Maging isang pagsusuri sa sarili ang ibig sabihin ng "Pilipino Identity" Upang pasimulan papandayin ang bansang ganap na malaya, maunlad, mapayapa at makatarungan para sa lahat, sa ating mga anak at sa susunod na salin-lahi!
Monday, August 24, 2015
Birhen Balintawak
...ang ika-23, buwan ng Agosto ay bispiras na paghahanda para sa kapistahan ng patron-santo ng mga patalim, San Bartolome na kinagawiang kaganapan sa Malabon, ito'y nakatala sa ginawang pagpaplanong militar ng Supremo Bonifacio upang magkaroon ng dahilan ang mga Katipunero na makapagdala ng kanilang mga bolo, tabak, punyal at balisong na hindi sisitahin at uusisain ng mga guardia civil sa inaakalang kinaugalian na pagbasbas nito sa simbahan ni San Bartolome. Tuloy ang mga Katipunero ay nakasuot ng kinagawiang "balintawak" na pulang pantalon, puting pangitaas, pulang panyolito na nasa leeg at may dalang bolo, bilang parangal din sa kulay na sagisag ng patron santo. Nagdaan din ang Supremo at mga Katipunero sa kinagawiang paglalakad sa tila baling landas ng Balintawak na daanan ang mga bumibisita at nagnonobena patungo sa parokya ni San Bartolome. Subalit ang mga ito'y hindi nagtuloy sa Malabon, ang Supremo kasama ang mga Katipunero ay nagtungo sa Pugad Lawin at dito isinagawa ang malaking pagpupulong. Ang Pugad Lawin tulad ng Pasong Tamo at Kangkong ay tinatawag ngayon na "Greater Balintawak Area" na kasama sa ngayong "Greater Caloocan." Ang "Caloocan" ay galing sa salitang "ka-loukan" o "kalook-luokan" na ibig sabihin ay kaloob-luoban na halos kagubatan na tagong luga, malayo sa mga arrabales na nasa labas ng Intramuros (Maynila).
Nang makituloy ang Supremo Bonifacio, Emilio Jacinto at mga Katipunero sa bahay ni Melchora "Tandang Sora" Aquino sa Banlat, sila'y nagpalipas ng gabi ang mga ito naman ay walang damot na pinakain at inaruga ng bayaning matanda. Sinasabing habang natutulog ang Supremo Bonifacio at Emilio Jacinto sa bahay ni Tandang Sora, isa sa kanila ang nanaginip ng isang napakagandang babaing kasama ang kaniyang anak na lalaki at kapwa na kasuot ng "balintawak." Ang batang lalaki ay may hawak na makintab na itak at sumisigaw ng... "Kalayaan! Kalayaan!" Ang ina naman ng bata ay nagsabi na... "Ako'y nagpapaalala sa inyo na ipagpatuloy ang iyong banal subalit hindi maiwasan na tungkulin, gawin lahat ang magagawa at pagsisikap upang maisagawa at matamo ang ating inaasam na kalayaan." Pinagbawalan din ng Birhen na huwag magbalik sa kamaynilaan ang Supremo Bonifacio at Gat Jacinto, sapakat ang lihim na samahang Masang Katipunan ay pinagkanulo sa kumpisalan ni Padre Mariano Gil ng kapatid na madre ni Teodoro PatiƱo na taga paglimbag ng "Kalayaan," pahayagan ng Katipunan at ito naman ay sinumbong ni Padre Gil sa mga Kastila.
Ang mag-ina sa panaginip ay tinawag na "Birhen Balintawak" na binibigyan ng pagdakila sa nobenaryo na pagdakila at pagsamba sa pamamagitan ng nobena sa ika-26 ng Agosto na sinasabing isa sa mga araw na pinapaniwalaang "Unang Sigaw" o "Grito de Balintawak" na opisyal na sinimulan ng Masang Katipunan ang himagsikan laban sa kolonyalismo, ayon sa "Iglesia Filipina Independiente" (Philippine Independent Church) o "Aglipayan Church." Ang simbahan na tinaguyod ni Isabelo de los Reyes at minungkahi niyang kilalanin na Supremo-Obispo nito'y si Gregorio Aglipay.
Ayon kay Supremo-Obispo Gregorio Aglipay... "ang Birhen Balintawak ay sagisag ng ating Bayan at ang sanggol na Katipunan na kanyang dala, ay ang Bayang Filipino, ang sumisibol na salinlahi, ang kabataang naghahangad ng pagsasarili, at ang dalawang larawang ito ang twina’y magpapagunita sa inyo sa ating tungkuling 'di maiiwasan at napakabanal na gawin ang lahat ng pagsasakit upang makamtan ito. Dahil dito sa simbahang ito ay mabubuhay at tuwina’y mag-uumugong na muli ang mga aral na walang kamatayan ni Rizal at iba pang mga bayaning Filipino ukol sa ating mga tungkulin sa Dios at sa ating bayan. Kaya’t mga kapatid, parito kayo’y tumulong sa dakilang gawaing ito sa pagtubos sa ating bayan at sa pagtubos ng ating budhi, sa halip na makadami sa hukbo ng mga kaaway ng bayan at ng ating pagsasarili at makaragdag pa sa kanilang puno ng kaban ng yaman."
Ang ang una sa labing-walong basahin ng nobenaryo para sa Birhen Balintawak ay mga araling simbahan, makaagham at alamat, batay sa pananampalataya ng "Iglesia Filipina Independiente" alinsunod sa kanilang paniniwala at ang huling siyam na basahin ay nagaalay sa pagkilala at gawaing makabayan. Kasama sa babasahin ang pinagsama-samang sinulat ng ating mga bayani, tulad ng: Kartilya ng Katipunan ni Gat Emilio Jacinto, Dekalogo ni Apolinario Mabini at mga kasulatang hinango mula kay Rizal. Ang pagsasama-sama ng mga epikong sinulat ng mga bayani ay pinaliliwanag sa ika-siyam na basahin sa ikapitong araw ng nobena para sa Birhen Balintawak.
- ka tony
ika-24 ng Agosto '15
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment