Sunday, October 28, 2012

Gat ANDRES BONIFACIO - Bakit Pilipinas Lang sa Buong Mundo, Ang Nagsimula ng Himagsikan Hindi National Hero?






















Bakit Pilipinas lang sa buong mundo, dalawa ang kinikilalang National Hero? Bakit napakalungkot ang naging buhay ng dakilang Andres Bonifacio? Hindi nais na ihalintulad ang malagim na kinahinatnan ng rebeldeng Hesus Kristo, subalit tila mas masakit pa ang nangyari sa rebeldeng Andres Bonifacio na ang taging nasa ay kalayaan ng Katagalugan at katarungan ng masang sambayanan...

# ...namatay nang maaga ang kaniyang magulang at siya ang nagalaga at nagpalaki sa kaniyang limang batang kapatid.
# ...maagang nabalo ng mamatay ang kaniyang unang kabiyak sa sakit na ketong.
# ...nagasawa na muli kay Gregoria de Jesus, na hindi sangayon sa kaniya ang mga magulang nito.
# ...namatayan siya ng kaniyang sangol na anak, kay Gregoria de Jesus.
# ...pinagkanulo ang kaniyang lihim na Katipunan, na magpapalaya sa bayan at sa kahirapan ng masang Katagalugan.
# ...nasunugan ng kaniyang bahay, ang lahat ng kaniyang naipundar na ari-arian at mga dokumento ng KKK ay nadupok ng apoy.
# ...wala man lamang siyang pinalanunan sa larangan ng digmaan.
# ...dinaya sa halalan sa Tejeros.
# ...hinamak siya nang siya ay mahalal sa mababang tungkulin.
# ...inagaw sa kaniya ang liderato at ang ipinundar na himagsikan, pinalitan ng Ilustradong rebolusyon.
# ...pinagbintangan na siya pa ang aagaw sa naitayong pekeng pamahalaan ni Aquinaldo.
# ...ninakaw ang "Acta de Tejeros" na nilagdaan ng mga nakasaksi sa dayaang nangyari at nagsasaad sa pagwawalang bisa sa naganap na halalan sa Tejeros.
# ...pinatay sa kaniyang harapan ang kaniyang kapatid na si Ciriaco.
# ...sinaksak na paulit-ulit sa leeg ni Hen. Ignacio Pawa, pagkatapos ay itinali at hinuli.
# ...pinahirapan, at ninakaw pa ang pangkasal na sinsing nila ni Gregoria de Jesus.
# ...ginahasa ang kaniyang kabiyak ng isa sa opisyal ni Aquinaldo na si Kol.Yntong.
# ...nilitis siya sa hukuman na walang katarungan sa salang sidisyon at na sintensyahan ng kamatayan.
# ...ikinulong ng ilang araw sa Cavite, ginutom at hindi man lamang ginamot ang sugat niya sa leeg.
# ...sa kakulangan niya sa dugo, dahilan sa sugat sa leeg, nanghihina na kasama ang kapatid na si Procopio at dinala sila sa bundok ng Maragondon.
# ...nakita niyang pinatay ang kaniyang kapatid na si Procopio.
# ...binaril siya ay pinagtataga, hangang sa mamatay.
# ...ibinaon ang kaniyang labi sa mababaw na hukay na wala man lamang na nilagay na palatandaan.
# ...hindi siya tinanghal na "National Hero" ng kolonyalistang Gringo di tulad ng mga ibang bansa na ang national hero ay ang nagtatag at namuno ng himagsikan.
# ...ang mga nagsisuko sa Gringo at nagpaalila na dati niyang mga kasamahan sa himagsikan, siya pa ay siniraan.
# ...ilang beses na ang kaniyang imahen sa ating perang "Piso" ay paliit nang paliit ang pagbibigay halaga sa kaniyang kabayanihan.
# ...ngayon naman'y mga mason at mga maka-Rizal ay pinagdududahan at binabahiran na siya ay "taksil" sa pinaliit na parte sa himagsikan at sa ating kasaysayan.

“...kaya isipin ninyo mga kapatid kung katoiran o hindi ang kanilang ginagawa pag api sa amin" - Gregoria de Jesus (1875-1943)


Ang malaking pagkakamali ni Aquinaldo at ang kasamahan niyang ilustrado ay nang kanilang patayin ang Supremo, upang pigilin ang kadakilaan at agawin ang liderato, ay tulad din ng pagkakamali ng mga Romano, may 2,000 libong taon nang nakalipas, upang masugpo ang diwa at sinimulang himagsikan ay pinatay ang isang rebeldeng Hudyo sa pamamagitan ng pagpako sa krus. Lalo lamang nagalab ang naiwang diwa na sinimulan at taos na lumaganap ang pakikibaka.

KOLONYANG PILIPINAS NG AMERIKA
...ang unang Araw ng Manggagawa o Labor Day ay naganap noong ika-1 ng Mayo, 1903. Ang manggagawa ng Union Obrero Democratica de Filipinas at magsasaka ang nagsipagaklas, nagtipon sa Plaza Moriones, Tundo at nagmartsa, nagtungo sa Malacanan na kung saan nandoon ang American Governor-General na si William Howard Taft. Tila bandila ang taglay na mga larawan ng Supremo Andres Bonifacio ng mga nagsisipagaklas na nagmamartsa. Ang pagaklas na nangyari ay nauwi sa "riot," ito ay tinawag na sidisyon at tuloy ginawang labag sa batas, ang larawan ng Supremo na naging sagisag ng himaksikan ay lalong nagpababa sa imahen ng Supremo bilang pangunahing pambansang bayani ng Pilipinas sa mata ng mga kolonyalista. Ang mabilis na pangyayari ito'y sinundan ng pagkakatatag sa Partido Komunista ng Pilipinas.

Sadyang nilapastangan at binaluktot ng mga kolonyalista at ng tuta nilang ilustrado/sajonistang mga pulitiko ang ating kasaysayan, upang mapagtakpan ang kanilang ginawang mga krimen, pagnanakaw sa likas ng ating bayan, pagangkin sa ating tagumpay at pagwawalang halaga sa katutubong kultura. Pati na ang bayaning nagsimula ng himagsikan Gat Andres Bonifacio ay tinawag na "The Great Plebeian" upang ibabang uri ang antas sa "colonial mentality" na lipunan nang huwag tularan at hanggaan. Ang "plebeian" ay pinakamababang uri sa lipunan ng Roma noong araw, hindi naman tayo Romano, bakit plebeian?

Kung tunay ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na sinasabi nanggaling ito sa Katipunan ng Supremo Bonifacio, bakit hindi na aayon sa Kartilya ng Katipunan ang kanilang ikinikilos? Hindi ba't inagaw ni Aquinaldo at ng kaniyang ilustradong pamahalaan ang liderato at himagsikan? Hindi ba't ang mala-mafia na pamahalaang himagsikan ni Aquinaldo'y inagaw naman ng kolonyalistang gringo? Hindi ba't nagsisuko ang mga opisyal at tauhan ni Aquinaldo sa mga kolonyalista't naglingod bilang PC, AFP (dating Philippine Scouts) at PNP, na sila pa ang mga nagkanulo, humuli at pumatay sa mga "second wave" na Katipunero na ipinagpapatuloy ang tunay na Katipunan? ...saan ngayon, kahit bakas man lamang ng Katipunan ni Gat Bonifacio ang makikita sa kasalukuyan Sandatahang Lakas ng Pilipinas?

Tunay na hangang sa ngayo'y kailangan bigyan ng masigop na pananaliksik ang kahinahinalang panyayari at ikinilos ni Aquinaldo sa halalan sa Tejeros. Bakit wala si Aquinaldo sa Kombensyong halalan sa Tejeros? Ang naging dahilan daw kung bakit wala si Aquinaldo sa halalan siya'y nasa digmaan. Kung tunay na napakahalaga para sa mga Magdalo ang Kombensyon ng Tejeros, upang makipagisa sa mga Magdiwang at sa pagtataguyod ng bagong pamahalaan sa pamamagitan ng halalan, bakit kaya ito itinakda sa araw sa 22 ng Marso, isinabay sa kaarawan ni Aquinaldo?

# ...kung napakahalaga ang Kombensyon ng Tejeros at araw din ng kapanganakan ni Aquinaldo, bakit siya ay nasa digmaan samantalang ang kaniyang mga heneral na Magdalo ay nasa kombensyon?
# ...kung tunay na nagpaplano at naghahanda ang mga Magdalo at Magdiwang na pagkakasunduin sila ng Supremo sa kombensyon, bakit wala si Aquinaldo na pinuno ng Magdalo samantalang si Alvarez na pinuno ng Magdiwang ay nandoon?
# ...alam kaya ni Aquinaldo na siya ang magwawagi sa halalan na binabalak at nakalagay na nga kaya ang kaniyang pangalan sa mga balota tulad ng sabi ni Mojica sa Supremo sa dayaang mangyayari, kaya wala siya sa kombensyon?
# ...sinadya kaya ng mga Magdalo na wala sa halalan si Aquinaldo upang hindi paghinalaan ang kaniyang pagwawagi bilang pangulo sa dayaang nangyari?
# ...nang pawalan ng bisa ng Supremo ang halalang naganap, bakit taos pusong tinangap agad na walang pagiimbot ni Aquinaldo. Samantalang ang pagkakahalal sa kaniya at ipinagpatuloy na patago sa lahat ang panunumpa bilang pangulo at ang mga nahalalal?
# ...bakit hindi man lamang binigyan ng paganyaya ang Supremo sa panunumpang gaganapin, samantalang ang Supremo naman ay nahalal din bilang Ministro ng Pangloob?
# ...bakit ibinigay at dineklara na lamang si Pascual Alvarez bilang Ministro ng Panloob na hindi man lamang hiningan muna ng pagbibitiw ang Supremo, sa pagkakahalal sa kaniya ng katungkulang ito?

...ito ang mahalagang katanungan at napakarami pang iba sa maaaring dayaang nangyari at bago nangyari sa Kombensyon ng Tejeros. Kung si Aquinaldo sana ay hindi malisyoso at taong mapagkakatiwalaan, maaari natin ipagpaliban ang mga katanungang ito. Subalit sino ang magtitiwala sa "pangulo ng bayan," kung siya ay...

# ...ang nagtaguyod ng "tayo-tayo - sila-sila" at "salvaging" na mala-mafia sa kasaysayan ng pulitika sa Pilipinas.
# ...umagaw ng liderato at ng masang himagsikang Katipunan.
# ...nagapruba sa walang katarungang paglilitis sa magkapatid na Bonifacio.
# ...hindi nagbigay halaga sa pangagahasa sa maybahay ng Supremo na isinagawa ni Kol. Yntong, isa sa mataas na opisyal niya.
# ...nagapruba sa hindi makatarungan at patago na pagkakapatay sa mga magkakapatid na Bonifacio.
# ...kataksilang ibinenta ang himagsikan sa Biak na Bato.
# ...nakipagsabuwatan sa mga Amerikano, sa iligal na pakikialam ng EU sa ating pambansang himagsikan.
# ...nagutos sa pataksil na pagkakapatay kay Hen. Antonio Luna.
# ...nagdali-daling nagdeklara ng kalayaan sa Kawit, Cavite, na hindi pa lubos na papapalalunan ang himagsikan.
# ...nagbigay ng utos kay Hen. Gregorio del Pilar sa siguradong kamatayang misyon sa Pasong Tirad, upang siya ay makatakas sa mga Amerikanong sa kaniya'y humahabol.
# ...sumunod sa kautusan ng mga Gringo na huwag pasukin at pasukuin ang ang nalalabing mga Kastila sa Maynila (Intramuros), tuloy naagaw ng mga Gringo ang ating tagumpay.
# ...nakipagsabuwatan noong ikalawang digmaan sa mga imperyalistang Hapon.

Ito ang sinulat ni Apolinario Mabini sa kaniyang aklat na
"La Revolucion Filipina"

"...The death of Andres Bonifacio had plainly shown in Mr. Aguinaldo a boundless appetite for power and Luna’s personal enemies exploited this weakness of Aguinaldo with skillful intrigues in order to encompass Luna’s ruin.
To say that if Aguinaldo, instead of killing Luna (allowing Luna to be killed), had supported him with all his power, the Revolution would have triumphed, would be presumption indeed, but I have not the least doubt that the Americans would have had a higher regard for the courage and military abilities of the Filipinos. Had Luna been alive, I am sure that Otis’s mortal blow would have been parried or at least timely prevented, and Mr. Aguinaldo’s unfitness for military command would not have been exposed so clearly….

To sum it up, the Revolution failed because it was badly led; because its leader won his post by reprehensible rather than meritorious acts; because instead of supporting the men most useful to the people, he made them useless out of jealousy. Identifying the aggrandizement of the people with his own, he judged the worth of men not by their ability, character and patriotism but rather by their degree of friendship and kinship with him; and anxious to secure the readiness of his favorites to sacrifice themselves for him, he was tolerant even of their transgressions. Because he thus neglected the people forsook him; and forsaken by the people, he was bound to fall like a waxen idol melting in the heat of adversity. God grant we do not forget such a terrible lesson, learnt at the cost of untold suffering." - - mula sa aklat ni A. Mabini "La Revolucion Filipina"


Ang pinanggalingan ng ating puppet na pamahalaan ay mula kay Aquinaldo na umagaw sa ipinundar na pamahalaang "Haring Bayang Katagalugan" na si Gat Andres Bonifacio ang pangulo. Upang huwag bigyan ng halaga ang pamahalaan at lideratong itinatag ng unang bayaning naghimagsik, si Aquinaldo ang ipinatangkilik ng mga kolonyalista na tawaging unang pangulo ng bayang Pilipinas.

RIZAL AT BONIFACIO

Bakit kinakailangang dalawa ang ating kinikilalang National Hero? Sabi ng rebolusyonaryong si Hesus Kristo... "no one can serve two masters. Either he will hate the one and love the other, or he will be devoted to the one and despise the other." Ito'y totoo, subalit sa pagpili ng pambansang bayani, tayong mga Pilipino ay "balimbing" din pati sa ating pagdakila? Kung ang "araw ng mga bayani" na ating dinadakila at ginugunita ang kagitingan ng "Unang Sigaw" na nagsimula sa armadong himagsikan ng Katipunan ng Supremo Bonifacio, bakit si Rizal pa ang mas kinikilalang "National Hero?"

Ang Amerikanong Governor General Howard Taft ay nagpanukala sa Philippine Commission, noon taon 1901 na gawin "national hero" si Jose Rizal at naglabas ng batas: Act No. 346 - which set the anniversary of Rizal’s death as a “day of observance.” Nabangit sa aklat na "Between Two Empires" ni Theodore Friend... "Taft with other American colonial officials and some conservative Filipinos chose him (Rizal) a model hero over other contestants - Aguinaldo too militant, Bonifacio too radical, Mabini unregenerate." Ang naging sanhi kung bakit si Rizal ang pagpiling "national hero" ng mga Amerikano at mga Pilipinong sajonista ay mababasa sa aklat ng dating US Governor General W. Cameron Forbes, "The Philippine Islands" na nagsasabi... "It is eminently proper that Rizal should have become the acknowledged national hero of the Philippine people. Rizal never advocated independence, nor did he advocate armed resistance to the government. He urged reform from within by publicity, by public education and appeal to the public conscience"

Ikinatakot ng mga kolonyalista ang nangyaring pagdakila at paggamit bilang sagisag ng himagsikan ang larawan ng Supremo, maging ang pagbangit sa kaniyang pangalan sa ginawang pagaklas ng mga manggagawa at magsasaka noong unang "Labor Day" sa Plaza Moriones. Tuloy ang kaniyang larawan at ang ating bandila ay naging labag sa batas, ang pagdakila, pagkilala, pagsaludo at pagsabit nang mga nito sa publiko. Bakit nga naman tatangkilikin ng mga kolonyalista bilang "national hero" ang mala-sosyalistang radikal na Supremo Bonifacio na ang adhikain ay...

1. Kunin, ibalik at ipaghati-hati ang mga lupa, kayamanan at ari-arian kinamkam, inagaw, inilit at ninakaw ng mga prayle at mga dayuhan sa mga mahihirap at mga magsasakang Pilipino.
2. Kalayaan ng Pilipinas mula sa mga Kastila at iba pang kolonyalista.
3. Ibagsak ang "elite na socialidad" na pinasimulan ng mga Kastila at itaguyod ang pantay-pantay na lipunan.

Tunay na tinangkilik ng mga kolonyalistang Amerika ang tahimik na repormang adhikain ni Rizal, lalong-lalo na kasalukuyang tinataguyod nilang "benevolent assimilation" na programa para sa kolonya nilang Pilipinas. Bilang pinuno ng mga ilustrado sa Espana, sa pangalang "Dimasalang" si Rizal ay nagsulat sa propagandang pahayagan "La Solidaridad" ng mga: sanaysay, tula, talinghaga at editoryal, laban sa mga: Kastilang pare, prayle at Kastilang cortes. Kaniyang ipinaglalaban na magkaroon ng reporma para sa tulad nilang mga ilustrado at mga sumusunod na mungkahi...

1. Gawing probinsya ng "Inang Espana" ang Pilipinas.
2. Ang uri nilang ilustrado ay magkaroon ng kinatawan sa Kastilang cortes.
3. Mga Pilipinong pareng sekolar ang sila'y maging mga kura sa kani-kanilang paroko at sityo, ipapalit sa mga Kastilang kura-paroko.
4. Kalayaan makapagtipon at makapagpahayag.
5. Pantay sa mata ng batas ang sino man tao ng lipunan.

...bagamat ang mga munkahing reporma na ito'y tinangkilik ng mga Kastilang intelektual, tulad nila Morayta, Umamuno, Margal,  atbp... ang panukalang ito'y hindi binigyan ng pansin ng Kastilang cortes at simbahan.

Maging ang historyador na si Renato Constantino ay nagsabi... "Rizal is a United States-sponsored hero who was promoted as the greatest Filipino hero during the American colonial period of the Philippines." Patuloy ang pagtataguyod sa "benevolent assimilation" at kasabay nito ay ang propaganda sa ilustradong bayaning si Rizal. Maraming ipinangalang mga paaralan, kalsada, tulay, plaza, gusaling pangpamahalaan at mga aklat na ipinasulat ayon sa kabayanihan ni Rizal, ang mga Amerikano upang makakatulong sa pagsugpo sa mga "second wave" na rebolusyonaryong tinawag nilang "tulisan" o "bandoleros" na patuloy ang pakikibakang hangad ay kalayaan sa Amerika. Patuloy din ang paglason sa murang isipan ng mga kabataang magaaral sa tinaguyod ng mga Amerikanong paaralan, aklat at pamamaraang pagtuturo sa buong Pilipinas.

Bakit tatangkilikin ng mga kolonyalsitang Amerikano ang radikal at rebeldeng Bonifacio, samantalang magkatugma ang pinalalaganap nilang "benevolent assimilation" at ang mga sinulat, layunin at ginawa, nang napili nilang "national hero" na si Rizal...

# ...tumalikod at kinondema ang himagsikang binabalak ng Katipunan at nagsabing... "Why independence, if the slaves of today will be the tyrants of tomorrow?"
# ...nagprisintang maglingkod sa Cuba sa ilalim ng bandilang Espana, na maggamot sa sugatan na mga sundalong Kastilang nakikipaglaban sa mga naghihimagsik na mga Cubano para sa kalayaan ng kanilang bayan laban sa Kastila.
# ...habang nakapiit sa Fort Santiago, si Rizal ay sumulat ng manipesto sa pagkondema niya sa himagsikan ng Katipunan at naniniwala na ang taging pagasa ng mga Pilipino ay magaral upang makamit ang kalayaan.
# ...pinabulaanan at pumirma bilang retraksyon sa kaniyang sinulat na dalawang aklat na "Noli," "Fili" at ang mga sinulat niyang laban sa simbahang katoliko...

"Me retracto de todo corazon de cuanto en mis palabras, escritos, inpresos y conducta ha habido contrario a mi cualidad de hijo de la Inglesia Catolica. Creo y profeso cuanto ella enseña y me somento a cuanto ella manda.
Manila 29 de Diciembre de 1896
Jose Rizal"

(salin sa wikang Ingles)...
"I retract with all my heart whatever in my words, writings, publications and conduct has been contrary to my character as son of the Catholic Church. I believe and I confess whatever she teaches and I submit to whatever she demands. I abominate Masonry, as the enemy which is of the Church, and as a Society prohibited by the Church. The Diocesan Prelate may, as the Superior Ecclesiastical Authority, make public this spontaneous manifestation of mine in order to repair the scandal which my acts may have caused and so that God and people may pardon me.
Manila 29 of December of 1896
Jose Rizal"

Maraming hindi na niniwala sa retraksyon na ito ni Rizal. Subalit kung hindi nga niya ginawa ang retraksyon...

# ...papaano siyang ikakasal kay Josephine Bracken?
# ...bakit pinapatunayan ng tatlong nakasaksi sa retraksyon na ginawa ni Rizal; ang dalawang pareng mga Jesuits na sila Padre Balaguer, Padre Viza at Kapitan Rafael Dominguez, ang kapitan na nagtatala sa mga huling oras sa buhay ni Rizal.
# ...ayon sa diaryong "La Voz Española" ..."The “original” document of Rizal’s “retraction” was found in the archdiocesan archives in 1935, 39 years after having disappeared the day Rizal was shot. There was no record of anybody seeing this “original” document in 1896, except the publishers of La Voz Española, which published its contents on the day of Rizal’s execution: “We have seen and read his (Rizal’s) own handwritten retraction which he sent to our dear and venerable Archbishop….” Most experts think that the handwriting on the document is authentic. However, scholars are baffled as to why Rizal, who courageously faced persecution for most of his life and who was finally sentenced to death for his beliefs, would suddenly balk at the last, futile moment." ...marahil ang kasagutan dito ay upang maikasal sila ni Josephine Bracken, na noon ay nagdadalang-tao na.
# ...bakit ang kaniyang tulang "Huling Paalam" o "Adiós, Patria Adorada" ay pinalabas na sa pahayagan sa Hong Kong ni Mariano Ponce sa imbentong pamagat na "Mi Ultimo Pensamiento?" Ang orihinal na tulang ito na sinulat ni Rizal ay walang pirma, walang pamagat at walang araw na tinakdaan, dahilan kaya'y umaasa pa si Rizal na siya ay patatawarin sa kaniyang gagawing retraksyon, pagwawalang sala at siya'y palalayain?

Tunay na kontrobersyal at mahiwaga ang kamatayan ni Rizal, tulad din sa sinapit na kamatayan ng Supremo Bonifacio, ang ating binaluktot na kasaysayan at pati na ang tunay na hihiranging "National Hero" ng ating bayan. Sa darating na Nobyembre 30, 2012 ay ika-149 taon anibersaryong kapanganakan ng Unang Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan, ang Supremo ng Katipunan, ang Ama ng Himagsikan - Gat Andres Bonifacio. Hahayaan ba nating maglaho at malimutan ang kaniyang kabayanihan, tulad ng kaniyang nawalang labi sa Mt. Buntis? Isigaw natin at tanungin sa sambayanan... "Bakit Pilipinas Lang sa Buong Mundo, Ang Nagsimula ng Himagsikan Hindi National Hero?"


Pangagahasa, dayaan sa halalan, kataksilan, ingitan, asasinasyon, dahas, kasinungaligan, pagtatakip sa krimen, walang katarungan, kasakiman sa kapangyarihan, pagpapangkat-pangkat at pagbenta sa ating kalayaan, ito lahat ang mga krimen at kasalanan na naganap sa ating kasaysayan. Ito'y ating daladala sa ating lahi bilang isang Pilipino, tila isang "original sin" na nangangailangan na tayo ay ipanganak na muli sa bisa ng binyag upang banlawan ang ating kasalanan, upang matagpuan ang nawalang "Pilipino Identity." Magbabagon kayang muli ang di makitang labi ng Supremo Bonifacio o ipangangaganak kaya siyang muli mula sa sinapupunan ng Mt. Buntis sa Maragondon, upang ipagpatuloy ang naputol na himagsikan?


 ...nagpapasalamat ng napakalaki sa mga kasamang nagbigay halaga sa proyektong buhayin ang kadakilaan ng Supremo Bonifacio. Marami pong salamat; C.L. Lee at M.L.-Castillo. Mabuhay kayo!
- ka tony
ika-27 ng Oktubre, 2012

No comments: