka Luis "Alipato" Taruc (Supremo), Castro Alejandrino, Bernardo Poblete at Felepa Culala aka "Dayang-Dayang" at ilang makabayan na mga Pilipino. Inilunsad nila ang matagumpay na "guerrilla warfare" lalong-lalo na sa Gitnang Luzon. Walang tulong na nakuha ang mga HUKBALAHAP sa mga Amerikanong na lahat halos ay nakabihag at ang iba namang nakatakas ay kasama-sama nila sa pagpulot ng mga sandata upang magamit at pakikipagdiman sa mga Hapon.


Nagwawagi na ang HUKBALAHAP nila Ka Luis Taruc, laban sa mga Hapones nang bigla na lamang dumating ang mga Amerikano sa Leyte sa panguguna ni MacArthur at tumuloy ito ng Maynila. Ang maayos at napakagandang Maynila na tinawag na "The Pearl of the Orient" ay nabilang na pangalawang lunsod sumunod sa Warsaw, na lubhang napinsala at pinaka-na-durog sa katatapos na digmaang mundial. Ang pagkakadurog ng Maynila ay dahilan sa walang humpay na pagbobomba, pagkakanyon, pagsusunog na mula sa mga flame thrower, pagsasagasa mula sa mga naglalakihang tangke sa bawat madaanang pader na humahalang dito, mga mortal at granada ng mga Amerikano laban sa mga nagsisitakas at sumusukong mga Hapones sa kamaynilaan.


Ang pormal na pagsuko ng Hapon noong Septiyembre 2, 1945, ay naging katapusan ng pangalawang digmaang mundial sa Pasipiko. Noong Hulyo 4, 1946, mayroon pa lamang 10 buwan ang nakakaraan ay "hinandog" ni Tiyo Samuel sa Pilipinas na kaniyang kolonya, ang ating "kalayaan." Sa pagkakabigay na kalayaang ito sa Pilipinas, ay solong binalikat ang gastusing pagsasaayos sa mga napinsalang mga pambansa at pribadong gusali, paaralan, simbahan, ospital, parke, plaza, lansangan, museo at aklatan na naglalaman ng mga makasaysayang mga bagay at aklat.


Sa ginagawang puspusang pagtulong at pagpapaayos ni Tiyo Samuel sa kaniyang dating kaaway na bansang Hapon, napilitang hilingin at ipaalala ang pangako ni Presidente Roosevelt... "babayaran ng Amerika hanggang sa kahuli-hulihang baboy na mapipinsala ang bawat Pilipino, na kanilang iniwan na lang bigla at magisang lumaban sa Hapones," sa bayang Pilipinas na dati nitong kolonya. Nararapat lang na magbigay ang bansang Amerika nang pangakong "war reparation" sapagkat marahil kung hindi nagtataglay ng base militar ang Pilipinas ng kaniyang kolonyalista, maaring hindi tayo sinakop ng mga Hapon na matagal na nating kaalyado noong panahon pa ng mga Kastila. Ang mga sinakop na mga bansa at lugar ng mga Hapon ay ang mga kolonya, teritoryo ng bansang Amerika at ang mga kaalyado niyang mga bansang Britaniya, Pransiya at Holandiya.


Ang pagmamakaawang paghiling ng "war reparation" sa Amerika na umabot nang halos 20 taon, hangang 1965 sa huling taon ng kapangulohan ni Macapagal. Ang dating pangulo sa tila paglilimos na ginagawa sa Amerika, na inis at tuloy binago ang ating pagdiriwang ng araw ng kalayaan sa kinaugaliang Hunyo 4 na "hinandog" ni Tiyo Samuel, sa Hunyo 12 na deneklarang kalayaan ni Aquinaldo noong 1898. Noong Mayo 1956, ang Pilipinas ay tinangap ang halagang 550 milyong dolyares mula sa bansang Hapon bilang "war reparation" na babayaran sa loob ng 20 taon. Subalit ang "war reparation" na hinihingi kay Tiyo Samuel ay binaon sa limot mula noong kapanahunan pa ng diktador marcos.


Bakit tila lagi na lamang paulit-ulit ang "The End" ng mala-penikulang Hollywood ang pagdating ng "bida" sa pagsagip sa bayan? Magisang nilabanan ng mga Hukbalahap at mga magigiting na mga taong bayan ang mga Hapon, nagwawagi na, bakit biglang dumating na naman ang "bida?" Sumusuko at tumatakas na ang mga Hapones, ano at bakit pa pinagbobomba!???

...at pagkatapos ay inangkin at inagaw na muli ang ating tagumpay, sa Intramuros din na lugar - na kung saan, 9:35 ng umaga, Agosto 13, 1898 nangyari ang - "Mock Battle of Manila" dito rin nila inagaw ang tagumpay ng himagsikang Pilipino!!!

Tunay na kahabag-habag ang paulit-ulit at malupit na kasaysayan ng ating bayan, paulit-ulit na pagdaraya, pagaagaw nang tagumpay. Kasaysayan na hindi pinagaaralan, hindi binibigyan ng saysay!
- - ka tony
the 4th of July, 2012 

No comments:

Post a Comment