Si San Bartolome at ang Unang Sigaw!
Si
San Bartolome ay isa sa labingdalawang apostoles ni Hesus Cristo, na
nagtungo sa India at Armenia upang ikalat ang ebanghelyo. Matagumpay na
naakit na maging Kristiyano ni San Bartolome ang Haring Polymius ng
Armenia, na ito naman ay ikinagalit ng kapatid nitong si Astyages. Tuloy
si San Bartolome ay ipinahuli, ipiniit, pinahirapan, binalatan at
pagkatapos ay pinugutan ng ulo. Sa kisame ng Sistine Chapel sa Roma, na
kung saan makikita ang obra ni Michelangelo, mapapansin ang larawan ni
San Bartolome sa "Last Judgement" na bitbit ang kaniyang balat at may
hawak na itak o bolo. Dahil sa kamartiran na ganap kay San Bartolome,
siya ay ginawang patron santo ng mga bolo, itak, tabak, gulok, balaraw,
punyal at balisong. Kadalasan makikita ang imahen ni San Bartolome na
may hawak na bolo, nakapulang damit at sa kaniyang paanan ay nakaapak sa
demonyo.
Ang lumang pangalan ng munisipyo ng Malabon noon ay
"Tambobong" ito'y pinalitan at tinawag na Malabon, sapagkat ang malawak
na sinasakop na lupain nito ay makawayan, kaya't dito ay maraming
umuusbong na mga batang kawayan - "ma-labong." Ganoon din ang ibig
sabihin ng dati nitong pangalang "Tambobong" na nagmula sa "bumbong" ng
kawayan. Naganap ang isang mahalagang kasunduan ng mga panggunahing tao
sa sityo ng Malabon; Nicolas Acerda Manapat (tagapagmana ni Agustin
Sigua na nagmamayari ng lupang tinitirikan ng simbahan sa Malabon), ang
Kastilang Capitan Heneral at ang Arsobispo, pinagkasunduan na pagnatapos
ang itinatayong simbahang paroko ng Malabon at ang magiging patron
santo nito ay kinakailangang ka-pangalan ng "compadre" ni Nicolas Acerda
Manapat na si Bartolome Mangay Mansano.
Naging patron santo ng
Malabon si San Bartolome, na may hawak na bolo at naka-pulang
"balintawak" na kasuotan. Ang tinakdang araw ng kapistahan ng simbahan
at patron santo ay ika-24 ng Agosto, upang gunitain ang araw na ito sa
pagkakatatag ng unang kura paroko ng katatayong simbahan, si Padre Luis
Gonzales - taong 1614. Tuwing darating ang tinakdang araw ng kapistahan
at pagnonobena kay San Bartolome, napakaraming nakahilerang nagtitinda
ng mga sari-saring patalim sa sityo ng Malabon. Karamihan ng nagnonobena
at bumibisita sa araw ng piesta ni San Bartolome ay kinaugaliang
magsuot ng "balintawak" - puting kamisa-chino, pulang pantalon, pulang
panyo na nakalagay sa leeg at may dalang itak o bolo. Ang mga patalim o
bolo ng mga bumibisita at nagnonobena ay binibindisyonan ng kura paroko,
tuloy ang nabendisyonan na mga bolo o tabak ay tinawag na
"sangbartolome."
Ang lihim na samahang Katipunan ng Supremo
Andres Bonifacio ay nabunyag noong ika-19 ng Agosto,1896, sa kumpisalan
ni Parde Mariano Gil, sa parokya ng simbahang Tondo. Nang mabatid ito ng
kura paroco, dali-dali si Padre Gil na nagtungo sa Kastilang Cortes
upang ito'y isumbong sa Gobernador Heneral. Pinagutos na maghigpit ang
mga guardia civil at isa-isang sinisita at sinisiyasat ang mga taong
naglalakbay sa kamaynilaan at karatig-pook. Dahil sa maagang
pagkakabunyag sa lihim na kilusang Katipunan, ang Supremo'y nagtawag ng
isang malaking pagpupulong upang pagusapan kung ano ang nararapat na
kanilang gawin.
Napagisipan ng Supremo na gawin ang malaking
pagpupulong ng mga Katipunero sa mga araw na paghahanda para sa piyesta
ni San Bartolome, ika-24 ng kasalukuyang buwan ng Agosto sa Balintawak.
Isa sa maraming alamat na pinanggalingan ng pangalang "Balintawak" ay
"baling tabak." Ang tila baling landas ng Balintawak ay daanan ang mga
bumibisita at nagnonobena patungo sa piyesta ni San Bartolome ng
Malabon. Ang salitang "baling" o "bali" ay ang hugis ng kalahating-buwan
na dito inihugis ang talim ng mga "tabak" kaya naging "Balintawak."
Sinamantala ang bispiras ng kapistahang gaganaping ito ng Supremo at mga
Katipunero upang mayroon silang katuwiran na makapagdala ng kanilang
mga bolo, tabak, punyal at balisong, na hindi sisitahin at uusisain ng
mga guardia civil sa inaakalang upang ipabasbas sa simbahan ni San
Bartolome sa Malabon. Tuloy ang mga Katipunero ay nakasuot din ng pulang
"balintawak" nakapulang pantalon, puting pangitaas, pulang panyo na
nasa leeg at may dalang bolo, bilang parangal sa patron santo.
Mula sa Balintawak, ang Supremo kasama ang mga Katipunero ay nagtungo sa
Pugad Lawin, pagkatapos ay nagbalik sa Balintawak na kung saan lantad
sa madla at maaaring doon ginanap ang "Unang Sigaw" subalit kung saan
tunay na ginanap at kailan ang ito nangyari, ang kasagutan ay hangang sa
ngayon ay isang kontrobersyal na hiwaga sa ating kasaysayan. Ang "Cry
of Balintawak" na pinagdiriwang na nangyari noong Agosto 26, 1896, ay
ayon sa talaan ng mga Kastila na nagkaroon ito ng pakikipagdigmaan sa
mga Katipunero sa Pasong Tamo, Balintawak, matapos isagawa ang
"pagsigaw" sa bahay ni Tandang Sora.
Ayon naman sa isang tenyente ng guardia civil na si Olegario Diaz, ito ay naganap noong Agosto 25, 1896, sa Balitawak.
Ang isa namanng bersyon ng "Unang Sigaw" ay sa bakurang bahay ng anak
ni Tandang Sora na si Juan A. Ramos noong Agosto 23, 1896, malapit sa
Pugad Lawin, na kung saan din sinira ng mga Katipunero ang kanilang
cedula at sumigaw ng "Mabuhay ang Pilipinas!" Si Santiago Alvarez naman
ay nasabing ito ay naganap sa "Bahay Toro" (na ngayon ay Project 8,
Quezon City), noong Agosto 24, 1896, subalit paano niya itong
mapapatunayan, siya ay hindi kasama ng Supremo at siya ay nasa Cavite.
Ayon naman kay Pio Valenzuela, ito'y nangyari noong Agosto 23, 1896, sa
Pugad Lawin.
Napakadaming bersyon, araw at kung saan naganap;
Balintawak, Pasong Tamo, Pugad Lawin, Caloocan, Kangkong, Bahay Toro at
Banlat. Maaari kayang hindi lang isang beses nangyari ang "pagsigaw?"
Maaari kayang tuwing mapupulong ang mga Katipunero sa mga na sabing
lugar na ito at makapagakit sila ng mga bagong kasapi, ang "pagsigaw" ay
muling nilang gagawin? Mahiwaga ang "Unang Sigaw" o "Grito de
Balintawak" na hangang sa ngayo'y pinagtatalunan at kung ilan nga bang
beses pinunit ng mga Katipunero ang kanilang sedula at sumigaw? Maaari
kaya na ito'y ibinase na naganap sa Mexico ang kanilang "1810 Grito de
Dolores?"
Bukod sa tamang araw at tamang lugar, ano nga ba
talaga ang kanilang isinigaw? May nagsasabi na "Mabuhay ang Pilipinas!"
mayroon naman "Mabuhay ang Katipunan" at ang iba naman ay "Mabuhay ang
Republica ng Filipinas!" Alin sa mga ito ang totoo?
Pati na ang
kalayaang hindi pa nakakamit ng ating bayan ay pinagtatalunan kung
kailan ito naganap. Marami'y nagsasabi ang naganap na "kalayaan" ay ng
nagtungo ang Supremo at mga kasama sa "Pamitinan Cave" sa sitio ng Wawa,
Montalban, sa sinasabing yungib ni Bernardo Carpio na doon ay isinulat
ng Supremo ang "Viva La Independencia de Filipinas!" Subalit, hindi ba't
ito'y sumasalungat sa prinsipyo ng Supremo at ni Gat Emilio Jacinto na
tawagin ang ating bayan na "PILIPINAS" na ipinangalan sa atin ng ating
koloyalista? Hindi ba't kaya ang tawag nila sa ating bansa ay "HARING
BAYANG KATAGALUGAN" ("Sovereign Nation of Katagalugan") at ang Supremo
ay ang - "Pangulo ng Haring Bayan ng Katagalugan?" Tunay na marami pa
tayong dapat na suriin at walang humpay na saliksikin ang katotohanan sa
ating kasaysayan. Ganoon pa man'y maraming salamat sa patron santo ng
Malabon - San Bartolome, nang dahil sa kaniya'y na bigyan ng pagkakataon
ang Katipunan ng mga Anak ng Bayan na magtipun, sumigaw, punitin ang
kanilang sedula at simulan ang armadong himagsikan!
- - ka tony
ika-22 ng Agosto, 2012
No comments:
Post a Comment