Maging isang pagsusuri sa sarili ang ibig sabihin ng "Pilipino Identity" Upang pasimulan papandayin ang bansang ganap na malaya, maunlad, mapayapa at makatarungan para sa lahat, sa ating mga anak at sa susunod na salin-lahi!
Saturday, February 28, 2015
Manipesto ng Creoles/Filipinos, Mestizos at Ilustrados, ika-1 ng Marso, 1888
...umaga, ika-1 ng Marso, 1888 mga creoles/Filipino, mestizos at ilang ilustrados ay nagmartsa patungo sa tinitirhan ng pansamantalang gobernador, Jose Centeno Garcia na isang mason, upang ibigay ang isang petisyong pagtangal sa Dominikanong Arsobispo Pedro Payo at pagtatangal din sa mga prayle at sa kanilang kapangyarihan sa ano man sanga ng Katolikong simbahan. Ang pagmartsa ay pinangunahan nila Doroteo Cortez na isang abogadong mestizo at Jose Ramos na hawak ang manipestong nagtataglay ng mga krimen, kasalanan at pangaabusong ginagawa ng mga prayle sa kolonyang "Filipinas," habang sila ay sumisigaw ng... "Viva España! Viva el Rey! Viva el Ejercito! Fuera los Frailes!" ("Mabuhay ang Espana! Mabuhay ang Hari! Mabuhay ang Hukbo! Ipatapon ang mga Prayle!").
Ang nasabing manipesto ay nilagdaan ng 810 na katao at ang kopya nito'y ipinadala sa Reyna Regente ng Espana. Hinihiling din sa manipesto ang pagtataguyod ng Sekular na mga paring Filipino at pagiging "Cura Parroco" ng mga ito sa iba't ibang parokya ng simbahan sa kapuloan. Binangit din na ang kahilingang Sekularisasyon ay matagal ng repormang kahilingan ni Padre Jose Burgos na naging sanhi ito ng kaniyang kamatayan sa garrote. Ang nakalagdang autor ng manipesto ay ang abogadong mestizo Doroteo Cortez, subalit ang tunay na nagsulat nito'y ang henyong Marcelo H.del Pilar.
Makaraan ang isang lingong pagsisiyasat sa naganap, napagalaman ng Kastilang Cortes na ang mga taong nakalagda sa dokumentong ito'y hindi alam ang mga kahilingang nasa manipestong kanilang pinirmahan at pinabulaan na hindi sila sangayon sa pagpapatangal sa Arsobispo Pedro Payo at pagpapatagal din sa mga prayle. Ang mga lider at mga namuno sa pagmartsang naganap ay biglang naglaho na parang bula at iba nama'y ipinatapon sa malayong lugar na tulad din sa pagkakatapon sa kapatid ni Marcelo del Pilar, Padre Toribio Hilario del Pilar sa Isla ng Marianas sa pagkakasangkot niya sa "Cavite Mutiny" na ibinintang din sa mga GOMBURZA. Ang pansamantalang gobernador na Jose Centeno Garcia ay nagbitaw ng kaniyang tungkulin at umuwi ng Espana, samantalang ang amo niyang Gobernador-Heneral Emilio Terrero ay natapos ang termino at tungkulin sa kolonyang Filipinas at pinalitan siya ng bagong Gobernador-Heneral Antonio Molto.
Ilang buwan pa lamang ang nakakalipas sa pagmartsang ginawa at sa subersibong manipestong sinulat, ay kumalat naman ang aklat ni Jose Rizal, "Noli me Tangere" sa kapuloan. Upang huwag maakit ang mga nakabasa at magbabasa ng subersibong aklat na Noli, ang Agostinong padre Jose Rodriguez ay nagsulat ng isang dokumentong... "¡Caiñgat Cayo!: Sa mañga masasamang libro't, casulatan" na nagsasaad na ang pagbabasa ng aklat ni Rizal ay isang mortal na kasalanan sa Diyos at simbahan. Bilang sagot naman sa dokumentong ginawa ni padre Rodriguez, si Del Pilar ay sumulat ng... "Caiigat Cayo" (Kadulas Kayo ng Igat") na kinagalit lalo ng mga pare at prayle kay Del Pilar. Kaya naman ang Kastilang Cortes ay inakusahan ng mapangganib na subersibo at paghuli kay Del Pilar, tuloy noong ika-28 ng Oktubre, 1888, si Marcelo H.del Pilar ay iniwan ang kaniyang mga mahal sa buhay at tumakas patungong Espana.
- ka tony
ika-1 ng Marso, '15
No comments:
Post a Comment