Maging isang pagsusuri sa sarili ang ibig sabihin ng "Pilipino Identity" Upang pasimulan papandayin ang bansang ganap na malaya, maunlad, mapayapa at makatarungan para sa lahat, sa ating mga anak at sa susunod na salin-lahi!
Saturday, December 4, 2010
Ang tunay na pangyayari at mga katanungan ukol sa paglilitis sa Bayaning Gat Andres Bonifacio.
Matapos pinawalang bisang eleksyon sa Tejeros, ni Gat Bonifacio, kaniyang inimbita ang isang Kolonel Agapito Bonzon, alyas "Kolonel Yntong" noong Abril 27, 1897 magkipagalmusal, sa pansamantalang tinutuluyang bahay ng Supremo. Matapos ang kainan at palitan ng balita, si Kol.Yntong ay namaalam na at ang ito naman ay pinabaunan pa nang sigarilyo ng Supremo pati na ang kaniyang mga kasama.
Kinabukasan, nagbalik sa tinutuluyang bahay ng Supremo si Kol.Yntong, na pinatuloy naman ng mga tanod sapagkat kahapon lamang ang Kolonel pati na ang mga kasama ay nakipagalmusal pa. Nagpaulan ng punlo si Kol.Yntong at ang mga kasama nito sa bahay ni Bonifacio na ikinamatay ni Ciriaco, kapatid ng Supremo.
Lumabas si Bonifacio, at nakiusap na maging mahinahon ang lahat. May sumigaw sa hukbo ni Yntong, "...Humarap ang walanghiyang Supremo na magtatakas ng aming salapi!!!" Gulat at awa sa pinaslang na kapatid na si Ciriaco, ang Supremo ay mahinahon at payakap na sumagot... "Mga kapatid, ako'y walang ginawang kawalanghiyaan." Sa pagkakasabi nito, sabay na may bumaril sa kaniya't dumaplis sa balikat at tinamaan ang kasama na nasa kaniyang likod na ikinamatay nito. Muling nakiusap ang Supremo... "Mga kapatid, tingnan ninyo na ang pinatay ninyo ay inyo ring kapuwa Tagalog." Sa pagkakasabi nito ay pinaulanan siya ng punlo, na kaniyang ikinatumba.
Nakahiga ang Supremong sugatan, sinamantala ni Kol. Ignacio Pawa ang pagkakataon at paulit-ulit na sinaksak ang Supremo sa leeg. Sa buong akala ng lahat na patay na ang Supremo, kinamkam ang lahat nang kanilang sandata ni Kol.Yntong. Si Procopio na kapatid ng Supremo ay nakagapos at pinalo sa mukha ng riple.
Si Aling Orang (Gregoria de Jesus), na maybahay ng Supremo ay dinakip rin sa Indang, Cavite ni Kol.Yntong na pinilit na papasukin sa bakanteng bahay upang pagsamantalahan, na ayon sa testimonya ng nakakita... "sa talagang kilos ilugso ang kapurihan." Nakiusap at nagmakaawa ang Supremo kay Tomas Mascardo sa masamang hangarin ni Kol.Yntong.
Sa paglilitis ng hukuman sa Cavite laban sa magkapatid na Bonifacio at Aling Orang, ang bintang nila Kol.Yntong at Kol. Ignacio Pawa ay ang magkakapatid ang na unang nagpaulan ng punlo sa kanila. Ang halos hindi makapagsalitang Supremo ay nagsabing kinumpiska ang kaniyang baril, na naroroon bilang ebidensya sa hukuman at lahat nang punlo ay nasa baril na wala man lamang napaputok! Subalit ang lahat nang mga ebidensya at pangagatuwiran ng magkapatid ay binali wala ng hukuman ni Kol. Pantaleon Garcia. Hukuman Militar naman ay kinabubooan nila: Opisyal: Mariano Riego; Kinatawan: Crisostomo Riel, Esteban Infante, Tomas Mascardo, at Sulpicio Antoni; Tagapagtangol: Placido Martinez, Teodoro Gonzales Piskal: Jose Elises.
Ang testimonya naman ni Aling Orang sa hukuman, na siya ay nagkubli sa isang magubat na lugar samantalang pinapaulanan ng punlo ang kanilang bahay na tinutuluyan. Siya ay hinuli at pilit na tinatanong kung saan nakatago ang salapi ng Supremo, tunay na kaniyang sinabi na wala silang salaping daladala. Nang hindi ito paniwalaan ni Kol.Yntong, siya ay ipinagagapos sa isang puno at ipinagulgulpi sa mga tauhan, na hindi naman ito sinunod sa dahilang siya ay babae at naguumiyak. Sa pagpapatuloy ni Aling Orang ng kaniyang sanaysay, inagaw pa ni Kol.Yntong ang singsing na pangkasal nila ng Supremo, pati na ang kaniyang labingdalawang piso at mga punlo. Tumawid sila ng daan at nagtungo sa isang bahay na sinabihan ang mga nandoroon na magsipagalis. Siya ay pinilit na paakyatin sa bahay na walang tao. Sa pagbibigkas nito, bigla na lamang tumahimik at hindi na makapagsalita si Aling Orang, napapahiya at naiiyak! Sa ikinilos ni Aling Orang, tila maliwanag na nangyari ang makahayop na pangagahasang isinagawa sa kaniya ni Kol.Yntong! Samantalang ang dugu-duguan na Supremong kumot lang ang saplot na basang-basa sa dugo, naiiyak sa testimonya ng kabiyak na mas mahapdi pa sa mga sugat na taglay ang nadarama, sa naririnig na hinatnan!
Nang matapos na ang paglilitis at paghuhukom, hinatulan ang magkapatid na Bonifacio nang kamatayan!!!
Ayon sa sanaysay ni Lazaro Macapagal...
Noong ika 10 ng Mayo, 1897 araw na nilusob ng Kastila ang bayan ng Maragondon, Cavite. Tinangangap ko ang kautusan mula kay Heneral Mariano Noriel na dahilhin ang magkapatid na Andres at Procopio, sa Tala, Maragondon. Inabot sa akin ni Heneral Noriel ang selyadong sobre, na huwag bubuksan at sundin ko ang kautusang nilalaman nito, pagsapit sa nasabing pook.
Habang aming ianaakyat ang matarik na bundok, itinatanong sa akin ng magkapatid na baka raw sila babarilin. Ang tugon ko'y hindi, at ang orden sa akin ay dalhin sila sa Tala upang ilayo marahil sa laban.
Buhat-buhat ang sugatang Supremo sa duyan, kami ay dumating sa paanan ng budok Tala. Si Don Andres ay nagsabi, "Kapatid malapit na rin lang tayo sa bundok ng Tala ay baka mabubuksan na iyong pakete o sulat at ng malaman namin kung saan mo kami iiwan." Aking binuksan at binasa sa lahat ang sulat na nilalaman ng sobre, na pinaguutos na patayin ang magkapatid.
Nang kanilang marinig na barilin ang magkapatid, napalundag sa pagkakaupo si Procopio, sabay nagwika... "Naku kuyang!" Ang Andres ay napaluhod at akmang ako ay yayapusin nagsabi, "Patawarin ninyo ako, kapatid!" Tugon ko'y, kinalulungkot ko, kailangan kong isagawa ang ipinaguutos sa akin.
Aking iniutos sa aking mga kawal na barilin nang patalikod, ang malakas pang si Procopio. Ang kaniyang bangkay ay ibinaon nang mababaw, sa dahilang bayoneta at bolo lamang ang gamit na panghukay.
Samantalang ako ay lumalakad nang papalapit kay Andres, siya ay nagsabi... "Patay na ang kapatid ko. Patawarin ninyo ako kapatid!" Muli kong sinabi na kailangan kong sundin ang laman nang sulat.
Si Andres ay nagtangkang tumakas, subalit ang kapaligiran ay masukal at siya ay naabutan namin sa may ilog, na binaril namin siya sa likod. Binaon rin ang kaniyang bankay sa mababaw na hukay, na tinabunan na lang namin ng mga dahon at sanga ng punong kahoy.
Kami'y nagbalik sa bayan ng Maragondon, sinalubong kami ng kaniyang maybahay na si Gregoria de Jesus at nagtanong kung nasaan ang magkapatid. Sa aking awa ako'y hindi makasagot, 'pagkat malaking lumbay ang idudulot sa kaniya. Gayon man napilitan akong sumagot. "Magpatuloy kayo at itanong sa Pangulo sa Tala."
Habang kay daming mga ulat at pananaliksik ukol sa kinahinatnan ng Dakilang Supremo, lalo naman dumadaming katanungan at mga ulat na dapat liwanagin.
1. Bakit nais ng samahang Magdalo (pangkat ni Aquinaldo), magkaroon ng "PAMAHALAANG HIMAGSIKAN" kapalit sa itinatag na pamahalaan nang Katipunan, ganoong ang kalayaan ay hindi pa nakakamit?
2. Bakit nangagailangang isali sa halalan ang Supremo, samantalang siya ang pinuno at inanyayahan lang siya upang magmasid at mamagitan sa nagtatalong samahan MAGDALO at MAGDIWANG?
3. Ayon kay Heneral Artemio Ricarte at Santiago Alvarez, bago pa man magkaroon ng halalan sa Tejeros, si Daniel Tirona (ang sumalungat sa pagkahahalal sa Supremo bilang Ministro ng Interior, sapagkat wala itong pinagaralan), ay nagkakalat na nang balita laban kay Bonifacio. Na ang Supremo ay isang Mason, na hindi naniniwala sa Diyos, walang relihyon at galit sa cruz. Ispiya ng mga Aleman, mayroong kapatid na babae na "querrida" ng pare sa Tondo. Ang Supremo raw ay ginagamit at ninanakaw ang pondong pera ng Katipunan. Kaya ng hulihin ang Supremo ng mga tauhan ni Aquilnaldo, kasama si Kol.Yntong, ang kanilang bintang ay... "humarap ang walanghiyang Supremo na magtatakas ng aming salapi!"
4. Ayon pa rin sa mga 'memoirs' nila Heneral Ricarte at Santiago Alvarez, nang ipasa ang mga balota ni Daniel Tirona sa mga depotado, ang mga papel na iyon ay mayroon ng mga pangalan ng kandidato! Isang ginoo na nagmamalasakit kay Bonifacio, Diego Mojica ay binalaan na si Bonifacio sa dayaan na mangyayari, subalit ang Supremo ay hindi ito binigyan ng halaga.
5. Bago maghalalan sa Tejeros, ang Supremo ay nagsabi na... "Atin pagkasunduan na tayo ay susunod sa kagustuhan at ihahalal ng nakakarami, ano man ang katayuan sa lipunan ng isang kandidato" Subalit ito ay sinuway ni Daniel Tirona nang ihalal at manalo ang dating Supremo bilang Ministro ng Interior.
6. Hindi ba tama lang ang pagwawalang bisa ng Supremo sa halalang naganap kung ito'y tunay na hindi malinis, hindi patas, dayaan at mayroong pinapanigang kamaganak at kababayan?
7. Saan napapunta ang nilagdaang kasulatan ng 45 na katao, kasama na dito ang Supremo na "Acta de Tejeros" na nagsasaad sa pagwawalang bisa nang halalan dahilan sa dayaang nangyari?
8. Totoo nga kaya ang bintang na sidisyon ang pagpupulong sa Naik, Cavite ng magkakapatid na Andres, Ciriaco, Procopio at kasamang mga Katipunero o ito'y upang protektahan lang ang kanilang nangaganib na buhay sa mga Caviteno?
9. Kung tunay na makatarungan at naaalinsunod sa batas ang pamahalaang Tejeros ni Aquinaldo, bakit binaliwala at ni hindi binigyan nang paganyaya na lumahok ang dating Supremo sa panunumpang ginawa sa mga nahalal. Hindi ba sana ay hinigan siya ng pormal na pagbibitiw ng tunkulin at nagproklama ng ibang Ministro ng Interior?
10. Nabigyan ba nang hustisya ang walang katuturan na pagpaslang sa kapatid ng Supremong si Ciriaco ng mga tauhan ni Aquinaldo sa Naik?
11. Kung tunay na hangarin ni Aquinaldo na dakpin at litisin ang Supremo, bakit pinaulanan ng punlo at paulit-ulit na pinagsasaksak. Hindi ba't sa ginawang ito kay Bonifacio siya ay pilit na dakpin patay man o buhay?
12. Bakit binaliwala ang katibayan sa akusadong Supremo na siyang nagpasimuno nang barilan, samantalang ang kaniyang baril ay puno pa rin ng punlo?
13. Bakit hindi pinahalagahan at siniyasat ni Aquinaldo kasama ng kaniyang pamahalaan ang salang panggagahasa sa kabiyak ng Supremo. Ang salarin ay hindi ordinaryong kawal, subalit isang opisyal ng militar sa ilalim ni Aquinaldo. Nasaan ang pinaalis ni Kol.Yntong na mga tao sa bahay na nakasaksi sa naganap na kaharasan?
14. Kung napatunayan ang paratang na sidisyon, malinis, makatarungan ang ginawang paglilitis at ang naging hatol ay kamatayan, BAKIT HINDI IPINAPATAY ANG MAGKAPATID SA PAMAMAGITAN NG "FIRING SQUAD" AT IPINAMULAT SA MADLA bilang isang masamang halimbawa?
15. Bakit tila hindi malaman kung paano ang gagawin sa dali-dali at hindi maayos na eksekusyon na pagpatay na ginawa sa magkapatid? Bakit kailangang itago, ngayong ang paghuhukom ay ginawa sa Cavite, na poder ni Aquinaldo at samahang Magdalo? Bakit kailangang pataksil? Bakit ang eksekusyon sa magkapatid ay sa tago na liblib na gubat, palihim, hindi ibinalita, hindi ipinakita sa madla upang huwag tularan, 'di ba't ang kasalanang sidisyon sa kapanahunan ng himagsikan ay napakalaking pagkakasala? Bakit hangang sa ngayon ay mahiwaga pa rin ang ipinagkakatago-tagong tunay na pangyayari tulad ng pagkakapatay kay Ninoy Aquino?
...Pangagahasa, dayaan sa halalan, kataksilan, ingitan, asasinasyon, dahas, kasinungaligan, pagtatakip sa krimen, walang katarungan, kasakiman na magkapusisyon sa pamahalaan at pagpapangkat-pangkat, ang mga krimen at kasalanan na naganap sa Tejeros. Ito'y atin natutunan, inako at ating daladala bilang isang Pilipino, tila isang "original sin" na nangangailangan na tayo ay ipanganak na muli sa bisa ng 'binyag' upang banlawan ang ating "kasalanan" upang magkaroon tayo ng "Pilipino Identity."
Ang krimen at kasalanan sa Tejeros ay paulit-ulit na nangyayari sa ating bayan. Ito kaya marahil ang dahilan sa naputol na himagsikang pinundar ng Dakilang Supremo? o ang kaluluwa ng Dakilang Supremo na nagpupumiglas upang mabigyan muli ng pangalawang buhay at ipagpatuloy ang naputol na tunay na himagsikan!
"History repeat itself" ...ito'y hindi totoo, tayong mga Pilipino ang nagpapaulit sa ating kasaysayan, sanhi ng paulit-ulit na kasibaan at kagahaman!
...ang mga paksa na to ay hango sa aking mga nasaliksik noon ako'y namamasukan pa sa National Heroes Commission. Samantalang ang iba naman ay mula sa aking Lola Poleng na naging kaibigan ng Supremo at kaniyang kapatid na si Procopio at matalik na kaibigan ni Espiridiona Bonifacio, na pinakabatang kapatid ng Supremo.
- - ka tony
ika 30 ng Nobyembre, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Ok
Post a Comment