Friday, December 9, 2011

Indio/Tagalog - Ilustrado/Sajonista



















...upang lubos na maunawaan ang pagkakaiba ng iba't ibang sanga ng lipunan noong panahon ng pananakop ng mga Kastila, Amerikano at kaugnay na kasaysayan nito, narito ang pagliliwanag.

"Indio/Tagalog - Ilustrado/Sajonista"

Sa lahat ng naging kolonya ng Espana, Pilipinas lang ang bukod tanging masang lipunan "Indio/Tagalog" ang nagtaas ng kanilang kamao at sinimulan ang himagsikan laban sa kolonyalistang Kastila. Ang kolonyang Mexico mismong mga Kastila at Creoles na ipinanganak doon at Mestizos ang siyang nanghimagsik at humiwalay sa "Madre Espana," ganoon din ang nangyari sa Sur America na tuloy ipinaghati-hati ang kontinente sa iba't ibang bayan. Ang triangulong hagdanan ng lipunan noong panahon ng mga Kastila sa Pilipinas ay pinanggugunahan sa itaas ng mga sumusunod:

1) PENISULARES - Kastilang naninirahan sa kolonyang Pilipinas na ipinanganak sa Espania
2) INSULARES/FILIPINO/CREOLES - mga anak ng purong Kastila na ipinanganak sa Pilipinas
3) MESTIZO - Anak ng isang Kastila at Indio
4) INDIO/TAGALOG - purong dugong Pilipino o Katutubo
5) SANGLEY - Insik

Ang Peninsulares ang taging bahagi ng lipunan na maykarapatang manirahan sa loob ng Intramuros, na noon ay ang kabuoang Lunsod ng Maynila, ito rin ay opisyal na probinsya ng Espania at kapital na lunsod ng kolonyang Filipinas. Ang Insulares naman ay tanging maykarapatang tawaging "Filipino" at sa bandang huli'y ginamit na rin ng mga Mestizo, subalit ang Indio o Tagalog ay gamit lamang para sa mga katutubo ng kolonyang Filipinas. Ang gamit ng Supremo Bonifacio hangang kay Macario Sakay ay "Tagalog." ang paliwanag ng Supremo dito'y... "Sa salitang tagalog katutura’y ang lahat nang tumubo sa Sangkapuluang ito; sa makatuid, bisaya man, iloko man, kapangpangan man, atbp... ay tagalog din." Maging ang pangalan ng ating bayan "Filipinas" ay ayaw gamitin ng Supremo Bonifacio sapagkat ito'y kolonyal na pangalan. Ang gamit ng Supremo hangang kay Heneral Sakay ay "Haring Bayang Katagalugan" ("Sovereign Nation of Katagalugan"). Ginamit na lamang ang pangalang "Filipinas" at "Filipino" ng itatag ng ilustradong himagsikan ni Aquinaldo ang kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898 at opisyal na pinagamit matapos ang Kongreso ng Malolos.

Maraming hindi nakakabatid na karamihan sa mga "Kastila" na nagtungo sa Pilipinas ay hindi purong Kastila ng Espana kung hindi mga Mexicano, tulad nila; Labezares, De Sande, Goiti, Salcedo, Urdaneta atbp... Dahil sa "Spanish Inquisition" ang mga Kastilang Muslim at Hudyo ay nangagsilisan at nagibangbayan, karamihan sa kanila ay nakipagsapalaran, naging marino at nanatili sa kolonyang Amerika. Pati na rin ang mga iba't ibang etniko na Basco, Catalan at Gallego na nais ay humiwalay sa Espana at autonomo ang nais sa kanilang sakop na bayan, karamihan din sa kanila'y nilisan ang Espana. Karamihan sa mga etnikong nagnanais ng autonomo na nagtungo sa Mexico at napapunta sa Pilipinas na naging Gobernador Heneral ng Filipinas, na mga Basco - Legazpi, De Echevarri, Sarrio, Equia, Escudero, Echague, atbp... Ang mga Catalan - De Guzman, Cramer, Despujol, atbp... Ang mga Gallego - Dasmarinas, Tabora, atbp... Karamihan sa kanila'y tinago ang tunay nilang pagkatao, pinalitan ang tunay nilang pagkatao, pangalan, pananampalataya ng dumating at nananirahan sila sa Central at Sur America. Sa kolonyang Amerika patuloy ang diskriminasyon sa kulay ng balat, kaya ang bawat baytang sa hagdanan ng lipunan ay may kategorya at tawag. Hindi tulad sa kolonyang Pilipinas na lima lamang ang triangulong hagdanan ng lipunan. Sa kolonyang Mexico na pinangaligan ng karamihan na mga akala nating mga Kastila, napakaraming baytang, katergorya at tawag sa kanilang lipunan:

1) MESTIZO - Kastila at Indian
2) CASTIZO - Mestizo at Kastila
3) ESPANOL - Castizo at Kastila
4) MULATTO - Kastila at Itim
5) MORISCO - Mulatto at Kastila
6) ALBINO - Morisco at Kastila
7) SALTAPATRAS (tumalong pabalik) - Albino at Kastila
8) CHINO (kulot na buhok) - Saltapatras at Indian
9) LOBO - Chino at Mulatto
10) JIBARO (kalawang) - Lobo at Mulatto
11) ALBARAZADO - Jibaro at Indian
12) CAMBUJO - Albarazado at Itim
13) BARCINO (pula) - Albarazado at Mulatto
14) NOTENTIENDO (hindi maintindihan) - Albarazado at Indian
15) COYOTE - Barcino at Mulatto
16) CHAMIZO - Coyote at Indian

Ang Plipinas ay napakalayo sa Europa, naging madaling marating na lang ito ng buksan ang maikling daang at gawin ang Suez Canal sa Ehipto patungong Europa. Naging madali, mabilis at naging mura ang paglalakbay sa Espana, tuloy ang mga Ilustradong tulad nila Rizal ay nakapagaral sa Europa. Subalit bago nabuksan ang maigsing daan sa Suez Canal, ang kurap na Galleon Trade ay nasa sukdulan na kabuktutang pagyaman. Ang pagpapadala at pagbebenta ng mga kalakal na gawa at galing sa Silangang Asia sa Acapulco, Mexico, ang mga ito'y munang ibinabagsak at nilalako, bago ang iba naman nito'y dinadala pa sa Vera Cruz, silangan ng Mexico, na ipinapadala naman sa Espana, sa pamamakigatan ng dagat Atlantiko. Kaya naman ang "Caribbean pirates" ay lumaganap at nasimulan ang "slave trading," ang pagpapalitan ng naagaw na kalakal mula sa galleon ng Kastila, para sa ginto at salapi, asukal, molasses, rum at tabako mula sa Cuba, kapalit sa mga Aprikanong alipin sa kanlurang Aprika. Tanso, "beads," bulak, na galing Aprika at ibang kalakal na galing Cuba ay pinagbibili naman sa Europa. Ang mga Aprikanong alipin, salaping kinita sa Europa ay pinagpapalit at ginagamit na puhunan para sa asukal, molasses, rum at tabako sa Cuba. Ang maunlad na "Transatlantic Slave Trade" na ito'y sinimulan ng pusakal na piratang si Francis Drake, na ginawang "knight" ni Reyna Elizabeth ng Inglatera, tuloy naging "Sir Francis Drake" ang dating pirata na walang tigil sa pagsasalakay ng mga Manila Gelleon, lalo na ang pinakamayamang Manila Galleon "Nuestra Senora de la Concepcion" na matagumpay niya at ang barko niyang "Golden Hind," na salakay at ninakawan.

Ang mga Peninsulares, Insulares/Filipino at mga Mestizos ay walang interes sa kalayaan ng Pilipinas, himagsikan o humiwalay sa "Madre Espana," ang Espana naman ay walang pakialam sa nangyayaring kurapsyon ng "Galleon Trade" habang ang kolonyang Pilipinas ay nagbibigay sa kanila ng buwis, isa pang dahilan ay sapagkat ang mga Mexicano ang nagpapatakbo ng pamahalaan ng Pilipinas at ang ekonomiya nito. Ang pamahalaang Cortes ng kolonyang Filipinas, simbahan, mga Peninsulares, Insulares/Filipino, mestizong Kastila at Insik (Sangley) ang nangagsiyaman sa kurap na pamamaraan ng "Galleon Trade." Ang mga "Indio/Tagalog" ay pawang naging mga alipin sa kanilang sariling bayan.

Ang mayayamang mga Ilustrado na nakapag-aral at nakita ang tunay na kabuhayan ng mga Kastila sa Espana, sa kanilang pagbalik sa Pilipinas ay hindi naiba ang pagtrato at tawag sa kanila bilang "Indio/Tagalog" ng mga Peninsulares, Insulares/Filipino at Mestizos. Kaya naman ang mga Ilustradong tulad ni Rizal ay nagsikap na magkaroon ng reporma para sa tulad nilang mga Ilustrado na makapantay sa lipunan ang mga ito, hindi tulad ng masang Indio/Tagalog na naghimagsik para sa kalayaan ng buong kapuluan laban sa koloyalistang Kastila, ang mga Ilustrado'y humihiling ng reporma para sa kanilang uri at nais na maging probinsya ang Pilipinas ng "Madre Espana."

Malaki ang paghanga ni Bonifacio sa sinimulan ni Rizal na "La Liga Filipina" na nagmula sa "La Solidaridad," tuloy si Bonifacio dito ay sumapi. Ang mga orihinal na kasapi rito'y unti-unting nagsipagkalas, dahilan sa magkakaibang prinsipyo, paniniwala at tungalian ng talino. Tuloy nagsanga ang La Liga Filipina; ang konserbatibong "Cuerpo de Compromisarios" at ang mapusok, malasosyalista at armadong himagsikang masang "Katipunan." Ang lihim na masang Katipunan at ang pamahalaan nito'y pinundar sa isang bahay sa kanto ng calle Elcano at Azcarraga, na ang layunin ay...

1. Kunin, ibalik at ipaghati-hati ang mga lupa, kayamanan at ari-ariang kinamkam, inagaw, inilit at ninakaw ng mga Prayle at mga dayuhang Kastila sa mga mahihirap at mga magsasakang Pilipino.

2. Kalayaan ng Pilipinas mula sa mga Kastila at iba pang kolonyalista.

3. Ibagsak ang eletistang lipunan na pinasimulan ng mga Kastila at itaguyod ang pantay-pantay na lipunan.

Ang mga Ilustrado tulad nina Rizal, Luna, Lopez Jaena, Marcelo del Pilar at iba pa ay mga Pilipinong naka-aangat sa kahirapan at karamihan ay nakapag-aral sa Europa, ang iba naman ay mga "Penisulares/Filipino/Creoles" tulad ni Luna, ang kanilang simpatya ay sa Madre Espania. Sa katunayan, si Antonio Luna na creole ay isa sa mga nagsumbong sa mga Kastila sa lihim na samahang Katipunan, isa rin ay ang Cura Paroco ng Tondo si Padre Mariano Gil. Sa bandang huli na lang sumapi si Luna sa ilustradong himagsikan ni Aguinaldo nang ating kadigma na ay ang mga Amerikano. Ang layunin ng mga Ilustrado ay reporma at kanilang kinundima ang himagsikan, sapagkat hangad ay kanila lang pansariling kapakanan, kayamanan at interes na magkapuesto sa pamahalaang Kastila. Subalit nang hindi sila kilalanin ng mga "elitistang lipunang Kastila" at himagsikan ay pumutok na, ang mga Ilustrado'y walang mabalingan, ang mga ito ay napilitang makibaka na rin sa himagsikan na sinimulan ng masang Katipunan ni Bonifacio. Subalit ang mga ito ay tumatanggi na mapasailalim sa isang masang pinuno o opisya, nais nila na sila ang mamuno, tangalin o asasinahin ang mga kasalukuyang masang Tagalog na mumuno dito. Si Rizal nang siya ay pinatapon ng mga Kastila sa Dapitan, ay kinundima ang himagsikan at tinangihan ang paanyayang tatanghalin siyang pinuno ng Katipunan, siya ay nagprisinta sa Kastilang Cortes na maging manggagamot sa mga sugatang sundalong Kastila sa nangyayaring himagsikan sa Cuba.

