Sunday, September 21, 2008

Ang Pagkamatir ng GOMBURZA














Pebrero 17, 1872 - ang kolonyal na pamahalaan ng kastila sa Pilipinas ay sinakdal ang tatlong pari na kung ngayon'y tawagin natin ay GomBurZa. Ang tatlong sekular na Pilipinong pari ay pinagbintangan na nagpasimula ng munting rebelyon noong gabi ng 20, Enero, 1872. Ang tatlo ay inakusahan, nilitis at sinintensyahan na patayin sa pamamagitan ng garrote na wala man lamang na abogado o nagdipensa tugon sa ginawang paratang sa kanila.

Maitutulad ang pangyayaring ito at maihahambing noong kapanahunan ng diktator marcos. Ang pamahalaang marcos ay hahanap ng butas upang ikaw ay mapagbintangan, maakusahan lalo na't kung ikaw ay salungat sa kaniyang pamamalakad. Si Padre Mariano Gomez ay isang mestisong Hapon at isang banal na pari, malaki ang naitulong niya sa pagreporma ng lupa para sa mga magsasaka. Ang mga mahihirap at magsasaka ay siya sana'y ipagtatangol, subalit kaniya itong pinigilan, ipinatabi at mahinahon siya ay nagpatali ng kaniyang mga kamay sa mga guardia civil.
Kasama niyang hinuli ay ang kaniyang pamangkin na si Padre Feliciano Gomez sa kumbento ng kaniyang paroko sa Bacoor.

Si Padre Jacinto Zamora ay isang sekular na pari, maraming nagsasabi na ang tunay nahinahanap na dakpin ay isang nangangalang Jose Zamora at hindi Jacinto Zamora. Ito ay isang pagsosona ng mga maykapangyarihang Kastila, dahil sa
pagsusulsol sa mga ito ng mga Kastilang prayle at pari na naiingit sa itinatag na sekular ng mga paring Pilipino. Ang pagsonang ginawa ay upang tumahimik ang mga laban sa kanila, magbigay aral, matakot ang nakakarami at upang huwag tularan. Mayroon rin na nagsasabi na si Padre Zamora ay isang marangal na pareng Pilipino, na kaya lamang dinakip ay dahilan sa pagkamalapit niya kay Parde Burgos.

Si Padre Jose Burgos ay isang Insulares/Creole, tunay na mapusok, aktibista at nagnanasang magkaroon ng reporma sa bayan at simbahan. Siya ay nanguna sa isang malaking pagaalsang ginawa ng mga istudyante sa San Juan de Letran, na ikinamatay ng isang magaaral. Bilang isang Insulares/Creole siya ay maaaring maging paring Dominicano, Recolletos, Agustino o Jesuit, subalit sa sanhi ng kaniyang pagkaaktibista, kaniyang pinili ay Pilipinong Sekular. Siya ay kinaiingitan ng mga prayle at paring kastila, sapagkat isa siyang Pilipinong sekular at napili pang maging Cura Parocco ng Katedral ng Maynila.

Isang nadakip at inakusahang kasapi sa na sabing "Cavite Mutiny" ay isang mestizo na nangangalang Francisco Saldua, na kung ating susuriin ang kaniyang angkan, siya ay apo ni Charlotte Corday - ang babaeng Fransesa na pumatay at inasasina si Jean-Paul Marat habang ito ay nasa "bathtub" na naliligo na may sakit sa balat, noong "French Revolution." Si Saldua ay bumaliktad na ala Judas at nagtestigo na laban kay Padre Burgos at kasama ng dalawang akusadong pari; Gomez at Zamora, na sila raw ang nagpasimula nang naturang pagaalsa sa Cavite. Dahilan sa ginawang "Cavite Mutiny" ito ay ikinamatay ng isang mataas na kastilang opisyal. Si Saldua ay nasintensyahan na gagarrotehin, kasama ng tatlong pare sa itinakdang araw. Ngunit si Saldua ay hindi nabahala, sapagkat tulad ng sa kaniya'y pinangako ng mga Kastila, na siya ay pawawalan nang sala sa huling sandali sa entablado ng garrote at hahandugan pa nang kabayarang salapi sa kaniyang pagtetistigong ginawa laban kina Burgos, Gomez at Zamora.

Ala 5 ng umaga nang nasabing araw, hiniling ni Gobernado Heneral Rafael Izquierdo, sa Arsobispo ng Maynila Gregorio Meliton Martinez, na bago magarrote ang talong pari, upang lalong sila ay mapahiya ay nararapat na ang mga ito'y hindi nakasuot ng kanilang Abito. Subalit ang Arsobispo ay hindi sinunod ang kautusan sa kaniyang naniniwala na ang tatlong pari at inosente sa kanila'y ibinintang na kasalanan. Ang Arsobispo ay nagpatunog nang mga kampana bilang isang huling pagsaludo sa tatlong pari habang ang mga ito'y patungo sa Bagumbayan.

Ang nangunang pumanhik sa entablado ng garrote ay ang nakangiti pang
mestizong Francisco Saldua. Tulad niya'y isang walang takot sa kamatayang mabilis na lumapit sa opisyal na Kastila. Subalit ng utusan ang berdugo na si Saldua ay lagyan nang itim na saplot ang kaniyang mukha, tinali ang mga bisig at ipinaupo sa silya ng garrote, siya ay nagpupumiglas. Hindi niya akalain na aabot dito ang sa kaniya'y gagawin, siya ay nagsisigaw at naglalaban, sampung katao ang pumipigil sa kaniyang pagwawala at pagtitili sa pagkakaupo sa garrote, samantalang hinihigpitan naman ng berdugo ang panakal na garrote! ...at bigla na nga tumahimik at nalagutan siya ng hininga.


Ang sumunod na pumanhik sa entablado ay ang 85 na taong gulang na si Padre Gomez, sa kaniyang paglalakad na uukod-ukod sa katandaan at nahulog ang salamin niya sa mata. Huminto, pinulot at isinoot na muli at humarap sa mga tao, nagwika..."Tayo'y magtungo na kung saan, ang mga dahon ay hindi titinag kung hindi pagagalawin ng Maykapal!" Si Padre Gomez ay mahinahong umupo sa silya ng garrote, isinagawa sa kaniya ang pagpatay.

"JACINTO ZAMORA!!!"...nang marinig ni Padre Zamora tawagin ang kaniyang pangalan, ito'y umakyat sa entablado na wala man lang na sinabi, ...matahimik at mahinahong nagpalagay ng itim na tela sa kaniyang mukha at umupo sa silya ng garrote. Natulala na tila ang lahat ng nangyayari ay isang panaginip lamang. Nangginginig ang buong katawan at namamalipit, habang hinihigpitan ang panakal na garrote.

Matapos magarrote ang dalawang kasamang pari, si Padre Burgos ay pumanhik sa entablado nang kamatayan, doon siya ay tumigil at humarap sa kastilang Koronel Boscasa, taglay pa rin ang pagkamapusok, tapang aktibista at nagsabi... "Pinapatawad kita at sana'y ang Diyos ay patawarin ka rin, tulad ng pagpapatawad ko sa iyo" Si Padre Burgos ay mahinahon na umupo sa silya nang garrote, subalit biglang itong tumayo at sumigaw..."AKO AY INOSENTE!!!" Sinagot naman siya ng Prayleng Benito Carominas na rector sa paaralang Universidad de Santo Tomas... "Si Kristo ay inosente rin!" Sa pagsagot na ginawa nito ng prayle, minasdan ito ng masamang tingin ni Padre Burgos at nagpatuloy... "Ano ang nagawa kong kasalanan? Ako ba ay mamamatay nang walang man lang saysay? Diyos Ko!!! ...walang katarungan sa mundong ito!!!" Pagkasigaw niyang ito, lumapit ang berdugong sa kaniya'y papatay. Ang berdugo ay nagwika..."Padre, ako'y iyong patawarin sa aking gagawin sa iyo." Ang pari ay malungkot na minasdan ang mata ng berdugo na dito lamang sa mga butas ang hindi natatakpan ng saplot sa mukha at mahinahong tumugon... "Pinatatawad kita anak... gawin mo na ang pinaguutos sa iyo." Pagkakasabi nito, si Padre Burgos, ay hinarap ang mga nakaluhod na mga tao at kaniyang itinaas ang kanang kamay upang ang lahat ay basbasan. Siya ay umupo na sa garrote at tinakpan naman ang kaniyang mukha. Habang hinihigpitan ng berdugo ang kahoy at bakal na panakal sa leeg ng pari, si Padre Burgos ay sumisigaw..."Aking Amang Panginoon, kupkupin po ninyo ang kaluluwa ng isang inosent..." hindi naituloy ang kaniyang huling habilin at siya ay nalagutan nang hininga.

Ang mga labing bangkay ng GOMBURZA ay ibinaon sa isang sulok sa Sementeryo ng Paco na wala man lang inilagay na krus o palatandaan. Kamakailang taon lamang napagkaalaman na isang "rest room" na pangbabae ang naitayo sa pinagbaunan ng labi ng dakilang GOMBURZA! Tunay na kahabag-habag ang hinantungan ng tatlong Pare na nagsilbing bilang pingki kay Rizal at naging mitsha ng himagsikang tinatag laban sa kolonyalistang mga Kastila.

ka tony
revised the 21st of September, '08

No comments: