Maging isang pagsusuri sa sarili ang ibig sabihin ng "Pilipino Identity" Upang pasimulan papandayin ang bansang ganap na malaya, maunlad, mapayapa at makatarungan para sa lahat, sa ating mga anak at sa susunod na salin-lahi!
Sunday, November 23, 2014
Kaunting Bato, Kaunting Semento Monumento at Ano Ang Sagisag Nito?
Nais kong bigyan ng pagpuna ang bantayog na dinesenyo ng maestro Guillermo Tolentino para sa Supremo Bonifacio na punong-puno ng kahulugan. Nais ko rin ihambing ang bantayog ng Supremo na ang tanging layunin ay para sa buong kalayaan ng Haring Bayang Katagalugan, sa monumento ni Rizal na ang hangarin ay reporma sa abusadong mga prayle ng simbahang Katoliko at sa pamamalakad ng Kastilang cortes.
# ...maestro Guillermo Tolentino, lokal na eskulptor ang siyang nagdesenyo ng bantayog ng Supremo Bonifacio. Isang naman istranhero Suwisong esculptor, Richard Kissing ang nagdesenyo sa monumento ng ilustradong Rizal.
# ...punong-puno ng kahulugan ang bawat sulok ang bantayog ng Supremo. Kompara naman sa wala ni ano mang kahulugan ang monumentong "“Motto Stella (Guiding Star) ni Rizal bukod sa tatlong tala na sumasagisag ng Luzon, Bisayas at Mindanao.
# ...ang imahen ng Supremo ay inihulma ng maestro Tolentino sa mukha ni Espiridiona Bonifacio, taging nabubuhay na kapatid ng Supremo noon. Bilang isang esperitista, si maestro Tolentino ay tinawag ang espirito ng Supremo upang bigyan siya ng pahintulot at maalinaw ang kaanyuhan ng bayani. Ang imahen ni Rizal ay itinulad ng eskulptor na Richard Kissing sa napakaraming mga larawan ng sikat na ilustradong Rizal.
# ...sa bantayog ng Supremo siya ay may hawak na baril at tabak na nagsasagisag na taging armadong himagsikan lamang matatamo ang kabuoang kalayaan ng ating bayan laban sa kolonyalismo. Si Rizal ay ipinakitang may hawak na dalawang aklat na kaniyang sinulat at ibinunyag ang pagaabusong at kalupitang ginawa ng mga prayle at pamahalang cortes.
# ...ang namuno upang maitayo ang bantayog ng Supremo ay ang kasamang Katipunero at tapat na kaibigan niyang Guillermo Masangkay. Ang humiling na magtayo ng monumento ni Rizal ay ang United States Philippine Commission at ginawa naman itong batas Act No. 243 ni Governor-General William Howard Taft.
# ...ang bantayog ng Supremo ay nasa masang lugar ng Balintawak na kung saan ang daanan araw-araw ng mga manggagawa na pumapasok sa kanikanilang pinagtatrabahuhan. Ang pinagtirikan ng bantayog ng Supremo sa Balintawak ay isa sa pinaniniwalaan na kung saan ginanap ang "Unang Sigaw" bilang simula ng armadong himagsikan para sa ating kabuoang kalayaan. Ang pinagtatayuan ng monumento ni Rizal ay isang parke na pangturista, na dati'y napakaraming makabayan, bayani ang pinatay at nagbuwis ng kanilang buhay, Bagumbayan o Luneta subalit ang lugar na ito'y ipinangalan na Rizal Park, alay sa pangunahing bayani na pinili ng mga kolonyalistang Amerikano para sa atin. Dito rin inilipat, inilibing ang labi ni Rizal at dito rin ginaganap ang taon-taong selebrasyon ng ating pekeng kalayaang deneklara ng taksil na Aquinaldo.
# ...ang imahen ng Supremo sa kaniyang bantayog ay nakatingin sa pinagmulan niyang masang Tondo, na tila naghihintay sa kung sino ang magpapatuloy sa kaniyang naputol na masang himagsikan. Ang imahen ni Rizal sa kaniyang monumento ay nakaharap at nakatingin sa malayong dagat na tila nais na muling maglakbay at iwanan, talikuran na muli ang bayang punong-puno ng suliranin, kaya siguro mayroong nagbabantay na sundalo sa kaniyang monumento.
...taong 2011 ang Rizal Park ay lalong pinaganda at muling binigyan ng panibagong pangaalaga ng National Parks Development Committee, tulad ng Dancing Fountain, Flower Clock, ang Noli Me Tangere Garden at ang Luzviminda Boardwalk, para sa ika-150 selebrasyon ng kapanganakan ni Jose Rizal. Kamakailan ay binigyan ng malaking pagpuna ng media at mga mamamayan tungkol sa isang mataas na gusaling itinatayo na nakakasira raw sa paningin sa monumento ni Rizal.
Ang bantayog ng Supremo Bonifacio sa Balintawak ay tila uling sa dumi dahil sa makakapal at malagis na usok ng mga nagdadaanang sasakyang pampubliko. Ito'y napapaligiran ng malalaswa at bayolenteng mga nagtataasang billboard ng mga sinehan. Natatakpan pa ito ng napakataas at napakaingay na LRT, tuloy hindi na makita ng Supremo ang kaniyang pinagmulang masang Tondo. Kaawa-awang Supremo, inagawan na ng liderato, pinatay ng pataksil ng mga mapulitikong Magdalo, inaagawan pa ng mga kabayanihang titolo! Subalit tulad mo, hihintayin namin ang susunod na "Bonifacio" upang ipagpatuloy ang naputol mong masang himagsikan na iyong sinimulan. Mabuhay ka aming Supremo Bonifacio!!!
- ka tony
ika-23 ng Nobiyembre '14
para sa ika-151 kaarawan ng Supremo Bonifacio
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment