Monday, May 29, 2017

Dekalogo ng Katipunan ng Supremo Andres Bonifacio



...ang Supremo Bonifacio ang unang nakaisip na sumulat ng dekalogong pang etika na susundin at gagawing basehang kautusan ng Masang Katipunan. Sinulat niya ang sampung kautusan base rin sa bilang ng sampung kautusan ng Diyos, bago niya ito ipalimbag at ibahagi sa mga Katipunero'y kaniya na munang ipinabasa sa kaniyang kabiyak na si Aling Oryang. Kaniya rin sana ito ipababasa sa kaniyang kanang kamay na si Emilio Jacinto, subalit naunahan siyang ipinabasa sa kaniya ang sinulat ni Jacinto na "Kartilya ng Katipunan."

Matapos na mabasa ng Supremo ang sinulat ni Jacinto na Kartilya ng Katipunan, ay nagsabi na... "ito'y ating ipalimbag at ipamahagi sa ating mga Kapatid upang ito ang sundin na kautusan ng Katipunan." Nang umuwi ang Supremo at tanungin siya ni Aling Oryang kung pinabasa niya kay Jacinto ang sinulat na "Dekalogo" ang tugon ng Supremo ay... "napakaganda ng sinulat na "Kartilya" ng Kapatid na Jacinto, tulo'y hindi ko na ipinabasa."
- ka tony
ika-20 ng Agosto, 2015

"Dakalogo ng Katipunan" - mga katungkulang gagawin ng mga Anak ng Bayan.
1) ...Sumampalataya sa MayKapal ng taimtim sa puso.
2) ...Gunamgunamin sa sarili tuina, na ang matapat na pag sampalataya sa Kanya ay ang pag ibig sa lupang tinubuan, sa pagkat ito ang tunay na pag ibig sa kapwa.
3) ...Ykintal sa puso ang pag asa na malabis na kapurihan at kapalaran na kung ikamamatay ng tawoy mag bubuhat sa pagliligtas sa kaalipinan ng bayan.
4) ...Sa kalamigan ng loob, katiagaan, katuiran at pag asa sa ano mang gagawin nag bubuhat ang ikagaganap ng mabuting ninanais.
5) ...Paingat ingatang gaya ng puri ang mga bilin at balak ng K... K... K....
6) ...Sa isang na sa sapanganib sa pag tupad ng kanyang tungkol, idadamay ng lahat, ang buhay at yaman upang maligtas yaon.
7) ...Hangarin na ang kalagayan ng isatisa, maging huaran ng kanyang kapwa sa mabuting pagpapasunod at pag tupad ng kanyang tungkol.
8) ...Bahaginan ng makakaya ang alin mang nagdaralita.
9) ...Ang kasipagan sa pag hahanap-buhay ay siyang tunay na pag ibig at pag mamahal sa sarili sa asawa, anak at kapatid o kabayan.
10) ...Lubos na pag sampalataya sa parusang ilinalaang sa balang sowail at magtaksil, gayon din sa pala na kakamtan ukol sa mabuting gawa. Sampalatayanan din naman na ang mga layong tinutungo ng K... K... K... ay kaloob ng Maykapal, sa makatwid ang hangad ng bayan ay hangad din Nya.

No comments: