Tuesday, October 7, 2008

Nasaan, Kailan at Alin ang Tunay nating Kalayaan?









-->
“Our principles of operation, is to attack and take small, medium cities and extensive rural areas first; TAKE BIG CITIES, THEN THE MAIN CITY LATTER” (quotations from Mao Tse-Tung’s Red Book). Hindi sa ibig ko laging bigyan ng halaga ang mga sinabi ni Mao Zedong, ngunit ang kaniyang pahayag na ito, ay isang makatotohanan at napakabisang operasyong militar. Noong panahon ng Roman Empire nagkaroon ng pagaalsa ang isa sa mga probinsya ng Roma, ang Carthage na ngayon ay bansang Tunisia, sa pamumuno ni Hannibal. Sapagkat ang dagat Mediterrane ay nasakamay ng mga Romano, si Hannibal, kasama ang kaniyang Carthegean militar at mga elepante ay umiwas, ‘di tinawid ang dagat ng Mediterrane sila ay umikot pa Hilaga, patungong Roma. Naglakbay sa baybayin ng Hilagang Aprika, tumawid sa Espania, Pransia (Gaul), nagdaan sa napakalamig na nagyeyelong bundok ng Alps at bumabang pa Timog, patungong Roma, upang salakayin ang lunsod sa likuran nito na walang dipensa. Tinatalo ang mga Carthegean ang mga Romano sa unang nilunsad na Punic War.

Ang mga Christian Crusaders sa kagustuhang makuha ang Holy Land na nasasakamay ng mga Muslim sa pamumuno ni Saladin, ay naging matagumpay lang sa karatigpook at hindi man lamang nakaapak sa lunsod ng Jerusalem. Sa dahilang ito, ang mga “Crusaders” ay hindi nagtagumpay kaya’t ang Jerusalem ay nasapoder pa rin ng mga Muslim.

Noong pangalawang digmaang mundyal, ang lunsod ng Berlin na kapital ng Alemania, ang siyang huling sinakop ng mga Axis Army, na naging sagisag nang pagtatagumpay. Ganoon din ang naging wakas ng Vietnam War, ang mga VietCong at Regular Army ng North Vietnam ay na sa Khe Sanh, Da Nang at iba pang malabundukin at kagubatan ng Vietnam. Ang huling-huling sinakop ng mga North Vietnam Regular Army at mga VietCong ay ang kabiserang Saigon, na kinatapusang pananakop at pakikialam ng Estados Unidos sa kanilang bayan.
Ang lunsod na kapital ng isang bansa ang kinakailangang sakupin, nang maipatupad ang tunay na tagumpay!!!

Mayo 1, 1898 – Battle of Manila Bay, tinalo at pinasuko ni George Dewey ang militar pangdagat ng Espania na nasa pamumuno ni Admirante Patricio Motoya. Dali-dali naman na itinatag ni Aquinaldo na para bang mayroong siyang “deadline,” ang kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898. Isinagawa sa probinsya, Kawit, Cavite at hindi sa lunsod ng Maynila. Bago itatag ni Aquinaldo ang kalayaan, katakot-takot na meeting ang nangyaring isinagawa ni Aquinaldo at kaniyang mga “self exile” na mga rebolusyonaryo (pagkatapos ng Pack of Biak na Bato); Gregorio del Pilar, Isidoro de los Santos, Jose Leyba at mga Amerikanong consul at Consul General E. Spenser Pratt. Idinaos ang unang meeting noong Abril 24, 1898, sa isang “Pub” na kung tawagin ay “Mansion River” sa Singapore. Sa Pub na ito pinagusapan ang misyon ng mga Amerikano na paalisin ang mga Kastila sa mga natitirang mga islang kolonya nito; Cuba, Puerto Rico at Pilipinas na kasama ang Guam. Sa pangyayaring pakikipagpulong ni Aquinaldo sa mga Amerikano, ang paktong kasunduan na nilagdaan niya at mga Kastila sa Biak na Bato, ay kaniyang sinuway. Marami pang sunod-sunod na meeting ang nangyari, tuloy umuwi sa Pilipinas ang mga self exile na mga rebolusyonaryo. 

Sa ginawang pagbalik sa Pilipinas, lumabag na muli sa kasunduan ng Pack of Biak na Bato. Marami pang paulit ulit na mga meeting ni Aquinaldo at mga Amerikano. Hangang iproklama nga ni Aquinaldo sa Kawit, na kaniyang lunsod ang Kalayaan ng Pilipinas noong Junyo 12, 1898. Subalit ang pagkaproklama na sinagawa ay hindi dinaluhan ni isang Amerikano. Bakit, hindi ba’t sila ang ating comrade at arms? Kaibigan? Kakampi? Walang Gringong dumalo kahit mayroong imbitasyong isinagawa at ibinigay ni Aquinaldo. Maliwanag na ayaw ng mga Amerikano na kilalanin ang sting kalayaan. 

Hulyo, 1898, pinutol ng mga rebolusyonaryo ang rasyon ng tubig at pagkain sa Intramuros. Tuloy lahat ng mga residente sa loob ng siyudad ay walang mainom at makain. Ang mga naninirahan dito ay umaasa na lang sa ulan at napakaduming tubig mula sa balon. Mga kabayo, aso, pusa pati na daga ang kinakain ng 250,000 taga Intramuros. Tambak ang mga basura sa lansangan, tuloy marami ay nagkasakit. Ang niutral na konsul ng Belgium na nasa loob ng Intramuros ay nagsilbing mensahero ng Kastilang Kapitan Heneral Fermin Jaudenes at Amerikanong Heneral Wesley Merritt. Maladiplomasiyang pagalang ang isinusulat ng mga Kastila sa mga Gringo, tulad ng…

“Very respectfully” “Kissing the hands of your excellencies” “Without prejudice to the high sentiments of honor and duty which your excellency entertains”
Ang kabuoang nilalaman ng liham ng Kastilang Kapitan Heneral Fermin Jaudenes kay Heneral Wesley Merritt ng Amerika ay kahilingan ng pagsuko sa dahilang kawalaan ng pagasang magwagi sa kasalukuyang kondisyon nila sa Intramuros. Dalawa ang kanilang kahilingan sa mga Gringo…

1. Nais ni Jaudenes na mangako ang Gringong Heneral Merritt na huwag payagan, pigilan ang mga naghihimagsik na Pilipino, makapasok sa Intramuros.
2. Ang mga Amerikano ang pormal na magpapasuko kay Juadenes at mga naninirahang mga Kastila sa loob ng lunsod. Ito’y dapat na tuparin upang hindi mabahiran ang kaniyang kahihiyan at onor ng Espania.

Ang liham ay sinagot naman ni Heneral Merritt "We purposely gave the insurgents no notice of the attack on Manila, because we did not need their cooperation."

Halos lahat naman nang mga karatigpook sa labas ng Maynila ay nasa kamay na ng mga Pilipinong rebolusyonaryo. Galing Camino Real, ang puwersa ni Aquinaldo ay papasok sa Malate sa harapan ng Fort San Antonio Abad, mayroon rin sa Singalong, Sta. Mesa at Tondo. Ang kahanga-hangang pangyayaring tagumpay na isinagawang magisa ng mga Pilipino, sa pamumuno ni Aquinaldo! Isang Amerikanong war correspondent F.D. Miller ay sumulat… 

”the Insurgents had accomplished wonders in forcing the enemy (Spanish) to retire to their inner line of defenses, though they were practically without artillery.”

Si Dewey naman at ang kaniyang puwersang pangdagat ay nasa Manila Bay na hindi tumitinag. Ang mga American land troops ay hindi rin kumikilos hangang sa dumating ang buwan ng Agosto, ito’y isinagawa upang huwag lumabag sa kautusang galing sa Washington…

”Land soldiers are not allowed any positions, save several hundred yards from the Insurgents’ frontlines.” 

Nang dumating si Aquinaldo at mga rebulusyonaryo at napaligiran ang Intramuros, Si Aquinaldo ay patumpik-tumpik na tila may hinihintay na kung ano? Tila hindi mawari kung ano ang gagawin? Bakit?

Ang mga mahiwagangang katanungan ay ito…
1. Bakit tila naghihintay na kung ano, itong si Aquinaldo sa pagsalakay sa Maynila (Intramuros)? Napakalaki ng pagkakataon at panahon niya at ang kasamang mga rebolusyonayo na sakupin ang lunsod at angkinin ang tagumpay? Ano ang hinihintay ni Aquinaldo?
2. Bakit kumableng dali-dali si Dewey sa Washington at nagaalala na ang mga Pilipino ay nagwawagi at pinaliligiran na ang Maynila (Intramuros)?
3. Ano kaya ang tunay na detalya sa kasunduan ng mga Kastila at mga Amerikano bukod sa pagkakabenta ng mga Kastila sa mga Gringo sa kanilang nalalabing kolonyang mga isla, ng kanilang lagdaan ang Treaty of Paris?
4. Ano kaya ang pinagusapan sa meeting na isinagawa nila Aquinaldo at nang mga US consuls sa Singapore at Hongkong? Meeting nila Aquinaldo at Dewey? Nila Aquinaldo, General Merritt at General Greene?
5. Saan napunta ang salaping kabayarang ibinigay ayon sa kasunduan ni Aquinaldo at nang Kolonyal na Pamahalaan ng Kastila sa Pilipinas sa Biak na Bato. Ang kabayarang salapi ay nasa kamay ni Aquinaldo at kaniyang mga kasamahang Junta sa Hongkong. Bakit inudyokan ng mga Amerikano sina Aquinaldo na sumuway sa kasunduang Biak na Bato? Sa ginawang ito, mayroon kayang kabayaran na naman na nangyari?

Ika-9:35 ng umaga, Agosto 13, 1898, ang Gringong bapor na Olimpia at tatlo pa nilang bapor na pangdigma sa pamumuno ni George Dewey, ay patuloy sa pagkanyon sa Fort San Antonio Abad at na nagiingat na huwag tamaan ang Intramuros. Matapos ang pagkanyon na isinagawa, tulad ng Kastilang Admirante Patricio Montojo, si Juadenes ay winagayway ang puting bandila, bilang pagsuko nila sa mga Amerikano. Ika-11:20 ng umaga, ang hukbong Amerikano ay pumasok sa lunsod ng Intramuros (Maynila) at kanilang itinirik ang bandilang Gringo. Ang pinakamura, pinakamaigsi na digmaan sa kasaysayan ng Amerika, hangang sa kasalukuyan! Pinakakaunting nasugatan at namatay - tatlungpu’t tatlo ang sugatan at sampung Amerikanong sundalo na nagbuwis ng buhay sa “Mock Battle of Manila,” tagumpay na inangkin ng mga Gringo.

Maraming kilalang Amerikano ang sumalungat at binatikos ang imperialistang hakbang na ginawa ng kanilang bayang Estados Unidos. Andrew Carnegie, Grover Cleveland, Samuel Gompers, William Jennings Bryan at ang batikang manunulat na si Mark Twain na nagsabi…

“We have pacified some thousands of the islanders and buried them, destroyed their fields, burned their villages and turned their widows and orphans out of doors. The White Man’s Burden has been sung! Who will sing the Brown Man’s?”

Taong 1902, ng opisyal na natapos ang digmaang Pilipino/Amerikano, 5,000 Gringo ang tinala na namatay, na ang karamihan ay namatay sa init at sakit, samantalang 20,000 naman na mga Pilipinong pumanaw na ang karamihan ay sibilyan na walang kinalaman sa digmaan. Pilipinas ang unang Vietnam, Grenada, Somalia, Panama, Kuwait, Afganistan at Iraq. Ang natutunan at karanasan sa pananakop at kung paano maaakit ang “Hearts and Minds” ng mga nasasakupan ay natutunan sa pagkakasakop sa Pilipinas ng mga Gringo, nang mahigit na ngayon 210 taon.

Napakahiwaga ang kasaysayan ng kalayaan ng Pilipinas. 
# Marso 16, 1521 – ang mga Kastila ay sinakop tayo upang palayain ang kaluluwa ng Pilipino sa kasalan ng demonyo. 
# Mayo 1, 1898 – sianakop tayo ng mga Gringo upang palayain tayo sa mga mapagaping mga Kastila. 
# Disyembre 10, 1941 – sinakop tayo ng mga Hapon upang palayain tayo sa mga kolonyalistang Gringo. 
# Oktubre 14, 1943, opisyal na binigay ng mga Hapon ang ating kalayaan. 
# Pebrero 3, 1945 – muli tayong sinakop ng mga Gringo upang palayain tayo sa mga imperyalistang Hapon. Hangang sa bigyan nila tayo ng pekeng kalayaan noong Hulyo 4, 1946, na itinulad sa buwan at araw ng kalayaan ng kanilang bayan Estados Unidos. Isinagawa ng CIA ang peaceful revolution na “People Power,” Pebrero 22, 1986, sinasabi rin na ito ay kalayaan natin sa ganid na diktador ferdinand marcos. Alin, nasaan at kailan ang tunay nating kalayaan?

Tunay nga kayang malaya na tayo noong Hunyo 12, 1898? Tayo ay magiging malaya lamang kung ating tuluyang lalagutin ang mga taling nakakabit sa nagpapagalaw sa puppet na nakaraan at kasalukuyan nating pamahalaan. Saka lang marahil tayo ay buong puso may kasagutan, sa katanungang… 
mauulit kata ang mga kasakiman at malagim na nangyari sa ating kasaysayan?

ka tony
revised, the 27th of September, 2008
…about the painting above - “Filipinas, Cuba y Puerto Rico Libres” (copyright)
Artist – Tony Donato / Size - 35” X 30” / acrylic on canvas – the painting symbolize freedom from colonialism, imperialism, racism & freedom from sickness. Tri-color, triangle & stars of the Philippines’, Cuba’s & Puerto Rico’s flag are presented, the three last Spanish island colonies.
This painting was featured at “La Pena Cultural Center” Berkeley, California. All 25 exhibited paintings at La Pena CC, were silk screened and made into posters. Thousands copies of posters were sent to Cuba, to different cultural centers and galleries in Europe to raise funds to help Cuba’s AIDS Foundation.

Saturday, September 27, 2008

Pasong Tirad Lugar ng Kagitingan o Katangahan?


Gregorio



Si Che Guevara ay nagsabi "mountain warfare, specially battles on a mountain pass, is a big advantage for the defender in which victory is expected, than the invaders." Tulad din nang nangyari sa pagdedepensa ng "300 Spartans" sa panguguna ng kanilang haring si Leonides sa Thermopylae, laban sa kalahating milyong sundalong taga Persia sa panguguna naman ni haring Xerxes, kay tagal na labanan bago napatay ang 299 na mga Spartans. Nang ang mga Hapon ay natatalo na noong WW ll, ipinasya ni Heneral Yamashita ang mamundok at isinagawa ang "Guerrilla Warfare" sa ginawang “strategy” matagal bago sila napasuko. Katunayan maraming mga WW ll na sundalong Hapon, tulad ni Hiroo Onoda na nanatili at matiwasay na namuhay ng matagal sa isinagawang pamumundok sa Pilipinas at noong dekada 60s lang sumuko. Si Heneral Antonio Luna ay nagpasya at isagawa na ang "Guerrilla Warfare" sa bundok laban sa mga Gringo, ngunit sa kasawiang palad siya ay inasasina sa Bayambang, Cabanatuan.

Ang kamalian ni Don Emilio Aquinaldo y Famy ay tumakas na walang direksiyon 'di malaman kung saan tutungo, walang ginawang pagpaplano kung ano ang mainam na gagawin, tuloy umabot sa karagatan ng Palanan, na wala nang mapagtakbuhan. Kaya nga't sila ay napadaan sa Pasong Tirad na kasama ang kaniyang paborito at pinagkakatiwalaang Heneral Gregorio del Pilar. Ang Heneral, kasama ang 53 rebolusiyonaryo ay nagbuwis ng kanilang buhay, nang sa ganoon'y makatakas si "El Presidente". Ang ngayo'y itinuturing natin Pasong Tirad na simbolo ng kagitingan at hindi katangahan.

Si Gregorio del Pilar ay ipinaganak sa San Jose, Bulacan noong Nobiyembre 14, 1875. Ika-5 sa anim na anak, ang kaniyang Tiyo ay ang bayaning Marcelo del Pilar. Ang mga magulang ni Gregorio ay maralita, kaya't napilitan siyang nagtitinda ng kakanin noong siya ay bata pa upang makatulong sa kabuhayan nilang magpamilya. Siya naman ay nakapagaral sa Ateneo at may kahusayan sa Latin, Greco, Kastila, pilosopiya at algebra. Nakatira at pinagaral ng kaniyang tiya na maybahay ni Deodato Arellano na isang manunulat ng propaganda para sa KKK. Ang kaniyang naging gawain sa amain ay magpasa ng propaganda na mga sinulat at inimprenta ni Arellano.

Dahil sa kahirapan si Goyo (kung siya ay tawagin) ay 'di makayanang makapagaral sa unibersidad, kaya't siya ay nagaral na lang sa "school of arts & trades," upang maging "maestro de obras." Ang KKK sa Bulacan ay hindi naging matagumpay kaya ito’y hindi ipinagpatuloy. Kumalat ang balita ang lakas at matagumpay na paghihimagsik sa Cavite at dahil dito ang mga Bulakenyo'y nagsipagalsang muli. Ang barrio Kakaron de Sili, na nasa kalagitnaan ng San Rafael at Santa Maria ay may isang "mistikong lider" na nangagalang Maestrong Sebio na 'di umano daw ay hindi tinatablan ng bala, tuloy marami sa kaniyang  sumasampalataya at hinirang mamuno sa himagsikan, kasama na rito ay si Goyo.

Bagong taon ng 1897 -Si Goyo kasama ang kapatid na si Julian at kanilang bayaw, puspusang nakipaglabanan sa mga kastila, siya ay nagpamulat nang katapangan at nakaagaw ng 14 baril na "Mauser" mula sa napatay niyang "casadores". Dahil dito'y kaagad siyang ginawang kapitan ni Maestro Sebio. Bukod sa nangyaring ito, marami pang beses siyang nakaagaw na mga baril sa iba't ibang labanan. Ang balitang ito ay parang apoy na umabot ang balita kay Aquinaldo na agad-agad na itinaas ang kaniyang katungkulan muli na maging Koronel.

Disyembre, taong 1897 lalong naging malapit ang kalooban ni Aquinaldo kay del Pilar, lubos na humahanga at pigkakatiwalaan, tuloy isinama siya sa Hongkong sa isinagawang "self exile" ni Aquinaldo sa Pakto ng Biak na Bato. Ang buwan ng Disyembre ay napakahalaga sa buhay ni Del Pilar, Disyembre ng siya ay sumanib sa KKK, Disyembre naman nang isinama siya sa ginawang "Self Exile" sa Hongkong ni Aquinaldo, Disyembre rin ng namatay siya sa Pasong Tirad. Nang tanghalin ni Aquinaldo ang kaniyang sarili na Diktador ng Pilipinas, sinabi ni Aquinaldo kay Tomas Mascardo..."Isinama ko si Goyo sa Hongkong, Singapore at Saigon, sapagkat siya ang aking tagapagpayo, pinagkakatiwala ko sa kaniya ang lahat, hangang sa aking kamatayan. Dahil dito, si Goyo ang aking na piling Diktador ng Bulacan at Nueva Ecija."

Nang sumuko ang mga Kastila sa Bulacan noong Hunyo 24, 1898, tunog ng mga kampana sa simbahan ay walang humpay, sabay sa pagkanta ng korong mula sa naggagandahang mga dilag na umaawit sa nilikhang tugtugin alay kay Goyo ni maestro Pedro Santos. Ang ala "Prinsipe Amante" na del Pilar ng Bulacan, ay nakasakay sa kaniyang kabayong puti, nakabagong unipormeng khaki na ipinasadya pa sa Hongkong, bagong bota na mula sa Inglatiera na may pilak na "spur" at ang mga diamanteng singsing nasa kaniyang mga daliri'y nagkikislapan. Kababaihan sa kaniya'y kay laki nang paghanga, kahit batid ng mga ito na napakadami niyang mga "querrida" sa iba't-ibang lugar. Isang 'di magandang pangyayari noong inagurasyon ng Kongreso sa Malolos nang si Heneral Isidoro Torres ay napiling mamuno sa mga rebulusyonariong sundalo, humahagibis na nagtugo si del Pilar sa gitna ng plaza na nakasakay sa kabayo, sa harap ng lahat, kasama na si Aquinaldo at mga kongresista, si del Pilar ay ubod lakas na sumigaw "Heneral Torres...kung saan ang teritoriyo ni Heneral del Pilar, ikaw ay hindi maaaring mamuno!!!" Si del Pilar ay walang sinasaluduhan o sinusunod na inuutos mula sa mga nakakataas sa kaniyang opisyales, bukod tagi lang si Aquinaldo at mga inuutos nito ang kaniyang sinusunod.

Hunyo 4, 1899 nang anyayahan ni Aquinaldo si del Pilar na makipagkita sa kaniya sa San Isidro, Nueva Ecija upang ipaalam at ibigay ang isang napakahalaga at sikretong misyon. Si Antonio Luna na kung tanghalin ng mga Gringo "the Filipino military geinus," ay isang creole na ilustrado, kinakaingitan, mainitin ang ulo, walang respeto at pitagan kay Aquinaldo, isang Ilocano na hindi makasundo ni Aquinaldo pati na nang mga Cavitenong kababayan. Dahilan sa kawalan ng pitagan at paglabag ni Luna sa mga kautusan ni El Presidente, sinakdal si Heneral Luna sa salang sidisyon na nararapat na patayin.

Pinadalhan ng telegrama si Luna nagmula kay Aquinaldo upang ang dalawa ay magkita sa Cabanatuan. Subalit ito'y pain na panlilinlang ng Presidente na hindi dadalo at kay Luna na haharap ay si del Pilar sa misyong ibinigay ni Aquinaldo upang patayin si Luna. Nang dumating si Heneral Antonio Luna sa Cabanatuan, nagmamadaling umaakyat sa hagdanan ay nasalubong ang isang tanod na hindi siya pinansin at sinaluduhan. Ang disiplinaryong Heneral ay sumigaw
"...Cimverguensa!!! ...wala bang nagturo sa iyo na sumaludo sa nakakataas sa iyo?!!!"
Ang tanod ay kaniyang nilapitan at ito'y sinampal. Sumunod naman niyang na kaharap ay ang matagal na kaaway niyang si Felipe Buencamino at Pedrong Kastila. Batid ng dalawa ang misyong utos na pagpaslang kay Heneral Luna. Naginit lalo ang ulo ni Luna ng mabatid nito na wala pala ang Presidente Aquinaldo sa Bayambang, tulay sumigaw na. "...Puneta, nanggaling pa ako sa malayo at wala palang mangyayari!!!"
Muling nagkaroon ng alitan ang dalawa, sanhi sa matagal na  galit ni Buencamino kay Luna sa pagsampal sa kaniya sa harapan ng madla, isa sa kanilang matagal ng alitan, 'di na ni Buencamino hinintay ang sekretong misyon ni del Pilar at siya na mismo ang nagsagawa sa pagpaslang sa magiting na Heneral Antonio Luna. Ang Heneral ay pinagbabaril, sinibak naman ni Pedrong Kastila ng bolo sa ulo at mukha, ang ibang mga tanod at kawal naman'y si Luna ay pinagsasaksak. Sugat-sugatan ang Heneral subalit ito'y nakalabas pa sa lansangan at naka pagpaputok ng kaniyang baril, habang sumisigaw ng "...Mga traydor, mga duwag!!!" at doon sa lansangan binawian ng buhay ang magiting na Heneral Luna. Sa kalayuan ng San Isidro sa Bayambang si Heneral Luna ay patay na, bago nakarating ang berdugong del Pilar. Mula noon lalong naging malapit ang Presidente sa kaniyang paboritong Heneral del Pilar, sila'y magkatalikod na nagmamasid, nangagamba lalo't lalo na sa mga Ilokanong rebulusyonaryo na baka ipaghiganti ang kanilang pinaslang na Heneral Luna.

Unang araw ng Disyembre nang mapasailalim ang Concepcion,  sa mga Gringo. Ang Kabundukan ng Concepcion ay Tirad, na kasalukuyan sina Aquinaldo kasama si del Pilar at kanilang rebolusyonaryong mga tauhan ay patuloy sa pagtakas sa paghabol sa kanila ng tropa ni Major Peyton March. Karamihan sa mga sundalong Gringo ay beterano ng "Indian Wars" at nakakarami dito'y mga "sharpshooters." Napabalita na mayroong napatay na 53 rebeldeng Pilipino at kabilang dito ay si Heneral Gregorio del Pilar sa kabundukan ng Pasong Tirad.

Mahirap paniwalaan ang Gringong pahayagan lalo na sa panahon na 'yon. Kauumpisa pa lamang ang binuksang pahayagan na pagaari ni William Hearst. Ito'y naghahanap nang mga pangyayari malaki man o maliit na balita, ito naman ay kanilang bibigyan ng "kulay," palalakihin at bibigyan ng kaguluhan nang maitala, upang mabili ang kanilang bagong pahayagan. Tulad din sa Cuba nang ipadala niya ang "war corespondent" na si Frederic Remington, may anim na buwan na ito sa Cuba at wala pa rin balita at nangyayaring gulo matapos ang pagsabog ng barkong "Maine." Bilang pagkainip tumelegrama si Remington "There will be no war, can I come home?" Ang naging kasagutan naman ni Hearst..."Please remain, you furnish the pictures and I'll furnish the war".

Kung mayroong bayani at kasaysayan na hinubog ng mediang Gringo, ito ay si del Pilar at ang pagyayari sa Pasong Tirad, kailangan nila ito nang sa ganoon ay magkaroon ng drama, kaunting imahinasiyon, nang gumanda ang tingin ng mundo sa America at mabili rin ang kanilang pahayagan. Dalawang reporter ng diyaryong "The Manila Freedom" ang kasama at nagsipagsulat ng maladramang labanan ng mga Gringo at del Pilar sa Pasong Tirad; John McCutcheon at si Richard Henry Little (ng Chicago Tribune)...

"Del Pilar was the last to fall, wearing well tailored khaki uniform, boots with silver spurs, three gorgeous golden medallions hanging around his neck. We heard his voice continually during the battle urging his men to greater effort, scolding them, praising them, cursing, appealing one moment to their love of their native land and the next instant threatening to kill them himself if they did not stand firm." 

Mala-Hollywood ang pagkakapinta sa naturang eksena at pamumuno ni del Pilar. Ang nakapagtataka kung paano napakalinaw at madetalya sa pandinig nila McCutcheon at Little ang mga sinasabi ni del Pilar, bukod sa nangyayaring komusyon, kaguluhan, putukan, tumutumbang mga sundalong tinamaan ng bala sa kapaligiran, napakalayo at napaka tarik na Pasong Tirad upang mabatid at madinig ang sinambit ni Del Pilar sa mga tauhan! Bukod dito'y, bakit naiintindihan ng dalawang Amerikanong diyarista na si McCutcheon at Little ang sinasabi ni del Pilar sa kaniyang mga tauhan sa wikang Tagalog? Napakalinaw ng kanilang mga mata naman at kitang-kita ang pananamit at suot na mga alahas ni Heneral del Pilar. Kung ang heneral ay kanilang tanaw na tanaw at nakalantad, nakasakay pa sa kabayong puti na nagsisigaw sa kaniyang mga sundalo, 'di ba dapat siya agad ang puntiryahin ng mga "sharpshooters?"

Ang tunay na pangyayari tugon sa ibinigay na testimoniya ni Vicente Enriquez, matapat na kaibigan, kababata sa Bulacan at pinagkakatiwalaan ni Del Pilar, sa mga nagusig sa kaniya ng siya'y mahuli (actual testimony was in Pilipino but translated as is, for the U S army by a Pilipino interpreter)…

"we passed the night in the cabin on the peak. Around dawn (Dec. 2) we heared shooting from Concepcion. At daybreak the general ordered me to go down to the trenches to see what was going on. From the hilltop I saw American troops resting below, their arms stacked up. Our soldiers told me our position was impregnable. We all agreed we are winning the battle. I returned to the peak where I left General Del Pilar, but on the way up I saw him with Lieutenant Telesforo Carrasco & Vicente Morales & the bugler. I told him what I have seen. The general quicken his pace on learning that the Americans could be seen from a certain high point. We arrived on the top of the trenches. Then we went to the hilltop where I was & the moment we got there we heard renewed firing and saw our soldiers giving battle. Our soldiers pointing their hands, warned Del Pilar that the enemy was almost on top of us but could not see nothing save an irregular movement of the cogon grass. So the general ordered a halt to the firing. And erect on the hilltop to see & distinguish the enemy. While he was doing this he was hit by a bullet. The general covered his face with both hands & falling backward & diying instantly. Always handsome & elegant."

Hindi natin masyadong maunawaan ang pagkakasalin sa wikang ingles nang testimoniyang ibinigay ni Enriquez. Ang pagkakaiwan at pagnanakaw sa personal na gamit, sa bangkay ng heneral ay 'di ko na rin babangitin, sapagkat mala-hollywood na muli, ito nama'y nabasa na natin sa ating "history books" na nilimbag ng mga Gringo, ipinagamit sa paaralan at tuluyang lasunin ang kaisipan ng mga paslit na bata, nang mabura at maipairal sa murang kaisipan ng magaaral ang ninanais ng koloniyal nilang hangarin. Pati na ang paglalahad sa pahayagang “Chicago Tribune” kaugnay sa bangkay ni del Pilar nila McCutchen at Little, na isinama rin sa ating pangaklat paaralan ay pawang “makulay na eksena” sa Hollywood…

“We took his Memoirs, his letters, all his papers. And Sullivan look his pants, and Snider his shoes, and the sergeant one of his silver spurs, and a lieutenant the other other spur, and another soldier some of his buttons. I also took some buttons; his neck was still drenched with blood ….

And a soldier showed us a silk handkerchief. It was also Del Pilar’s …. Over the left was embroidered the name of his girl friend. I saw another soldier of ours, seated on a rock, examining in his hands a golden locket taken from the General, containing a strand of a woman’s hair. A crow perched atop his feet, another hovered over his head. And I thought we had stripped del Pilar of everything; but no, I was mistaken: his glory, his glory as a soldier remained.”

Ibig ko lamang mailathala ang katotohanan at tunay na nangyari. Ito'y hindi dapat itago sa pang pansariling kapakanan at pagtakpan ang kamalian, kung mayroon nga kamalian, ito'y pagaralan upang huwag nang maulit pa. Hindi ko binabahiran ang nagawang kadakilaan o kasalanan ni del Pilar, bilang isang sundalo, kaniyang sinunod lamang ang mga kautusan ng kaniyang tinigalang autoridad. Ang "pupet" ay madaling wasakin, subalit ang nagpapagalaw at nakakabit na mga pisi dito ay kay hirap putulin!

ka tony
revised - the 2nd of December, 2007

Sunday, September 21, 2008

Ang Pagkamatir ng GOMBURZA















Pebrero 17, 1872 - ang kolonyal na pamahalaan ng kastila sa Pilipinas ay sinakdal ang tatlong pari na kung ngayon'y tawagin natin ay GomBurZa. Ang tatlong sekular na Pilipinong pari ay pinagbintangan na nagpasimula ng munting rebelyon noong gabi ng 20, Enero, 1872. Ang tatlo ay inakusahan, nilitis at sinintensyahan na patayin sa pamamagitan ng garrote na wala man lamang na abogado o nagdipensa tugon sa ginawang paratang sa kanila.

Maitutulad ang pangyayaring ito at maihahambing noong kapanahunan ng diktator marcos. Ang pamahalaang marcos ay hahanap ng butas upang ikaw ay mapagbintangan, maakusahan lalo na't kung ikaw ay salungat sa kaniyang pamamalakad. Si Padre Mariano Gomez ay isang mestisong Hapon at isang banal na pari, malaki ang naitulong niya sa pagreporma ng lupa para sa mga magsasaka. Ang mga mahihirap at magsasaka ay siya sana'y ipagtatangol, subalit kaniya itong pinigilan, ipinatabi at mahinahon siya ay nagpatali ng kaniyang mga kamay sa mga guardia civil. Kasama niyang hinuli ay ang kaniyang pamangkin na si Padre Feliciano Gomez sa kumbento ng kaniyang paroko sa Bacoor.

Si Padre Jacinto Zamora ay isang sekular na pari, maraming nagsasabi na ang tunay nahinahanap na dakpin ay isang nangangalang Jose Zamora at hindi Jacinto Zamora. Ito ay isang pagsosona ng mga maykapangyarihang Kastila, dahil sa pagsusulsol sa mga ito ng mga Kastilang prayle at pari na naiingit sa itinatag na sekular ng mga paring Pilipino. Ang pagsonang ginawa ay upang tumahimik ang mga laban sa kanila, magbigay aral, matakot ang nakakarami at upang huwag tularan. Mayroon rin na nagsasabi na si Padre Zamora ay isang marangal na pareng Pilipino, na kaya lamang dinakip ay dahilan sa pagkamalapit niya kay Parde Burgos.

Si Padre Jose Burgos ay isang Insulares/Creole, tunay na mapusok, aktibista at nagnanasang magkaroon ng reporma sa bayan at simbahan. Siya ay nanguna sa isang malaking pagaalsang ginawa ng mga istudyante sa San Juan de Letran, na ikinamatay ng isang magaaral. Bilang isang Insulares/Creole siya ay maaaring maging paring Dominicano, Recolletos, Agustino o Jesuit, subalit sa sanhi ng kaniyang pagkaaktibista, kaniyang pinili ay Pilipinong Sekular. Siya ay kinaiingitan ng mga prayle at paring kastila, sapagkat isa siyang Pilipinong sekular at napili pang maging Cura Parocco ng Katedral ng Maynila.

Isang nadakip at inakusahang kasapi sa na sabing "Cavite Mutiny" ay isang mestizo na nangangalang Francisco Saldua, na kung ating susuriin ang kaniyang angkan, siya ay apo ni Charlotte Corday - ang babaeng Fransesa na pumatay at inasasina si Jean-Paul Marat habang ito ay nasa "bathtub" na naliligo na may sakit sa balat, noong "French Revolution." Si Saldua ay bumaliktad na ala Judas at nagtestigo na laban kay Padre Burgos at kasama ng dalawang akusadong pari; Gomez at Zamora, na sila raw ang nagpasimula nang naturang pagaalsa sa Cavite. Dahilan sa ginawang "Cavite Mutiny" ito ay ikinamatay ng isang mataas na kastilang opisyal. Si Saldua ay nasintensyahan na gagarrotehin, kasama ng tatlong pare sa itinakdang araw. Ngunit si Saldua ay hindi nabahala, sapagkat tulad ng sa kaniya'y pinangako ng mga Kastila, na siya ay pawawalan nang sala sa huling sandali sa entablado ng garrote at hahandugan pa nang kabayarang salapi sa kaniyang pagtetistigong ginawa laban kina Burgos, Gomez at Zamora.

Ala 5 ng umaga nang nasabing araw, hiniling ni Gobernado Heneral Rafael Izquierdo, sa Arsobispo ng Maynila Gregorio Meliton Martinez, na bago magarrote ang talong pari, upang lalong sila ay mapahiya ay nararapat na ang mga ito'y hindi nakasuot ng kanilang Abito. Subalit ang Arsobispo ay hindi sinunod ang kautusan sa kaniyang naniniwala na ang tatlong pari at inosente sa kanila'y ibinintang na kasalanan. Ang Arsobispo ay nagpatunog nang mga kampana bilang isang huling pagsaludo sa tatlong pari habang ang mga ito'y patungo sa Bagumbayan.

Ang nangunang pumanhik sa entablado ng garrote ay ang nakangiti pang mestizong Francisco Saldua. Tulad niya'y isang walang takot sa kamatayang mabilis na lumapit sa opisyal na Kastila. Subalit ng utusan ang berdugo na si Saldua ay lagyan nang itim na saplot ang kaniyang mukha, tinali ang mga bisig at ipinaupo sa silya ng garrote, siya ay nagpupumiglas. Hindi niya akalain na aabot dito ang sa kaniya'y gagawin, siya ay nagsisigaw at naglalaban, sampung katao ang pumipigil sa kaniyang pagwawala at pagtitili sa pagkakaupo sa garrote, samantalang hinihigpitan naman ng berdugo ang panakal na garrote! ...at bigla na nga tumahimik at nalagutan siya ng hininga.


Ang sumunod na pumanhik sa entablado ay ang 85 na taong gulang na si Padre Gomez, sa kaniyang paglalakad na uukod-ukod sa katandaan at nahulog ang salamin niya sa mata. Huminto, pinulot at isinoot na muli at humarap sa mga tao, nagwika..."Tayo'y magtungo na kung saan, ang mga dahon ay hindi titinag kung hindi pagagalawin ng Maykapal!" Si Padre Gomez ay mahinahong umupo sa silya ng garrote, isinagawa sa kaniya ang pagpatay.

"JACINTO ZAMORA!!!"...nang marinig ni Padre Zamora tawagin ang kaniyang pangalan, ito'y umakyat sa entablado na wala man lang na sinabi, ...matahimik at mahinahong nagpalagay ng itim na tela sa kaniyang mukha at umupo sa silya ng garrote. Natulala na tila ang lahat ng nangyayari ay isang panaginip lamang. Nangginginig ang buong katawan at namamalipit, habang hinihigpitan ang panakal na garrote.

Matapos magarrote ang dalawang kasamang pari, si Padre Burgos ay pumanhik sa entablado nang kamatayan, doon siya ay tumigil at humarap sa kastilang Koronel Boscasa, taglay pa rin ang pagkamapusok, tapang aktibista at nagsabi... "Pinapatawad kita at sana'y ang Diyos ay patawarin ka rin, tulad ng pagpapatawad ko sa iyo" Si Padre Burgos ay mahinahon na umupo sa silya nang garrote, subalit biglang itong tumayo at sumigaw...

"AKO AY INOSENTE!!!" Sinagot naman siya ng Prayleng Benito Carominas na rector sa paaralang Universidad de Santo Tomas... "Si Kristo ay inosente rin!" Sa pagsagot na ginawa nito ng prayle, minasdan ito ng masamang tingin ni Padre Burgos at nagpatuloy... "Ano ang nagawa kong kasalanan? Ako ba ay mamamatay nang walang man lang saysay? Diyos Ko!!! ...walang katarungan sa mundong ito!!!" Pagkasigaw niyang ito, lumapit ang berdugong sa kaniya'y papatay. Ang berdugo ay nagwika..."Padre, ako'y iyong patawarin sa aking gagawin sa iyo." Ang pari ay malungkot na minasdan ang mata ng berdugo na dito lamang sa mga butas ang hindi natatakpan ng saplot sa mukha at mahinahong tumugon... 
"Pinatatawad kita anak... gawin mo na ang pinaguutos sa iyo." Pagkakasabi nito, si Padre Burgos, ay hinarap ang mga nakaluhod na mga tao at kaniyang itinaas ang kanang kamay upang ang lahat ay basbasan. Siya ay umupo na sa garrote at tinakpan naman ang kaniyang mukha. Habang hinihigpitan ng berdugo ang kahoy at bakal na panakal sa leeg ng pari, si Padre Burgos ay sumisigaw..."Aking Amang Panginoon, kupkupin po ninyo ang kaluluwa ng isang inosent..." hindi naituloy ang kaniyang huling habilin at siya ay nalagutan nang hininga.

Ang mga labing bangkay ng GOMBURZA ay ibinaon sa isang sulok sa Sementeryo ng Paco na wala man lang inilagay na krus o palatandaan. Kamakailang taon lamang napagkaalaman na isang "rest room" na pangbabae ang naitayo sa pinagbaunan ng labi ng dakilang GOMBURZA! Tunay na kahabag-habag ang hinantungan ng tatlong Pare na nagsilbing bilang pingki kay Rizal at naging mitsha ng himagsikang tinatag laban sa kolonyalistang mga Kastila.
ka tony
revised the 21st of September, '08