Maging isang pagsusuri sa sarili ang ibig sabihin ng "Pilipino Identity" Upang pasimulan papandayin ang bansang ganap na malaya, maunlad, mapayapa at makatarungan para sa lahat, sa ating mga anak at sa susunod na salin-lahi!
Monday, February 2, 2015
Luzon Indios, Manila Men, Chinos at si Fray Junipero Serra
Ika-1 ng Hunyo 1565, nang ang galleon San Pedro sa ilalim ni Kapitan-Heneral Felipe Salcedo (apo ni Miguel Lopez de Legazpi), kasama si Fray Andres Urdaneta ay tumulak patungong Cabo Mendocino ng California, pagkatapos ay nagtungo sa porte ng Acapulco, Mexico. Ang mahaba, subalit iwas sa panganib na rutang ginamit ng galleon ito ng San Pedro na nagmula sa Cebu, ang naging huwarang padron na sinundan ng sumunod na mga galleon sa loob ng 300 taon ng Manila/Acapulco Galleon Trade.
Noon naman ika-18 ng Oktubre 1587, ang Manila galleon na Nuestra Senora de Esperanza sa ilalim ng Kapitan-Heneral Pedro de Unamuno kasama ang maraming tripolanteng Tagalog na kung tawagin ay "Luzon Indios" ay dumaong sa Morro Bay ng San Luis Obispo, California. Ang ginawang pagapak ng mga "Luzon Indios" sa Morro Bay ay tinawag ng mga Amerikano na... "the first landing of Filipinos in the continental United States." Sila ay nagtayo ng kuta sa Morro Bay at nagtirik ng malaking krus na gawa sa sanga ng punongkahoy, subalit dalawang araw palang sila sa lugar na ito'y sinalakay sila ng mga Native American Indians at isa sa mga Luzon Indios ang nasawi. Dahil sa nangyaring pagsalakay, hindi tinuloy ang pamamalagi ng mga tripolante upang halughugin ang kalawakan ng California. Ang pagdaong at pagtataguyod ng kuta ng mga Luzon Indios sa Morro Bay ay pinakauna sa kasaysayan ng Estados Unidos kaysa sa kinikilala at tinatawag sa kasaysayan ng Amerika... "the Landing of the Mayflower Pilgrims in 1620 at Plymouth, Massachusetts."
Ang sinimulan ng galleon San Pedro at ng galleon Nuestra Senora de Esperanza ay pinagpatuloy nila Francisco de Galli at Sebastian Cermeno, noong taon 1594 lulan sila ng galleon mula Manila upang halughugin ang kalawakan ng California at angkinin ito para sa bayang Espana. Sa kautusan ng Haring Felipe II ng Espana, taon 1606 sa Monterey, California ay itinirik ang bandila ng Espana ng mga Kastila sa tulong ng mga naglalakihang galleon mula Manila.
Ang dating hukom sa Manila, Pedro Enriquez Calderon ay nagmungkahi sa pamahalaang Madrid noong 1748, na magtayo ng permaneteng presidio at kuta sa Alta California, upang maiwasan ang pagtatangkang pagagaw ng kolonyang ito ng Espana ng mga Ingles at Ruso. Ibinigay ang tungkuling ito ng pamahalaang Madrid kay Jose de Galvez upang magpundar ng presidio, mga barrio, mga bukirin, pagpapalawak ng sakop na lupain at pagdadala ng maraming magsasakang Luzon Indios, mga butong pananim at punla mula Pilipinas sa pamamagitan ng galleon sa Alta California. Ang napili naman ni Jose de Galvez na mamuno ng lakas militar ay ang Kapitan Gaspar de Portola at para mangasiwa naman ng missiong Katoliko at "encomienda sistema" ay si Fray Junipero Serra.
Si Junipero Serra y Ferrer ay isinilang noong ika-24 ng Nobyembre, 1713 sa Majorca, Espana. Ngayon ay kinikilala si Jenipero Serra, isang pareng Pransiskano na nagpundar ng siyam na Katolikong mission mula Baja, San Diego hangang sa San Francisco ng Alta California, na noon ay sakop ng Nueva Espana (Mexico). Habang naglalakbay si Junipero Serra mula sa Vera Cruz, kasama ang dating kapitan na naging Gobernador Gaspar de Portola, upang sakupin ang kalawakan ng Alta California, si Serra ay napilayan na naging sanhi ng kaniyang pangagailangan ng gabay sa paglalakad habang buhay. Ang naging alipin, tagaakay, taga pag buhat at taga pangasiwa ni Serra ay isang Luzon Indio na nangagalang Narciso. Matapos makapagtayo ng siyam na mission si Serra ay namalagi na lamang siya sa mission ng Santiago de Queretaro bilang superbisor, tuloy natuto ng wika ng mga "Pame Indios" na ginagamit niya sa pagsulat ng dasal at gamit na wika para misa.
Pinalawak ni Serra ang mission mula Baja, San Diego, hangang San Francisco ng Alta California sa tulong ng mga Luzon Indios (kung tawagin ng mga Mexicano ay "Chinos" sapagkat sila ay sakay mula sa mga galleon na ang lulan ay kalakal na karamihan'y gawang Tsina) at Native American Indians pamamagitan ng "encomienda sistema" o "forced labor" na ang pangakong kapalit ay kaligtasan ng kanilang kaluluwa laban sa demonyo, sa pamamagitan ng bisa ng sakramentong binyag. Maraming Luzon Indios o Chinos na binigyan ng mataas na tungkulin sa mga mission, sapagkat sila ay maaasahan di tulad ng mga Native American Indians. Tulad ng Kapampangan na si Vicente Tallado at 20 na mga Luzon Indios na kasama, dating mga tripolante ng galleon San Jose, si Tallado ay tagapangasiwa sa mission ng Monterey.
Maraming Luzon Indios ang hindi makatiis sa mahigpit na pamamalakad ng encomienda sa Alta California, sila ay tumakas habang sila ay nasa Gulf of Mexico, na kung saan dinadala ang ibang kalakal ng Manila galleon upang ipadala sa Espania sa pamamagitan ng Dagat Atlantiko. Napadpad ang karamihan sa Louisiana at nanirahan sa tagong kasapaan ng Lake Borge, Saint Malo ng Louisiana at doon sila ay tinawag na "Manila Men."
Si Junipero Serra ay binawian ng buhay noong ika-28 ng Agosto 1784, na hanagang sa huling sandali ng kaniyang buhay ay nasa tabi niya ang tapat na tagaakay niyang Luzon Indio na si Narciso. Si Junipero Serra ay nilibing sa sangtuaryo ng Mission San Carlos Borromeo de Carmelo, Carmel, Monterey California.
- ka tony
ika-19 ng Enero, 2015
No comments:
Post a Comment