Nang maging kolonya tayo ng Amerika, sinimulan naman nila ang kampanyang "Benevolent Assimilation" o "pacification program" para sa kanila... "to win the hearts & minds of the people." Tulad ng mga kolonyalistang Kastila, sila rin ay nagpatayo ng paaralan, subalit ang pagkakaiba nito sa tinaguyod na paaralang Kastila, ay pagtatayo ng "American educational system" at pagpapadala ng mga gurong puti na kung tawagin ay "Thomasites." Ang kanilang tungkulin ay magturo, sanayin din ang mga lokal na may potensyal na maging guro ng elementarya sa itinatag na paaralang pangpubliko ng Estados Unidos upang sanayin sa pagtuturo, pagsasalita, pagbabasa sa wikang Ingles, kultura at kasaysayan ng Amerika. Ipinagamit na mga aklat pangpaaralan ay ang mga sinulat ng mga autor na Amerikano at mga taksil sa Katipunan na mga ilustradong opisyal ni Aquinaldo na naging "sajonista" (katagang nanggaling sa "anglo saxon" o "anglo sajon" sa Kastila, at ang mga tuta ng mga "anglo sajon" na Pilipino ay "sajonistas"). Unti-unti tayong hinuhulma na maging "brown american" ngunit isang "inferior american." Ang mga tunay na bayani natin tulad nina Macario Sakay na pinag-patuloy ang himagsikan laban sa kolonyalistang gringo ay ipinalabas nilang mga "bandolero" o mga tulisan.

Bahagi ng "benevolent assimilation" ng pamahalaang Amerikano ang pagpili kay Jose Rizal na maging "National Hero" ng ating bayan, isang ulirang bayani na "peace loving Filipino" dahil nga't tumangi siya sa himagsikan na hindi tulad ng "mapusok na terorista at rebeldeng" Bonifacio sa mga mata ng kolonyalista. Tuluyang na "brain wash" tayo na "peace loving people" at tayo nama'y naniwala, kahit hirap na hirap na pinagsasamantalahan ng mga kolonyalista at ibang dayuhan. Mula 1898 hanggang sa lutong pakana ng CIA na "peaceful people power" ang "puppeteer" na si Tiyo Samuel ang nagpapatakbo sa ating "puppet" na pamahalaan.
- - ka tony -ika 4 ng Hulyo, '11
*ang larawan sa itaas ay orihinal na bahay sa kanto ng calle Elcano at Azcarraga na kung saan pinundar ni Gat Andres Bonifacio ang Katipunan.

3 comments:

bing said...

hi, bloghopped from eric.

your blog is interesting. puno ng impormasyon ukol sa bansang Pilipinas. sana ay maraming Pilipino ang makatuklas ng blog mo. napakarami pa ring bagay na dapat matutunan.

ka tony said...

Maraming salamat Bing! Salamat rin sa pagpasyal sa aking websayt at pagiwan ng pagpuna. Ang adhikain ng aking blogsite ay ihayag ang tunay na kasaysayan ng ating bayan na malaong itinago sa mundo lalo na sa ating mga Pilipino ng mga kolonyalistang mananakop ang tunay na kasaysayan ng ating lahi, upang sa ganoon ay mapagtakpan ang kanilang ginawang mga krimen, pagnanakaw nang likas ng ating bayan, pagangkin nang tagumpay, pagbura sa ating isipan nang katutubong kultura at pagalipusta sa ating onor.

Sana'y maraming tulad mong kabataan na maypaki sa ating kasaysayan.

Unknown said...

Napaka ganda napakalinaw ng mga katagang binigkas sa blog na ito napakarami kong natutunan at nalaman na hindi ko natutunan at natuklasan sa iskwelahana salamat sa impormasyon