Tuesday, January 29, 2013

Thomasites ang mga Puting Guro at Philippine Heroes













Sadyang nilapastangan ng mga kolonyalistang mananakop kasama ng kanilang sponsor na ilustrado/sajonista, ang tunay na kasaysayan ng ating lahi, upang sa ganoon ay mapagtakpan ang kanilang ginawang mga krimen, pagnanakaw nang likas ng ating bayan, pagangkin ng ating tagumpay at pagbura sa ating isipan nang katutubong kultura. Ang itinaguyod nilang paaralan ay nagsilbing "brain-washing school system" upang tuloy-tuloy ang paghulma sa ating puso at pagiisip, ang "colonial mentality" na magsisilbing tanikala sa paa ng salin lahing Pilipino sa kolonyalismo.

Lulan ng barkong USAT Thomas na galing sa kampo ng Presidio sa San Francisco, California, ipinadala ng Estados Unidos ang may bilang na 530 (365 lalake at 165 babae) Thomasites Teachers sa bagong koloniya niyang Pilipinas noong Agosto 21, 1901. Nanatiling tinawag ang mga "puting guro" na "Thomasites," dahil sa patuloy na pagpapadala ng mga gurong ito sa Pilipinas na laging lulan ay ang barkong USAT Thomas, hangang umabot sa bilang na 1,074 isang taon pa lang ang nakakalipas. Ang kanilang magiging sweldo ay $125.00 - kada buwan at ang kanilang tungkuling gagampanan ay magturo ng elementarya sa itinatag na paaralang pangpubliko ng Estados Unidos at turuan/sanayin ang mga lokal na may potensyal na maging guro sa pagtuturo, pagsasalita, pagbabasa sa wikang Ingles.

Bukod sa pagtuturo ng wikang Ingles, ituturo rin nila ang US history, reading, grammar, geography, mathematics, general courses, trade courses, housekeeping, sewing, crocheting, mechanical drawing at freehand drawing. Sa larangan naman ng palakasan ay baseball, track & field, tennis, baseball at basketball. Ang mga aklat na nasa wikang Ingles ang gamit sa paaralan na sinulat ng mga puting autor at sa bandang huli'y mga sinulat ng ilustrado/sajonista na pensyonadong pinagaral sa Amerika.

Tuluyang nalimutan nating mga Pilipino ang katutubo talino, pati na ang pagsulat ng baybaying alibata, na ginamit din sa aklat na "Doctrina Christiana" na una pa sa ano mang nailimbag na aklat ng Amerika. Binasura ang pagaaral at aklat nating Katon, tuluyang nalimot ang mga matanda nating paaralan; Colegio de Santa Potenciana (1589), Universidad de San Ignacio (1590), Universidad de San Carlos (1595), Universidad de Santo Tomas (1611), Colegio de San Juan de Letran (1630) at Colegio de Santa Isabel (1632), ang mga paaralan na hindi lang elementarya o mataas na paaralan, subalit mga universidad na mas nauna pa sa pinakamatandang paaralan ng Estados Unidos - Harvard University (1636). Ano't tayo pang mga Pilipino na naunang maglimbag ng mga aklat at nagkapaaralan ang siyang tinuturuan ng mga puting guro na ito na idinestino sa buong kapuluan, mula Aparri hangang Jolo?

Sa ginawang ito, ang Pilipinas ngayon ang binansagang na "third largest English-speaking nation in the world" sapagkat ang wikang Ingles ay patuloy na ginawang opisyal na wika sa lahat ng ating paaralan at naging batayan din sa uring elite na hagdanan ng lipunan. Malaki ang naging kapinsalang nagawa nito sa sambayanan, nawalan ng halaga ang nais na sabihin at pagunawa ng mga Pilipino, sapagkat isasalin muna ang wika natin sa isip, upang masabi sa wikang Ingles. Lalo na ang mga nagpapa-elite na mga Pilipino na tila ayaw gumamit ng kolokyal na Ingles, upang lalong makapagyabang ay gumagamit ng malalalim na pangungusap na kahit na ordinaryong Amerikano'y gagamit pa ng diksyonaryo upang maintindihan ang sinasabi. Ang mga ito'y lalo lang nagpababa sa sistema ng edukasyon, nagpapainutil sa sintido komon at talino ng sambayanang Pilipino.

Patuloy ang pagpapalaganap ng "colonial mentality" sa pamamagitan ng paaralan, pagpagawa ng mga lansangan, gusali at patuloy din ang pagbigay ng mga donasyon, nang mapatunayan na ang hangarin ng Estados Unidos ay makatulong sa ating kamangmangan, kahirapan at turuang makatayo na magisa hangang matuto na makapagtaguyod ng sariling pamahalaan. Sa likod ng lahat ng pangyayaring ito, ang mga kolonyalista naman ay sinasamantala ang pagnanakaw ng ating likas na yaman, pagkontrol ng ating soberenya, pagtatayo ng mga base militar upang lumawak ang kanilang sakop pang ekonomiya at sandatahang lakas sa Asia.

Pati na ang ating mga magigiting na bayani na ang adhikain ay kabuuang soberenya at kalayaan ng ating bayan ay binaliktad, ang tunay na mga bayani ay kanilang ginawang tulisan, bandoleros at ang iba naman ay pinababa ang imahen at pagkatao, upang huwag tularan. Ang mga taksil sa Katipunan, mga ilustrado/sajonista na naging "pensyonados" na naghahangad lang ng reporma at ang mga opisyal ng ilustradong himagsikan ni Aquinaldo na sumuko, ang kinilalang bayani ng mga Amerikano para sa Pilipino.

Upang masugpo ang kumakalat na damdaming makabayan, maka-Bonifacio at idelohyang komunista sa katatapos na pakikibakang naganap noon unang "Araw ng Mangagawa" o "Labor Day" sa Moriones, Tondo, ika-1 ng Mayo,1903 na nauwi sa isang rayot, pinagbawal ang larawan ng Supremo at ang bandilang Pilipinas na ilantad sa publiko. Inutusan ng US Insular Government in the Philippines ang kanilang Pilipinong pensyonados na historyador na umisip at bigyan ng nararapat na mga bansag o titolo para sa ating mga bayani na babagay sa kasalukuyang "benevolent assimilation" at "pacification program" na kanilang ginagawa sa buong kapuluan...

# ANDRES BONIFACIO - "The Great Plebeian" at "President of the Tagalog Republic." Ginamit ang "plebeian" upang ibaba ang imahen ng Supremo sa antas ng masa, upang laitin ng "colonial mentality" nating lipunan. Ang "plebeian" ay pinakamababang uri ng lipunan sa Roma noong araw, hindi naman tayo Romano at lalong-lalo naman ang Supremo, bakit plebeian? Ang triangulong antas sa hagdanan ng lipunan noong kapanahunan ng Supremo ay; Peninsulares, Insulares/Creole/Filipino, Mestizo, Indio/Tagalog at Sangley.

...bakit hindi ginamit ang tunay na kahulugan ng "Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan" na kung isasalin sa wikang Ingles ay "President of the Sovereign Nation of Katagalugan"? Mahigpit na pinagbabawal ng Supremo Bonifacio ang paggamit ng "Filipinas" sapagkat ito'y kolonyal na pangalan. Ang "Filipino" naman ay natataging tawag lamang sa mga Insulares/Creole (Kastilang ipinanganak sa Filipinas). Indio o Tagalog ang tawag sa mga lokal na mamayan, kaya ginamit ng Supremo ang "Katagalugan" para sa ating bayan.

...kung ang Supremo Bonifacio ang "Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan" bakit si Aquinaldo ang binansagan at tinuturing na "The First President of the Philippine Republic." Hindi ba't naitatag na ang Katipunan at ang pamahalaan ng Supremo Bonifacio bago pa sumapi sa Katipunan si Aquinaldo?

...bakit Pilipinas lang sa buong mundo, ang nagsimula ng himagsikan hindi National Hero? Hindi ba't nararapat na si Gat Bonifacio ang tanghaling taging National Hero ng Pilipinas, tulad ng national hero ng mga iba't ibang bansa sa mundo? Bukod dito ang Katipunan ang pinakaunang armadong himagsikan laban sa konloyalismo at imperyalismo sa buong Asia. Nabangit sa aklat na "Between Two Empires" ni Theodore Friend... "William Howard Taft with other American colonial officials and some conservative Filipinos chose him (Rizal) a model hero over other contestants - Aguinaldo too militant, Bonifacio too radical, Mabini unregenerate."

# JOSE RIZAL - "The National Hero of the Philippines" at tinawag din na "The Pride of the Malay Race." Ang Amerikanong Governor General Howard Taft ay nagpanukala sa Philippine Commission, noon taon 1901 na gawin "national hero" si Jose Rizal at naglabas ng batas: Act No. 346 - which set the anniversary of Rizal’s death as a “day of observance.” Ang dati namang US Governor General W. Cameron Forbes ay nagsasabi... "It is eminently proper that Rizal should have become the acknowledged national hero of the Philippine people. Rizal never advocated independence, nor did he advocate armed resistance to the government. He urged reform from within by publicity, by public education and appeal to the public conscience"

...bakit dapat na tawagin si Rizal na "The Pride of the Malay Race" hindi naman siya taga Malaysia, malakas nga ang dugong Malayo sa ating mga Pilipino, subalit upang lahatin ang buong lahing Malayo ay isang kamalian.

...bakit si Rizal ang pinilit ng mga kolonyalistang tanghalin natin na national hero? Upang siya ay tularan at gawing idolo, sapagkat ang kaniyang hangarin ay reporma, upang ang tulad nilang uring ilustrado ay makapantay ang uring elite sa lipunan. Kinundima't tinalikuran ang himagsikan at wala siyang adhikaing kabuuang kalayaan para sa bayan, nakiusap na gawing probinsya ng Espana ang Pilipinas.

# EMILIO JACINTO - "The Brains of the Katipunan." Tama ang sabi ni Gregoria de Jesus, si Gat Emilio Jacinto ang dapat tanghalin na "Brains of the Revolution" sila ng Supremo ang nagsimula ng himagsikan. Ang walang humpay na kasipagan ni Gat Jacinto sa paggawa ng dokumento, paghakot ng sasapi sa Katipunan, ang pagalaga sa arsenal, propaganda, pagpaplano, pagsusulat ng mga artikulo at paglimbag ng pahayagang "Ang Kalayaan," ilan lamang sa marami pang gawain ng batang aktibista at dahil sa kasipagang ito humina ang katawan, tuloy madaling kapitan ng sakit na kaniyang ikinamatay ng maaga.

...ginamit ang bansag na ito upang maliitin ang nagawang kadakilaan at kabayanihan ng henyong Gat Emilio Jacinto. Hindi binigyan ng mga ilustrado/sajonista ng halaga ang mapusok na makasosyalistang masang himagsikang Katipunan, upang itaguyod ang taksil na umagaw sa himagsikan at liderato, ng ilustradong pamahalaan ni Aquinaldo.

# APOLINARIO MABINI - "The Brains of the Revolution" at "The Sublime Paralytic." ginawa ng naghaharing uring ilustrado/sajonita na ang utak ng "himagsikan" ay si Mabini na kalihim at tagapagpayo ni Aquinaldo at hindi si Emilio Jacinto. Sa ginawang ito, pinalalabas nila na ang tunay na himagsikan ay ang "Ilustradong Rebolusyonaryong Pamahalaan" ni Aquinaldo at hindi ang Katipunan.

...bakit kinakailangan pang ipagdiinan bangitin ang kapansanan at sundan ng "Sublime," ang paralitiko ba'y hindi maaaring makapagisip ng matino? Maraming na ingit nang ibigay ni Aquinaldo kay Mabini ang tungkulin bilang Punong Ministro, bakit daw binigay pa ang tungkulin na ito sa isang paralitiko. Galit na sumagot si Mabini... "Bakit ang tungkulin ba ng Punong Ministro ay higit na kinakailangan ng mahabang paglalakad at pagtakbo?"

# Emilio Aquinaldo - "The First President of the Philippine Republic" ang titolong ito'y nararapat sa Supremo Bonifacio. Matapos maitatag ng Supremo ang himasikang Katipunan, itinatag din niya ang "Pamahalaan ng Haring Bayang Katagalugan" at sa ilalim nito'y siya ang pangulo at may mga ministro. Maliwanag na pinatatangkilik ng mga ilustrado/sajonista ang pamahalaang huwad ni Aquinaldo at hindi ang himagsikan ng masang Katipunan at liderato ng pamahalaan ng Supremo Bonifacio.
...mula sa bibig ni Aquinaldo sa isang pakikipanayam sa kaniya... "The patriotism I speak of today will be unchangeable. We took to the field, not because we wished for separation from the mother country [Spain]. But because we are tired of bearing the material and moral burden of that arch, the keystone of which in our country is the friars.
It is quite true that the Katipunan instilled in us another desire — that of independence — but that desire was unattainable, and moreover, it was in opposition to our sentiments. It served as the banner of Andres Bonifacio, a cruel man whom I ordered shot, and with his death the Katipunan disappeared…”
—Emilio Aguinaldo, Interview with El Imparcial, December 27, 1897.

...bayani bang maituturing si Aquinaldo na isinuko ang himagsikan sa Biak na Bato, ang himagsikang sinimulan, pinaghirapan, pinagbuwisan ng buhay ng Supremo Bonifacio, ibebenta lang pala sa maliit na halaga matapos ang ilang buwang pagkakaagaw ng liderato! Ang "Pack of Biak na Bato" ay ginawang pista-opisyal pa ng mga ilustrado/sajonista tuwing sasapit ang pagkakalagda ng pagsuko at pagbenta ng himagsikan ang araw na ito, na nahinto lang ang pagbibigay halaga ng kapistahang ito noong dekada 60.

...si Aquinaldo ay 'di dapat tanghaling bayani at ihanay sa kadakilaan nila Bonifacio, Jacinto, Sakay, Ricarte at Mabini. Si Aquinaldo ay isang politiko, lahat na lang ng sumakop sa ating bayan, siya ay sumumpa sa bandila ng mga ito; Espania, Amerikano, Hapon at pagakatapos ay sa Amerikanong muli.

# Gregorio del Pilar - "Hero of the battle of Tirad Pass" papaanong magiging bayani si Del Pilar, kung ang tunay na kasaysayan ay walang naganap na labanan sa Pasong Tirad. Dalawang reporter ng diyaryo ang kasama ng sundalong mga Amerikano at nagsulat ng mala-Hollywood na "digmaan" daw ng mga Gringo at Del Pilar sa Pasong Tirad; John McCutcheon ng "The Manila Freedom" at si Richard Henry Little ng Chicago Tribune, upang mabili ang kanilang pahayagan at maipakita sa mundo ang kagitingan ng mga sundalong mga Amerikano na nasa Pilipinas.

...ang tunay na pangyayari tugon sa ibinigay na testimoniya ni Vicente Enriquez, matapat na kaibigan, kababata sa Bulacan at pinagkakatiwalaan ni Del Pilar... "we passed the night in the cabin on the peak. Around dawn (Dec. 2) we heared shooting from Concepcion. At daybreak the general ordered me to go down to the trenches to see what was going on. From the hilltop I saw American troops resting below, their arms stacked up. Our soldiers told me our position was impregnable. We all agreed we are winning the battle. I returned to the peak where I left General Del Pilar, but on the way up I saw him with Lieutenant Telesforo Carrasco & Vicente Morales & the bugler. I told him what I have seen. The general quicken his pace on learning that the Americans could be seen from a certain high point. We arrived on the top of the trenches. Then we went to the hilltop where I was & the moment we got there we heard renewed firing and saw our soldiers giving battle. Our soldiers pointing their hands, warned Del Pilar that the enemy was almost on top of us but could not see nothing save an irregular movement of the cogon grass. So the general ordered a halt to the firing. And erect on the hilltop to see & distinguish the enemy. While he was doing this he was hit by a bullet. The general covered his face with both hands & falling backward & diying instantly. Always handsome & elegant."
...di natin masyadong maunawaan ang pagkakasalin sa wikang ingles nang testimoniyang ibinigay ni Enriquez, na isinulat naman ng mga sundalong Amerikano.

# Gabriela Silang & Teresa Magbanua - "Joan of Arc of the Philippines" sino nga ba ang dapat na tanghalin? Umiral na muli ang maka-macho kalalakihan na manunulat ng ating kasaysayan, napakadaming nagawa ng dalawang magiting na Pilipina at wala man lamang na maibansag sa kadakilaan nila, kung hindi'y ihambing sa puting balat na babaing si Joan of Arc.

...si Gabriela Silang ang nagpatuloy ng pakikibaka, muling pinagbuklod at namuno sa naiwang himagsikan ng kabiyak niyang si Diego Silang. Pinangunahan niya ang may bilang na 2,000 tauhan na karamihan ay mga Ilokanong kalalakihan sa pakikipagdigmaan laban sa mga Kastila. Siya ay nahuli at binitay.

...si Teresa Magbanua ay sumapi sa himagsikan ng Katipunan. Laban sa kagustuhan ng kaniyang kabiyak, si Teresa na noon ay isang guro, ay iniwan ang pagtuturo, muling nakibaka at pinamunuan ang digmaan sa Barrio Yoting, Capiz, laban sa mga Kastila. Ang kadakilaang pakikibaka na ginawa ni 'Nay Isa, na kung siya ay tawagin ay isa sa pinakamahabang pakikibakang naganap sa ating kasaysayan. Lumaban siya sa mga konyalistang Kastila, Amerikano at Hapon.

# Miguel Malvar - "The Last General to Surrender" hindi ba't ang tunay na huling heneral na sumuko sa kasaysayan ng ating himagsikan ay si Macario Sakay? Kung tutuusin, si Sakay ay di sumuko, siya ay nilinlang ng ilustradong Dominador Gomez. Si Malvar ay sumuko sa itinakdang araw ng mga Amerikano ng pagsuko, nang huwag mapasama sa mga naghihimagsik na Pilipino na tatanghaling "tulisan" ng batas na "Ley Bandolerismo." Kaya't sa mata ng Amerikano at mga ilustrado/sajonistang sumulat ng ating kasaysayan, si Malvar ay "The Last General to Surrender" at si Gat Macario Sakay ay isang bandolero o tulisan.

...kinakailangan ba na ipagmamalaki, ikagagalak at isasama sa "kadakilaan" ang isang bayani na bansag ay "the last general to surrender?" Sumuko na nga'y sikat pa? Hindi ba ang pagsuko ay kaduwagan at pagkatalo? Ginawa ito ng mga kolonyalista at ng historyador na sajonista upang gawing "reversed psychology" ang pagdadakila at ang tunay na bayani na pinalalabas ay ang mga gringo at hindi si Malvar!

# Pedro Paterno - "The Peacemaker of the Revolution" ang nararapat na itawag sa kaniya ay "Ang Ama ng mga Balimbing sa Pilipinas!" Si Paterno ay nanilbihan sa Kastilang cortes, ang autor na kasama si Aquinaldo sa pagbebenta ng himagsikan sa Pakto ng Biak na Bato, naging Punong Ministro ni Aquinaldo. Nang naging kolonya ng Amerika ang Pilipinas, si Paterno ay nanilbihan sa kolonyal na pamahalaan. Ang "Peacemaker" ay ibinansag sa kaniya ng kapwa niyang mga ilustrado/sajonista, upang ang kanilang uring "balimbing" ay huwag na matawag na taksil.

...Ang naging kabuuan ay ang pamumuno at pinanggalingan ng ating pamahalaan ay nagmula sa umagaw ng liderato na mga ilustrado at mga balimbing na sajonista na nagbaluktot ng ating kasaysayan. Ito'y kanilang ginagawa upang iligaw ang ating pagiisip at tanging uri lamang nila ang mamuno, makinabang, makapantay sa lipunan ang sinasamba nilang imperyalista at gawing teritoryo ang ating bayan ng mga kolonyalista. Hindi ba't sa bandang huli ang tunay na nagwagi at nangyari ay ang minimithing adhikain ng ilustradong Jose Rizal?

Tunay na naglaho ang itinaguyod na Katipunan at Pamahalaan ng Haring Bayang Katagalugan ng Supremo Bonifacio nang siya ay patayin at agawin ang liderato ng taksil na Aquinaldo. Pinalitan ito ng ilustradong himagsikan at pamahalaan, ito'y binago at dinagdagan pa ng neo-kolonyal na pamahalaang Amerikano ni Quezon hangang kasalukuyang pamahalaan natin. Ano ngayon ang pinagsasabi ng ating mga pulitiko na ang ating Sandatahang Lakas at Pamahalaang Pilipinas ay nagmula sa Katipunan at Pamahalaan ng Haring Bayang Katagalugan ni Gat Bonifacio? Wala ni kaunting bahid ng Katipunan at ng "Kartilya ng Katipunan" na sinusunod, prinsiyo, aral at pamahalaan ng Unang Pangulong Bonifacio na maaaninag man lang sa ating neo-kolonyal na pamahalaan ngayon! Nakapandidiring kasinungalingan at pagangkin ng kadakilaan sa naglahong prinsiyo at konsepto ng tunay na Katipunan at kasaysayan! Lalo lang nadagdagan ang kabobohan ng mamang na sambayanan na tigang sa tunay na kasaysayan ng ating bayan at lahi!
- - ka tony
ika-10 ng Disyembre '12

No comments:

Post a Comment